Kapag ang isang pinangarap ay ninais na maisakatuparan, tiyak na ito’y magagwan ng paraan.
Ang grupo ng mga Pantawid Pamilyang Pilipino Program (4Ps) sa barangay Roxas, Solano, Nueva Vizcaya ay binubuo ng 80 na benepisyaryo. Isa sila sa pinakamalalaking grupo ng 4Ps sa bayan ng Solano. Dahil dito, mabilis nilang natatapos ang kanilang mga gawain katulad ng pagtulong sa kanilang barangay at pagpapatayo ng kanilang Communal Bio-Intensive Garden.
Ang pagkakaroon ng isang 4Ps Communal Garden ay reskisito ng programa upang mapanatili ang kanilang pagtutulungan kasabay ng pagkakaroon ng makukunan ng mga masusustansiyang pagkain para sa pamilya. Aminado ang lahat ng kanilang miyembro na malaking tulong ito upang mapanatili nilang malusog ang kanilang pamilya sa mababang halaga lalo na ngayong panahon ng pandemiya.
Katulong ng local na pamahalaan, ang grupo ng mga 4Ps na ito ay nabigyan ng maliit na piraso ng lupa na kanilang pinagtayuan ng garden at tinamnan ng mga buto na mula sa munisipyo at sariling mga garden. Ito ay kanilang pinapanatili at nililinisan kada linggo subalit nagkakaroon sila ng problema tuwing tagtuyot dahil sa kawalan ng malapit na pagkukunan ng tubig pandilig kapag naubos na ang naimbak na tubig-ulan.
Noong buwan ng Disyembre taong 2020, natanggap nila ang kanilang Unconditional Cash Transfer na naghahalagang 3,600.00 bawat miyembro. Napag-isipan nilang lumikom ng kaunting halaga mula sa bawat miyembro upang makapagpagawa ng poso. Sinuportahan ito ng bawat miyembro at kalaunan ay nakabuo sila ng halagang 4,170.00 piso. Ang halagang ito ay kanilang ipinambili ng mga materyales at sa pamamagitan ng bayanihan ay kanilang naipatayo ang kanilang sariling poso.
Maliban sa communal garden, ang poso na ito ay mayroon ding malaking tulong sa mga karatig na kabahayan bilang pinagkukunan ng malinis na tubig pang-inom at iba’t-iba pang kasangkapan.
Naumpisahan na nila ang pagtutulungan at pagbuo ng kanilang unang proyekto. Naniniwala ang grupo na marami pa silang maaaring mabuong proyekto sa hinaharap kung ang bawat-isa ay malugod na susuporta dito.
###Ulat ni Renibeth Datul, Isinulat ni Jeanet Antolin-Lozano