“Madalas kaming hindi kumain ng tatlong beses sa isang araw,” panimula ni Rizalina Darauay, 45, maybahay ni Romeo, 44, at nakatira kasama ang tatlong anak sa Annafunan, Tuguegarao city. “Ang mga anak ko, hati-hati pa sa isang supot ng biskuwit maginhawaan man lang saglit ang kanilang kumakalam na mga bituka sa maghapon.”
Hindi nakapagtapos ng pag-aaral ang mag-asawa na siyang dahilan ng kawalan ng regular na mapapasukan. Paminsan-minsan naman ay humihingi sila ng kaunting tulong sa mga magulang subalit maging ang mga nakatatanda ay kinakapos din kung kaya naman ay sinubok nila ang iba’t-ibang mapapasukan.
“Ang sabi ko sa sarili ko, titiisin ko ang lahat makakain lamang ng kahit isang beses sa isang araw ang aking pamilya,” ani ni Romeo. “Sa pangangalakal ko ng basura, minsan, natutukso akong mag-uwi na lamang ng mga pagkaing naitatapon ng iba. Ang ikinakatakot ko ay kung maging sanhi pa ito ng mas higit na kapahamakan sa kanilang kalusugan.”
Samantala, si Rizalina naman ay nagtitinda lamang ng Yakult sa harap ng simbahan maghapon. Dahil walang sapat na kinikita, madalas ay asukal na rin ang tinitimpla niya na pamalit sa gatas ng maliliit na mga anak. Ang naibibigay ng asawa ay para sa higit na mahalagang bagay katulad ng bigas at kaunting ulam na madalas ay noodles o sardinas.
Maliit ang bahay na minana pa ni Romeo sa kanyang mga magulang. Sa katunayan, inilarawan niya ito sa isang kuwadra na marahil ay hindi pa magkakasya ang isang malaking kama. Ang nag-iisang kuwarto ay nagsisilbing kusina, kainan, at tulugan ng pamilya. Salat sa mga gamit kundi ang kaserolang lutuan, kalan ilang pinggan at baso at gamit pantulog.
Ang mga batang sina Rosemarie, Renalyn at Romeo Jr. ay natuto sa iba’t-ibang gawaing bahay sa murang edad. Nang sila ay magsimula nang pumasok sa paaralan, nakaugalian nilang makitulong sa iba’t-ibang kabahayan upang maka-ipon ng perang pambaon at pambili ng mga gamit.
“Hinahangaan ko ang katatagan nila,” pagmamalaki ni Rizalina. “Maraming kabataan ang mahilig humingi ng iba’t-ibang bagay mula sa kanilang mga magulang, ngunit hindi ang mga anak ko. Pinaghihirapan nila ang anumang gusto nilang makamit.”
“Hindi namin naranasan ang matagal na makipaglaro sa kapitbahay at mga pinsan dahil may kanya-kanya kaming gawain sa bahay habang wala pa sina mama at papa. Sila ate, maghugas ng pinggan, magluto ng kanin pero kung walang maisaing, uupo na lang kami sa bahay at maghihintay kung may bitbit sila pag-uwi,” kwento ni Romeo Jr.
“Nagulat kami nung araw na ipinatawag kami ng isang opisyal ng barangay. Pinadala nila ang iba’t-ibang dokumento at sumailalim sa isang mabusising interbiyu. Naaalala ko noon na nagdalawang-isip pa akong magpunta dahil sa mga oras na maaari ko pa sanang igugol sa paghahanap-buhay.” Balik-tanaw ni Romeo. “Iyon na pala, napasama kami sa mga makikinabang sa Pantawid Pamilyang Pilipino Program”
Sa unang tinanggap na ayuda ng pamilya ay mga gamit sa paaralan at pagkain ang pinaggamitan. Ang kaunting natira ay siyang inipon ni Rizalina at ipinuhunan sa pagtitinda ng meryenda tulad ng fishball, kwek kwek, hotdog at iba pa. Pumasok din bilang construction worker si Romeo at ang kinikitang arawang bayad ay ginagamit para sa unti-unting pagpapaayos ng kanilang bahay.
Hindi pa rin nalilimutan ni Rizalina ang dinanas na hirap bunsod ng hindi siya nakapagtapos sa pag-aaral kung kaya ito naman ang paulit-ulit niyang pangaral. “Hindi naman habang buhay na may 4Ps na aagapay sa amin. Edukasyon lamang ang pwede naming maipamana sa kanila at ang kagandahan pa nito, hindi ito pwedeng nakawin ninu man. Dahil sa 4P’s, ang dating pangarap lang na mapag-aral namin ang mga anak ay natugunan ng programa. Masasabi kong dahil sa 4P’s, napagtapos ko ang isa kong anak ng kolehiyo at itong bunso ko ay sigurado akong mapapabuti rin ang kinabukasan,” dagdag pa niya.
Sa ngayon, ang pamilya Darauay ay binubuo ng walong miyembro kabilang ang manugang, tatlong anak at dalawang apo. Ang panganay na si Rosemarie, 25, ay nakatapos ng dalawang taon sa kursong Computer Science at kasalukuyang nagtatrabaho bilang isang saleslady sa Maynila. Regular siyang nagpapadala ng tulong sa kanyang pamilya. Bagamat solo-parent, hindi siya pinanghihinaan ng loob na mabigyan ng magandang buhay ang kanyang anak katuwang ang mga magulang.
Si Renalyn naman, 23, ay nagtapos ng kursong Secondary Education sa Cagayan State University noong 2015. Sa ngayon ay puspusan siyang naghahanap ng mapapasukan. Katunayan, nagpasa siya sa mga pribadong paaralan ng kanyang application at hinihintay kung matanggap siya bilang guro nitong susunod na taon. Datapwat siya ay nakapag-asawa at nagkaanak sa maagang edad, hindi iyon naging balakid sa kanyang pagtatapos sa pag-aaral at pagpursige upang matanggap bilang isang guro.
Pangarap naman ni Romeo Jr, 14, ang maging pulis. Nakikinikinita niya ang sariling poging-pogi sa suot na unipormeng asul at makintab na sapatos. Nais niya ring maglingkod sa publiko balang araw.
Bahagi ng hamon sa kanilang pag-unlad ang mga naririnig na negatibong usap-usapan ng mga tao na sila ay umaasa sa programa. Sagot nila rito, “Ang paninindigan ko ay hindi kami umaasa lang sa natatanggap naming tulong sa 4P’s, nagsusumikap kaming mag-asawa upang patunayan na hindi lang kami nabubuhay at naghihintay sa tulong ng programa. Hawak kamay kaming patuloy na nangangarap at nagsusumikap na abutin ang aming pangarap, pangarap na alam naming sa bawat paggising ay nasisilayan ng pag-asa, mananatili lamang ang mga bakas sa basura.”
### Kwento mula sa Pantawid Pamilya field workers