Tuguegarao City – Pinasimulan na ng Department of Social Welfare and Development Field Office 02 (DSWD FO2) ang pay-out ng cash grants para sa mga benepisyaryo ng Pantawid Pamilyang Pilipino Program (4Ps) sa mahigit sampung bayan ng rehiyon ngayong araw, March 25, 2020.
Ito ay kasunod ng pagpasok ng kanilang grants sa indibidwal na cash cards mula sa Land Bank of the Philippines (LBP) kahapon.
Kabilang sa mga bayang ito ang Aritao, Bagabag, Dupax Del Norte, Dupax Del Sur, Santa Fe, Villaverde at Alfonso Castañeda sa Nueva Vizcaya samantalang sa Aurora, Ilagan, Luna, Cauayan at Cabatuan naman sa Isabela.
Ayon kay 4Ps Regional Program Coordinator na si Vicenta Pamittan, higit na pinaghandaan ng mga Municipal Opetrations Office (MOO) sa mga bayang ito ang isinagawang pay-out upang mapanatili ang pagsunod sa mga alituntunin ng Enhanced Community Quarantine (ECQ) katulad ng social distancing, paggamit ng face mask at alcohol o sanitizer sa mga pay-out.
Si Arnold Birung, Municipal Link ng Aritao, Nueva Vizcaya, ay naroroon sa kaniyang istasyon upang gabayan ang mga benepisyaryo. Aniya, “Malaki ang suporta ng lokal na pamahalaan mula barangay hanggang munisipyo sa pagsasagawa ng pay-out na ito. Sa katunayan, sila pa ang nagboluntaryong magbigay ng sasakyang magdadala ng mga benepisyaryo sa pay-out venue at nariyan din ang mga barangay tanod upang mapanatili ang kaayusan at malimitahan natin ang dami ng mga taong magpupunta rito.”
Sinisiguro naman ng ahensiya na sa susunod na mga araw na rin magkakaroon ng pay-out sa iba pang mga bayan, ang kailangan lamang ay makipag-ugnayan ang mga benepisyaryo sa kanilang mga municipal link para sa iskedyul at sumunod sa mga alituntunin ng ECQ.