Ako si Aracelie A. Bersamira ng Brgy Culing East, Cabatuan, Isabela, asawa ni Ernesto P. Bersamira. Kami ay may limang anak, dalawang babae at tatlong lalake, at mula sa kanila ay may walong apo. Anim sa walong mga apo ko ang nakatira sa aming bahay.
Isang farmer laborer ang aking asawa. Masipag at masikap siya sa trabaho sapagkat nagtutungo na siya sa bukid maliwanag pa ang buwan sa madaling araw. Siya ay walang kapaguran sa pagbunot at pagtanim ng punla sa panahon ng taniman o humango ng palay sa anihan. Sa kabilang banda, ako sa sumasama sa bukid upang makatulong sa mag pag-pag ng ng dayami.
Lahat ito ay aming pinag-iigihan upang may pangdagdag sa pangangailangan sa loob ng bahay at para sa mga pangangailangan ng mga bata sa paaralan lalo na at silang lahat ay nag aaral. Sa laki ng aming pamilya, madalas ay di sapat ang aming kinikita para matustusan ang lahat ng aming pangangailangan. Minsan pumapasok ang aming mga anak at apong nasa elementarya sa school na butas butas ang tsinelas at yung nasa high school naman ay mistulang nakangiti na ang mga sapatos sa pagtuklap ng swelas.
Madalas, hindi naiiwasan na sila ay mabully ng mga kamag aral nila. Gayunpaman, hindi ito nakapigil sa kanila na mangarap sila na makapag-tapos ng pag aaral.
December 2013 nang may mag-validate sa amin, kasunod nito ay may tumawag at pinag pasa ako ng mga dokumento tulad ng marriage certificate at birth certificate ng aking mga anak at apo na nag aaral. Ito na pala ang hudyat na kami ay mapabilang sa Pantawid Pamilyang Pilipino Program (4Ps).
Ang bunso kong anak at dalawa sa aking mga apo ang naging benepisyaryo para i-monitor sa Health at Education.
Laking pasasalamat ko dahil malaking halaga ng aming pangangailangan ang natutugunan ng programa lalo na sa pag-aaral ng aking mga anak at apo. Nagkaroon ng sapat na pang allowance sa school ang mga bata at nakakasali na din sila sa school activities na dati hindi nila naranasan dahil nga sa kakulangan ng pera.
Unti-unti nang gumaganda ang estado ng aming pamumuhay. Gumaan ang aming pangangailangan kaya naman kahit papaano ay dalawa sa aking mga anak ang nakapagtapos na ng kolehiyo. Tatlo sa aking mga anak ay nakapagtrabaho na sa ibang bansa at may kanya-kanya naring pamilya, habang ang dalawa ay nagtratrabaho sa pribadong kumpanya.
Sa ngayon ay ang dalawang apo ko nalang ang minomonitor na beneficiaries dahil ang kanilang magulang ay parehong solo-parent.
Bukod pa rito, dahil sa buwanang Family Development Sessions o FDS, natuto akong maging active member ng aming komunidad. Sa katunayan, maliban sa pagiging BNS (Barangay Nutrition Scholar) ako po ay isa ring RIC (Rural Improvement Club) Secretary sa kasalukuyan. Isa din po akong SLP (Sustainable Livelihood Program) President ng DSWD. Ang karagdagang kaalaman na ibinahagi ng 4Ps at SLP ay naging daan upang mapaikot namin ng maayos ang puhunan na pinahiram samin sa pamamagitan ng proyektong Hog Fattening.
Nagpapasalamat an gaming pamilya sa mga manggagawa ng 4Ps na sa kabila ng pambabatikos ay patuloy pa rin kaming ginagabayan at walang sawang pinoprotektahan. Isang malaking karangalan po sa aking pamilya ang maging benepisyaryo ng 4Ps at nagkaroon kami ng pagkakataong matulungan at matuto sa mga realidad ng buhay. Isa din pong karangalan sa akin na ibahagi sa inyo mga kapatid kung saan na nga ba ang aming narating.
###May ulat ang MAT Cabatuan, Isinulat ni Jeanet Antolin-Lozano