Si Joselita Trinidad, 46 taong gulang, at asawa niyang si Jose Joel, 51 taong gulang, ay nakatira sa barangay San Manuel, Bayan ng Naguilian, Probinsya ng Isabela. Mayroon silang apat na anak.
Si Joselita ay kasalukuyang nagtratrabaho bilang Barangay Health Worker (BHW) na kumikita ng 1,100.00 piso kada buwan. Samantalang isa naman auto-electrician si Jose Joel at kumikita ng higit kumulang 200.00 piso kada araw.
Naging masalimuot ang simula ng buhay ni Joselita. Sa edad na disi-otso, siya ay nagkaroon ng anak na si Jhenylet Pamene na agad pang nasundan ni Cherylet mula sa mga relasyong hindi rin nagtagal bunsod ng pagkakaiba ng pananaw sa buhay.
Taong 2000 nang maisipan niyang muling sumubok umibig sa katauhan ni Jose Joel subalit ito ay mahigpit na tinutulan ng kanilang mga kamag-anak sa kadahilanang sila ay magpinsang-buo. Hindi naman ito naging hadlang sa dalawa at upang magkaroon ng tahimik na buhay, nanirahan sila sa Lubao, Pampanga kung saan nagkaroon sila ng mga supling na sina Joecel at Jaycel.
Lumipas ang limang taon at napagdesisyunan ng mag-asawa ang magbalik sa Naguilian upang ipagpatuloy ang pamumuhay roon. Inako ni Jose Joel ang pagiging ama sa dalawang naunang anak ni Joselita. Nagtrabaho siya bilang isang helper sa isang may-ari ng auto –electrical shop sa Ilagan City. Kahit na mababa lamang ang kita, hindi niya nakakaligtaan ang magpadala sa asawa na noo’y nakatigil lamang sa bahay kasama ang kanilang mga anak.
Taong 2011, nang mapabilang sila sa programang Pantawid Pamilyang Pilipino Program (4P’s). Itinuring ng mag-asawang malaking biyaya ang kanilang mga natatanggap na cash grants upang mapag-aral ang kanilang mga anak. Ang kanilang natatanggap tuwing pay –out ay malaking tulong pinansyal sa kanila at nagsisilbing nadudukot pang-allowance ng mga anak nila, gamit pang-eskwela, pambili ng ulam, bigas at pati narin mga gamot at pang pacheck-up kung magkasakit at kung makaluwag –luwag naman may naiitatabi siyang kaunti para may madukot kung may emergency.
Bilang grantee, naging aktibong miyembro si Joselita at madalas nangunguna pa sa mga gawain sa kanilang lugar. Dahil dito, siya ay nahirang na Parent Leader sa sinasakupang barangay. Bilang Parent leader, naranasan niya ang maipadala sa ilang pagsasanay na higit nanakakapagpatibay sa kaniyang kaalaman at kasanayang mamuno sa mga kapwa benepisyaryo. Naging katuwang din siya ng kanilang Municipal Link sa pagpapanatili ng kaayusan at kapayapaan sa kanilang grupo.
Isa rin siyang aktibong manggagawa sa kanilang barangay bilang isang Barangay Health Worker (BHW) kung saan mas lalo nadaragdagan ang kaalaman tungkol sa kalusugan, pagpapahalaga sa pamilya at komunidad at nagagawa niya na rin ang mag-first aid sa mga nasugatang pasyente, maghouse to house visit para makuha ang datos ng timbang ng mga batang may edad 0-5 years old, manghikayat na magpacheck ang mga nanay na buntis at iba pa. Malaking tulong para sa kanya ang pagkakatalaga bilang isang BHW, dahil dito naibabahagi niya sa komunidad ang mga kaalaman na kanyang natututunan sa pagdalo ng buwanang Family Development Session.
Si Joel Jose ay mayroon nang regular na trabaho bilang auto-electrician. Hindi man kalakihan ang sahod na 200 pesos kada araw, nakakatulong pa rin ito sa kanilang pang-araw araw na kailangan sa kusina at dagdag allowances sa kanilang nag-aaral na mga anak.
Pangarap ng mag-asawa na mapagtapos sa pag-aaral ang mga anak, kaya’t silang mag-asawa ay nagsasakripisyo at hindi tumitigil sa paghahanap-buhay subalit dumarating pa rin ang pagsubok. Hindi agad nakatuloy sa kolehiyo si Jhenylet upang mapagbigyan ang mga nakababatang kapatid sa pag-aaral.
Nang makaramdam ng ginhawa ang pamilya ay nabigyan siya ng pagkakataong bumalik sa kolehiyo upang makuha ang kursong Accountancy sa Isabela State University-Cauayan Campus at grumadweyt taong 2014. Kasalukuyan, nagtatrabaho siya sa Talavera Hypermart at nagbibigay tulong sa pamilya sa abot ng makakaya.
Ang pangalawa naman na si Cherry ay kasalukuyang 4th year college at kumukuha ng kursong Civil Engineering sa Isabela State University-Echague Campus. Dating Expanded Students Grant-in-Aid Program for Poverty Alleviation (ESGP-PA) scholar at ngayon naman ay nakakuha ng Tertiary Education Subsidy (TES) Scholarship nang matigil ang ESGP-PA.
Ang pangatlo niyang anak na si Joecel ay nagtapos ng Grade 12 sa System Technology Institute (STI) Cauayan City sa strand na STEM noong April 15, 2019 at pangarap maging isang Information Technologist at ang bunso niyang anak na si Jaycel ay nagtapos ng Grade 4 sa San Manuel Elementary School.
Ganun pa man kahirap ang kanilang pamumuhay, kinakaya nilang lumaban. Ang payo niya sa mga anak ay mag-aral ng mabuti at ganun din sa kapwa niya benepisyaryo, magsumikap sa pagtatrabaho para sa kinabukasan ng kanilang mga anak, sapagkat ang natatanggap na cash grants ay pandagdag gastusin na sa kanilang mga anak.
### Kwento ni WILMA M. PASCUA-NICOLAS, RSW, MSW