Matapos manalasa ang bagyong Ulysses sa Gitnang Luzon, mahigit na 583,506 na pamilya sa rehiyon ang apektado kung saan ang ilan sa mga ito ay inilikas sa iba’t ibang evacuation center sa kadahilanang nalubog ang kanilang mga tahanan sa mabilis na pag-apaw ng ilog Cagayan. Marami sa mga ito ang hindi nakapagsalba ng mga kagamitan at mga pangunahing pangangailangan dahil na rin sa bilis ng pag-apaw ng tubig.

 

Kasunod nito, naging usap-usapan ang mga katagang #CagayanNeedsHelp, #IsabelaNeedsHelp, #BangonCagayan, #RescueCagayanValley at iba pa kung saan ang mga pampubliko at pribadong indibidwal, grupo o institusyon ay nagsagawa ng mga iba’t-ibang pamamaraan upang makapaghatid ng tulong sa mga apektadong pamilya.

 

Ilan sa mga ito ang mga kabataang napapabilang sa Pantawid Pamilyang Pilipino Program, nagpapakita na hindi nagiging balakid ang kahirapan upang magbigay kalinga sa kapwa. Ngayong buwan ng kabataan, naipamalas nila na hindi nagiging sagabal ang kahirapan at kanilang edad upang magkaroon ng makabuluhang kontribusyon sa pamayanan.

 

Bida ng Sta. Catalina

Nanguna si Melvin sa maayos na pamimigay ng relief goods sa mga nasalanta sa karatig na barangay

Si Melvin Adurable ay mula sa lungsod ng Ilagan, Isabela. Nakapagtapos ng Bachelor of Secondary Education sa pamamagitan ng programa at ngayon ay naninilbihan rin bilang Sangguniang Kabataan (SK) Chairman sa kanilang barangay sa Sta. Catalina, City of Ilagan.

 

Simula pa lamang ng pandemiya dulot ng Covid-19, ang grupo ng SK na kaniyang pinangunahan ay naging aktibo sa pagtulong hindi lamang upang maisulong ang pagpapahalaga sa kalusugan kundi maging ang pag-aaral ng mga kabataan sa kanilang lugar.

 

Hindi nakaligtas sa matinding pagbaha ang kanilang lugar at kasabay nito ay mabilis din ang naging pagtugon ng kaniyang grupo sa pamamagitan ng pagbuo ng Project Pagkalinga, isang donation drive na tumatanggap ng mga donasyon para sa biktima ng pagbaha sa kanilang lungsod.

 

Umabot na sa halagang 17,500 na piso at tatlong sako ng bigas ang kanilang nalilikom at kamakailan lamang ay namigay ng 240 piraso na relief packs sa barangay Bangag at Marana ng naturang bayan. Maliban dito, namigay din sila ng mga damit para sa mga pamilyang walang naisalba sa kanilang mga ari-arian.

 

Aniya, “Malaki ang pangangailangan ng mga pamilya sa ngayon, ramdam ko ang kalagayan nila. Gaano man kaliit an gating maibigay ay malaking tulongb na para sa kanila upang maibsan ang pagkagutom. Sama-sama tayo sa muling pagbangon.”

 

“One Enrile”

Sa bayan ng Enrile, si Ricky Danao, SK Chairman at Mark Frandy Pajay, SK Kagawad ng barangay Roma, Enrile ang nangunang bumuo ng mga 4Ps na kabataang nagboluntaryo sa local na pamahalaan sa kanilang ginagawang relief operations pagkatapos ng bagyong Ulysses.

 

Ang grupo ng kabataang ito ay walang kapaguran sa pagtulong hindi lamang sa pag repack ng mga dadalhing ayuda sa mga nasalanta kundi maging sa paghahanda ng mga kakailanganin at pagkain ng mga maggagawa ng pamahalaang nagbabahay-bahay.

 

Pagsasabuhay ng Exemplary Child

Kasama ni Jenelyn ang mga kapwa opisyal sa kanilang Supreme Student Government

Isa si Jenelyn Lacar ng Angadanan, Isabela sa apat na nahirang na Exemplary Children ng Cagayan Valley taong 2019 hindi lamang sa ipinamalas niyang talino kundi maging sa kanyang pagiging modelo ng mabuting pagkamamamayan sa kapwa batang 4Ps. Noong nakaraang taon ay nasubukan niyang makilahok sa Regional Children’s Congress sa Tuguegarao City at National Children’s Congress sa Maynila kung saan nabigyan siya ng pagkakataong mapagbuti ang pakikipagsalamuha sa kapwa kabataan at magpamalas ng kakayahan sa pamumuno.

 

Sa paghagupit ng delubyo, napagisipan nila ng kanyang mga kasamahang opisyal sa kanilang Supreme Student Government na IRIS SSG na magbigay tulong sa mga nasalanta. Sila ay lumikom ng mga iba’t-ibang donasyon mula sa pribadong indibidwal upang maipadala sa mga organisasyong nagsasagawa ng relief operation sa probinsiya ng Cagayan at Isabela.

 

Ginamit nila ang kanilang sariling social media account upang humikayat sa kapwa kabataan at iba pang mga magulang upang magbigay ng donasyon. Nakalikom sila ng mga pagkaing de lata at mga lumang damit.

 

Ayon sa kanya, “Alam naming maliit na bagay lang ito ngunit malaking tulong na para sa mga kapatid nating lubos na naapektuhan dulot ng bagyong Ulysses.”

 

STOP para sa Amulung

 

Isang organisasyon ng mga guro at estudyante sa Amulung, Cagayan ang Student Teachers and Others for a Purpose (STOP) kung saan siyam sa mga ito ay mga batang napapabilang sa 4Ps. Sila sina Johsua Villaroza, Angelique Bernales, Glacemarie Battad, Jerald Arzadon, Judylyn Urcia, Glydel Jane Battad, Marinette Bernales, Ella Marie Villaroza, at Angel Bueno.

Halos kalahati ng bayan ng Amulung ang nalubog sa pag-apaw ng ilog Cagayan kasama ang ilang daang pampubliko dahilan upang hindi agad marating ng ayuda mula sa pamahalaan at makaramdam ng matinding pagkagutom ang karamihan ng mga pamilya doon. Dahil dito, lumikom si Johsua Villaroza ng mga donasyon mula sa mga kakilala at kaibigan habang siya ay nasa lungsod ng Tuguegarao upang maipadala sa organisasyon.

 

Umaabot sa halagang mahigit na sampung-libong piso at mga “in-kind” na donasyon ang paunang nalikom ng grupo na dinala sa isang napinsalang barangay upang magpakain at magpamigay ng iba pang pangangailangan ng mga residente roon. Mayroon ding mga damit na ipinamigay sa mga pamilyang hindi nakapagsalba ng kanilang mga gamit.

Sa kasalukuyan, patuloy pa rin sila sa paglilikom ng mga donasyon na maaaring maipamigay hanggat mayroon pa ring mga pamilyang nangangailangan ng kanilang tulong.

###May kwento mula sa One Enrile News and Events at MAT Angadanan, Isinulat ni Jeanet Antolin-Lozano