Paano makakabangon ang isang pamilya kung putol ang isa nitong paa? Paano mahaharap ang hamon ng buhay kung mag-isang lumalaban upang makamit ang buhay na tinatamasa?
Bilang kaakibat sa mga mahihirap na sektor ng lipunan, nagpatupad ang Department of Social Welfare and Development (DSWD) ng isang programang makakatulong mapa-angat ang antas ng pamumuhay ng mga pamilyang ito, ang Pantawid Pamilyang Pilipino Program (Pantawid Program).
Isa sa mga benipisyaryo ng programang ito ay si Mary Jane W. Migeno, limampu’t apat na taong gulang na nakatira sa Balzain Centro 12, Tuguegaro City, Cagayan. Si Mary Jane ay may dalawang anak, hiwalay na sa kanyang asawa at nag-iisang nagtataguyod ng pamilya.
Rehistradong nurse si Mary Jane, unang sumabak sa trabaho sa isang pampublikong ospital noong 2005 subalit dahil hindi sapat ang kinikita, nagdesisyong makipagsapalaran ng dalawang taon sa ibang bansa. Hindi pa siya nagtatagal sa napapasukan ay nabalitaan niyang nagkasakit ang kanyang ina sanhi ng agarang pagtatapos ng kanyang kontrata at pag-uwi sa Pilipinas. Ginugol niya ang oras sa pag-alaga ng kanyang ina at ang ipon sa pagpapagamot subalit kalaunan ay pumanaw pa rin ito.
Hindi naging madali para sa kanya ang pagkaulila sa kanyang ina, maging ang kanyang mga anak ay nakaramdam ng matinding kalungkutan na humantong sa depresyon. Ayon sa espesyalista, ang panganay na anak ni Mary Jane ay nagkaroon ng karamdamang tinatawag na “Early Onset Psychosis” at kinakailangan ang kanyang mahigpit na pagsubaybay at pag-inom ng mamahaling mga gamot.
Taong 2011 nang napabilang siya sa Pantawid Program at nakaramdam ng kaunting kaginhawaan buhat nang magsimulang matanggap ang kanyang mga cash grants. Kasabay nito ang pagpasok niya bilang Barangay Health Worker (BHW) na tumatanggap ng P2,100 kada buwan dagdag pantustos sa pamilya.
Sa kabila ng mga pasanin ni Mary Jane, hindi niya pinabayaan ang pamilya. Hindi rin niya binalewala ang mga obligasyon sa programa. Naging aktibo siya sa pagdalo ng mga Family Development Sessions (FDS) na siyang naging daan upang mahasa ang kanyang kaalaman sa pang-araw araw na pamumuhay maging ang aplikasyon nito upang magampanan ang kanyang mga responsibilidad bilang isang BHW.
Higit na nagkaroon ng impresyon sa kanya ang paksa sa mga karapatan ng mga kababaihan at R.A. 9262 o ang Anti-Violence Against Women and their Children Law. Sa tulong ng batas na ito, naipaglaban niya ang karapatan ng mga anak sa suporta mula sa kanilang ama. Hindi naman siya nabigo at sa ngayon ay tumatanggap na rin ng dagdag na sustento.
Sa ngayon, pinag-iipunan niya ang magpatayo ng isang maliit na tindahan upang magkaroon pa ng dagdag na kita. Si Mary Jane ay larawan ng isang maparaan na ina at matatag na babae. Tunay na ehemplo ng mga kababaihang hindi natitinag sa mga hamon sa buhay.
### kwento ng ilang manggagawa ng Pantawid