Tuguegarao City – Tinatayang mahigit na 9,970 nang pamilya sa Pantawid Pamilyang Pilipino Program (4Ps) dito sa rehiyon ang nakalabas na sa 4Ps ayon sa datos na ipinalabas ng Regional Program Management Office (RPMO) ng Department of Social Welfare and Development Field Office 02 (DSWD-FO2) sa nakaraang Regional Advisory Committee (RAC) Meeting noong January 9, 2021.
Ito ay tinalakay ni Mac Paul Alariao, Regional Modified Conditional Cash Transfer (MCCT) Focal, sa kanyang presentasyon sa araw na iyon kasama ang mga miyembro ng RAC mula sa iba’t-ibang ahensiya ng gobyerno sa rehiyon, mga pribadong organisasyon at indibidwal.
Aniya, 8,136 sa mga ito ay mga pamilyang wala nang anak edad 0-18 na sinusubaybayan ng programa; 1,594 ang boluntaryo nang lumabas sa programa buhat ng pag-angat sa buhay; at 240 ang napalabas buhat ng iba pang dahilan katulad ng duplikasyon, hindi pagsunod sa mga alituntunin ng programa, may kakayahan na o self-sufficient at iba pang dahilan ayon sa Grievance Redress System (GRS) ng programa.
“Malaki ang naging papel ng lahat ng miyembro ng RAC upang matulungan ang mga pamilyang mai-angat ang kanilang antas ng kabuhayan hanggang sa sila ay tuluyan nang lumabas sa programa,” panimulang mensahe ni Assistant Regional Director for Operations (ARDO) Lucia Alan sa pagpulong na ito. “Patuloy pa rin ang ahensiya sa koordinasyon sa ibang ahensiya upang masiguro ang pag-alalay ng mga ito sa mga pamilyang umexit na sa programa nang hindi na sila muling malugmok pa sa kahirapan.”
Ipinaliwanag din ni ARDO Alan na puspusan ang paghahanda ng RPMO sa mga pamilyang nalalapit nang umexit sa programa lalo na’t napapaloob sa Republic Act 11310 o 4Ps Act, ang isang pamilya ay mapapabilang na lamang sa programa sa loob ng pitong taon .
Isang halimbawa ng pamilyang boluntaryong lumabas sa programa ang pamilya ni Juliet Pajar mula sa Roma, Enrile Cagayan. Mula sa halagang limandaang piso na kanyang inutang mula sa kapitbahay, ginamit niya ito na pampuhunan sa pagbabahay-bahay sa paglalako ng gulay.
“Mas mahalaga para sa akin na mapunta sa pag-aaral ng aking mga anak ang mga tinatanggap kong grants noon” ito ang kwento ni Juliet. “Kaya naman nangutang ako ng pampuhunan. Iyong mga naiipon ko na extra sa grants, idinadagdag ko rin sa puhunan para unti-unti kong mapalaki ang aking pagtitinda hanggang makabili ako ng bisikleta.”
Sa ngayon, mayroon na siyang isang maliit na tindahan at maliban pa doon ay motorsiklo na minamaneho bilang mobile tindahan. Dahil na pag-angat ng kanilang buhay, naisipan na nila ang boluntaryong lumabas sa programa upang mabigyan naman ng pagkakataon ang mga pamilyang mas higit na nangangailangan ng programa.
Maliban sa buwanang Family Development Sessions, nagkakaroon din ng regular na home visitation at balidasyon sa mga kabahayang napapabilang sa programa upang masiguro ang kanilang patuloy na pagsunod sa mga alituntunin at kondisyon ng programa. Maigting din binabantayan ang mga kabahayayang nagkakaroon ng problemang pabalikin sa paaralan ang kanilang mga anak.
Samantala, ang mga nababakanteng kabahayan ay mapapalitan naman ng panibagong kabahayan buhat sa listahan ng mahihirap na pamilyang sumailalim sa balidasyon ng National Household Targeting System for Poverty Reduction (NHTS-PR) o Listahanan nitong mga nakaraang taon.
###Isinulat ni Jeanet Antolin-Lozano