Tuguegarao City – Umabot sa 625 na sambahayan sa lambak ng Cagayan ang nadiskubre bilang “Duplicates” sa talaan ng Waitlisted/Left-Out sa Social Amelioration Program (SAP) ng Department of Social Welfare and Development Field Office 02 (DSWD FO2) sa isinagawang deduplication ng DSWD Central Office.

 

Ayon sa Regional Information Technology Officer ng DSWD FO2 na si Bernardo E. Juan, nagkakaroon ng kaso ng duplicates kapag ang talaan ng pangalan ng Waitlisted/Left-Out ay higit isang beses na lumabas kapag ito ay ikinumpara sa talaan ng Waitlisted/Left-Out sa mismong munisipyong kinabibilangan o karatig na bayan, listahan ng mga nakatanggap sa first tranche ng SAP at mga nakatanggap mula sa iba pang ahensiya na nagpapatupad ng SAP.

Dagdag pa rito, ang mga kaso ng duplicates ay tinatawag na exact match kapag magkapareho ang nilalaman ng lahat ng detalye ng indibidwal sa pangalan at araw ng kapanganakan samantalang approximate match naman ang tawag kapag mayroong pagkakapareho ng pangalan subalit hindi mabatid kung ang pagkakakilanlan ng indibidwal na tinutukoy ay iisa. Sa unang kaso, ang pangalan ng duplicate ay awtomatikong tinatanggal sa talaan ng mga Waitlisted/Left-Out samantalang ibinabalik naman sa Lokal na Pamahalaan (LGU) para sa beripikasyon ang sa approximate match.

 

Ayon kay Juan, “Kasalukuyan pa rin ang pagsasagwa ng DSWD ng deduplication sa lebel ng rehiyon subalit dahil sa hindi pa rin nakukumpleto ang pagsumite ng mga LGU ng wasto at kompletong Social Amelioration Card form o encoded SAC forms na siyang basehan natin sa impormasyon ng isang benepisyaryo, hindi pa natin masasabi na isandaang porsiyento na ang deduplicated o malinis na ang ating datos ng mga Waitlisted/Left-Out.”

 

Matatandaang nabanggit ni Regional Director Fernando R. De Villa na nakapagtalaga na ng mga kawani ng ahensiya na siyang tumutulong sa mga local na pamahalaan upang mapabilis ang encoding ng wastong impormasyon sa mga SAC form ng mga nakatanggap ng first tranche sa SAP at umaabot na sa 315,201 mula sa kabuoang 569,755 na pamilya ang naipasok sa sistema.

 

Sa kabila nito, nananatili pa ring positibo ang DSWD na masisimulan na ang pamamahagi ng ayuda sa mga probinsiya na nakapagsumite ng wasto at kompletong encoded SAC forms katulad ng Batanes at Nueva Vizcaya sa lalong madaling panahon.