Tuguegarao City – Tinatayang aabot ng 58, 066 na mahihirap na pamilya mula Region 2 and makakatanggap ng ayuda bilang mga Waitlisted/Left-Out beneficiaries ng Emergency Subsidy Program/Social Amelioration Program (ESP/SAP) ng Department of Social Welfare and Development Field Office 02 (DSWD FO2) ngayong buong buwan ng Hulyo.
Ang talaan ng Waitlisted/Left-Out na mga pamilyang ito ay nakalap ng mga lokal na pamahalaan (LGU) na mga pamilyang kwalipikado ngunit hindi napabilang sa pamimigay ng first tranche ng ESP/SAP ng LGU noong buwang ng Abril hanggang Mayo, maging sa iba pang ahensiya ng pamahalaan katulad ng DOLE, DA, SSS at iba pa na nagpapatupad ng ESP/SAP.
Alinsunod dito, upang masiguro na ang mga napabilang dito ay karapat-dapat at hindi magkakaroon ng duplikasyon ng pagtanggap ng ayuda, kasalukuyan ang pagsasagawa ng proseso ng Deduplication o ang pagkumpara ng talaan ng Waitlisted/Left-Out sa listahan ng mga nakatanggap ng first tranche ng ESP/SAP ng LGU at iba pang mga ahensiya. Sakaling matuklasang nakatanggap na sa first tranche ang pamilya ay tatanggalin ito sa talaan ng Waitlisted/Left-Out.
Ayon sa Regional Director, Fernando R. De Villa Jr., mahalagang masigurong malinis ang listahan ng mga makakatanggap upang maibigay ang tulong na ito sa mga kwalipikado ngunit hindi napabilang sa first tranche. Aniya, “Patuloy naman ang pakikipag-ugnayan natin sa lokal na pamahalaan upang mapabilis ang pagsumite nila ng wasto at kumpletong mga dokumento na siyang kakailanganin natin para sa Deduplication. Sa katunayan, ang tanggapan natin ay nakapaglaan na rin ng mga tauhan na tumututok upang makapag-bigay tulong sa kanila (LGU) sa sitwasyong ito.”
Kalakip sa kompleto at wastong listahan ng Waitlisted/Left-Out ang sertipikasyon ng Local Chief Executive na nagpapatotoo sa mga nilalaman ng talaan ng waitlisted at ang encoded Social Amelioration Card (SAC) ng mga nakatanggap sa first tranche ng ESP/SAP na siyang basehan sa ginagawang Deduplication.
Dagdag pa niya, hinihingi ng ahensiya ang pag-unawa ng publiko sa proseso sapagkat masusi ang isinasagawang hakbang na ito at kinakailangan ang kumpletong impormasyon ng mga talaan ng benepisyaryong nakatanggap mula sa first tranche ng ESP/SAP. Ang kumpletong talaan ng mga Left-Out/Waitlisted na benepisyaryo ay ipapahayag sa publiko sa pamamagitan ng pagpaskil nito sa mga kapansin-pansin na lugar katulad ng barangay hall at iba pang pamamaraan na digital.
Sa kabilang banda, hinihimok din ang publiko na maging mapagmatyag at magbigay-alam sa ahensiya ng mga obserbasyon at pangyayari na taliwas sa mga alituntunin na napapaloob sa ESP/SAP. Sakaling matuklasan na ang nakalista sa Waitlisted/Left-Out ay nakatanggap na sa first trance,mMaaaring magbigay ng report sa pamamagitan ng mga hotline numbers na: 0928-8473130 para sa Batanes, 0927-9948931 sa Cagayan, 0915-5642557 para sa Isabela, 0975-5100152 para sa Quirino at 0936-0342935 para naman sa Nueva Vizcaya.
Ang pamimigay ng halagang 5,500.00 na Emergency Subsidy ay isasagawa sa dalawang pamamaraan: Sasailalim sa digital payment scheme ng Financial Service Providers (FSP) tulad ng Starpay ang mga Waitlisted/Left-Out na nakapaglakip ng kanilang cellphone number. Sa paraang ito, mas mabilis nilang matatanggap ang kanilang ayuda sa pamamagitan ng iba’t-ibang bayad centers na matatagpuan sa kanilang lugar. Sa kabilang banda, ang mga walang cellphone number naman ay makakatanggap sa pamamagitan ng Special Disbursement Officers (SDO) ng DSWD katulad ng mga nakatira sa Geographically Isolated and Disadvantaged Areas (GIDA).