Tuguegarao City – tinatayang 91,942 na mga kabahayan mula sa Pantawid Pamilyang Pilipino Program (4Ps) ng rehiyon ang tumanggap ng kanilang cash grants ngayong araw na ito sa pamamagitan ng kanilang Land Bank EMV Cash Cards.

 

Ang cash grants na sinasakop ng Period 6 (P6) ay mula sa resulta ng kanilang pagsunod sa mga kondisyon sa edukasyon at pangkalusugan ng programa mula December 2019 hanggang January 2020.

 

Pinaghahandaan naman ng City/Municipal Action Teams katuwang ang kanilang lokal na pamahalaan ang pamamaraan upang maisagawa ang pay-out sa mga susunod na araw upang mapadali ang aktwal na pagwidraw ng mga 4Ps sa kanilang grants sa gitna ng Enhanced Community Quarantine. Kasabay nito ang paaalala sa mga 4Ps sa pagsunod sa alituntunin ng quarantine katulad ng pagsuot ng face mask, pag-panatili ng isang metrong distansiya, paggamit ng alcohol at paghugas ng kamay.

 

Samantala, tiniyak ng tagapamahala ng Land Bank of the Philippines na mananatiling bukas ang kanilang mga Automated Teller Machine upang makapagserbisyo sa mga 4Ps hindi lamang sa mga pribadong kliyente.

 

Isa si Agnes Q. Gulla, isang Parent Leader ng Brgy. Malasin, Dupax Del Norte ang maagang nakakuha ng grant sa tulong ng kanyang Municipal Link. Aniya “Maraming salamat, at kahit sa ganitong sitwasyon (Enhanced Community Quarantine) na  nangyayari ay tuloy pa rin ang tulong pinansiyal ng DSWD sa aming pamilya.”

Matatandaang ipinatupad ng pamahalaan ang Enhanced Community Quarantine noong March 16, 2020 bilang hakbang upang mapigilan ang pagkalat ng COVID-19 sa bansa. Kasunod nito ang pagsuspinde ng ilang gawain ng programa kasabay ang pagdeklara ng Force Majeure kung saan ay ipagpapaliban muna ang pagsubaybay sa mga kondisyon ng programa sa mga susunod na buwan.