Bayombong, Nueva Vizcaya – May 25 na miyembro ng Pantawid Pamilyang Pilipino Program (4Ps) mula sa barangay Busilac, Bayombong Nueva Vizcaya ang nagsagawa ng pamamaraan upang makatulong sa kapwa nila mga benepisyaryo upang makatawid sa gutom buhat ng kakulangan ng pagkain simula nang maipatupad ang Enhanced Community Quarantine sanhi ng Corona Virus Disease 2019 o COVID-19 sa buong Luzon.
Ang ideya ng grupo ay nagmula sa nakaraang Family Development Session (FDS) tungkol sa Financial Literacy na kung saan napag-isipan nilang gamitin ang nalikom na pera sa may kabuluhang mga bagay.
Sa pamamagitan ng mga na-ipon sa kinita sa pagtitinda ng inani mula sa kanilang 4Ps Communal Bio-Intensive Garden (BIG), nakabili ng limang sako ng bigas ang grupo na siyang kanilang ginagamit na ipamigay sa kapwa benepisyaryo sa lugar habang hinihintay ang tulong na mangaggaling sa gobyerno.
Ani ni Junalyn Dangan, ang Parent Leader (PL) ng kanilang grupo, “Mas mainam na bigas (ang bibilhin) para sure na may maisaing… kaysa iba ang bibilhin. At least meron habang wala pa silang natatanggap na relief… hati hati nalang kung ilan ang mabibiling bigas (sa nalikom na pera).” Hindi na nila alintana ang pagkukunan ng lulutuing ulam sapagkat mayroon ding backyard garden ang bawat isang kabahayan.
Ang Enhanced Community Quarantine ay ipinatupad ng pangulong Rodrigo Roa Duterte noong March 16, 2020 bilang hakbang upang mapigilan ang pagkalat ng COVID-19 sa bansa. Pinipigilan ng panukalang ito ang palabas ng mga tao sa kanilang mga bahay sa pamamagitan ng home quarantine maging ang pagsuspinde ng transportasyon at iba pang gawain liban sa pagbili ng pagkain at pangangailangang pangkalusugan.