Si Fernando ay tubong Nagtipunan, Quirino. Lumaki siya sa isang payak na pamumuhay sa mga magulang na pawang mga magsasaka katulad ng mga nauna nilang mga ninuno. Pangalawa siya sa tatlong magkakapatidm at simula sa pagkamusmos ay ramdam niya ang hirap na dinaranas ng kanyang mga magulang upang maitaguyod ang kanilang pamilya. Ang kakarampot na lupang tinatamnan ng mais ng kaniyang pamilya ay hindi rin gaanong mataas ang ani dahil ito ay walang irigasyon at umaasa lamang sa tubig-ulan. Dahil dito, madalas ay halos wala silang makain.
Pinangarap niya ang makapagtapos ng pag-aaral at makahanap ng magandang trabaho balang araw subalit hindi ito naisakatuparan dahil na rin sa kakapusan ng pampa-aral sa kanilang magkakapatid. Sa murang edad ay naranasan na niya ang magtrabahon sa bukid upang matulungan ang kanyang mga magulang. Pilit niyang kinalimutan ang sariling pag-aaral habang kumakalam ang sikmura sa gitna ng bukid at maghapon sa tapat ng araw.
Tanda niya ang una pa niyang pakikisalamuha sa isang grupo ng rebelde sa kanilang lugar. Labing-anim na taong gulang pa lamang siya kaya’t mabilis siyang nabighani sa kagandahan at galing sa pakikipagtalakayan ng ilang kadalagahan na sumasama upang magsagawa ng pag-recruit.
“Tiyak na maaaring isa sa kanila ang iyong mapapangasawa kapag sumama ka sa aming samahan” ang pangako sa kanya ng tumatayong lider ng kanilang grupo. “Hindi naman namin pinipigilang magkagaanang-loob ang mga kasapi at sa kalaunan ay magpakasal,” dagdag pa nito.
Parang isang dilag, niligawan siya sa pamamagitan ng mga pangako. Una, pinaniwala siya na ang kanyang pagsapi ay may malaking kabuluhan sa pagsulong ng makabagong layunin at radikal na pagbabago sa pamahalaan. Kasabay ng pagbabagong ito ang pag-angat ng antas ng kanilang kabuhayan at ang pagtatapos ng kanyang mga nakababatang kapatid sa kolehiyo. At dahil na rin kasapi ang kanyang lolo, hindi na siya nagdalawang isip na sumunod sa kanila taong 2015.
Sa simula pa lamang ng kanyang pagsapi ay ramdam na niya ang hirap. Lumayo siya sa pamilya dahil sa tangkang panganib sa kanila at madalas ay hindi pa sila nagkikita. Ramdam niya ang pangungulila sa mga magulang at kapatid ngunit nangangamba naman sa panganib kung siya ay dumalaw sa kanila. Naniwala siya na sa kanyang pagsapi, magiging kapalit nito ang mapadala ang kanyang kapatid sa paaralan.
“Tiniis ko ang hirap at nasaksihan ko ang iba’t-ibang karahasan sa mga buwan na ako ay naroroon,” Kwento niya. “Minsan, sumasama din ako sa pagbabaryo baryo namin, ang alam ng nakakarami, ito ay medical mission subalit sa totoo lang ay ginagamit namin ito upang maka-recruit.”
Patuloy ang naging pakikipagbakbakan nila sa militar, umabot ng ilang buwan at mga taon subalit sa mga panahong iyon, ni hindi niya naramdaman ang pagbago sa kaniyang buhay, sa halip ay naging mas mahirap pa ito bunsod ng madalas niyang paglikas upang makapagtago. “Matutulog ka nalang natatakot ka pa na baka biglang ma-raid ang aming kuta at barilin kami sa aming tulog.” Aniya, hindi niya naramdaman ang kapayapaan sa mga oras na iyon.
Hindi na niya muli pang nakita ang mga magagandang dalaga na kasamang nagrecruit sa kanya. Marahil na rin dahil hindi sila pumipirme sa isang lugar, wala siyang matatawag na malapit na kaibigan. Ang pangakong makakapag-aral ang kanyang mga kapatid at mabigyan ng magandang pangkabuhayan ang kanyang mga magulang ay hindi rin naisakatuparan.
Humantong siya sa puntong hindi na niya kaya ang mga karahasang nasaksihan. Sumuko siya sa bayan ng Jones, Isabela noong July 7, 2018, handang harapin ang ano mang kinahinantnan ng kanyang mga naging kilos laban sa pamahalaan.
Ang Executive Order No. 70 series of 2018 (E.O. 70) ay ipinatupad noong December 4, 2018. Ginagamit nito ang “Whole Nation Aprroach” sa pagpapatupad ng mga programa at serbisyo ng pamahalaan upang sumuporta, mapaghusay at mapaunlad ang mga layuning pangkapayapaan ng bansa. Sa kabilang banda, sa pamamagitan ng Administrative Order 14 series of 2019 (AO 14) ng DSWD, ang mga dating rebelde (FR) katulad ni Fernando ay nabibigyan ng sapat na tulong upang sila ay makapagsimula muli sa pagbuo ng kanilang buhay pabalik sa lipunan.
Pagkatapos ng balidasyon ng awtoridad at pagsisiyasat ng Local Social Welfare and Development Office (LSWDO) sa kanilang lugar, napag-alaman na maaaring tumanggap ng halagang dalawampung libong piso (PhP 20,000.00) si Fernando bilang Livelihood Settlement Grant (LSG) na maaari niyang gamitin upang makapagsimula ng pangkabuhayan.
Likas ang kakayahan ni Fernando sa pangangalaga ng hayop. Sa katunayan, pagkatapos niyang sumuko, ang kanyang kakarampot na ipon ay ibinili niya kaagad ng 3 na biik upang kanyang alagaan at paramihin. Samantala, ang natanggap na halaga ay ginamit niya upang madagdagan ang alagang biik at maipagawa ng mas matibay na bahay ang mga ito.
Nakilala niya si Jhunela at nabighani siya sa angking kasipagan at pag-aruga ng dalaga. Niligawan niya ito at hindi siya nabigo, sa katunayan ay tinanggap pa ang kanyang nakaraan. Positibo si Fernando na ito ang simula ng pagbabago ng kanyang buhay, handa siyang palaguin ang pangkabuhayan na nasimulan upang matupad na rin ang pangarap para sa sarili, sa pamilya at sa magiging mag-anak niya.
Aniya, “Pinagsisihan ko ang aking pagsali sa kilusan dahil walang nangyari sa aking buhay habang ako ay naroroon. Namulat ako sa karahasan lalung-lalo na sa tuwing kami ay napapalaban sa mga militar. Laking pasasalamat ko din sa Poong Maykapal dahil hindi ako napahamak sa mga panahong kami ay napapasabal sa labanan. Namumuhay na ako ng tahimik subalit hanggang sa ngayon, nais ko sanang maging ang aking mga naging kasamahan sa loob ay sumukon na rin upang maging sila ay tumamasa ng mas matiwasay na pamumuhay.”
###ulat ni Jose Bautista Jr., Isinulat ni Jeanet Antolin-Lozano