“Sa bawat kalansing ng barya sa aking bulsa, nadaragdagan ako ng pag-asa at determinasyon upang magpatuloy upang makapagtapos sa aking pag-aaral.”

 

Ako si John Christian Canceran, pang-apat sa anim na supling nina Joseph Sr. at Florentina Canceran. Payak ang pamumuhay ng aming pamilya sa Barangay Rosario, City of Santiago dito sa probinsiya ng Isabela. Ang aking ama ay nakapagtapos ng highschool samantalang ang aking ina naman ay nakatuntong ng kolehiyo ngunit hindi rin niya ito natapos.

 

Dahil sa hindi nila natapos ang kanilang pag-aaral, naging mahirap para sa kanila ang makahanap ng permanenteng trabaho upang maitaguyod ang aming malaking pamilya. Dati ay isang tagabantay ng palikuran sa isang ospital ang aking ama. Barya barya lamang ang koleksiyon sa bawat taong gagamit ng palikuran na siyang pinagkakasya ng aming ama sa pangangailangan namin araw-araw.

 

Di naglaon, nabigyan siya ng panibagong trabaho bilang isang elevator operator ng ospital kung kaya’t ang ina ko naman pumalit sa kanya sa pagbantay sa palikuran at pagbebenta ng tubig na maiinom. Mabuti na lamang at katuwang nila ang Pantawid Pamilyang Pilipino Program (4Ps) upang kami ay mapag-aral ng maayos.

 

Sa ganitong paraan nila kami itinaguyod, mahirap, kakarampot ang kinikita sa pangkabuhayan at araw araw ay hinaharap ang panganib mula sa iba’t-ibang sakit na maaaring makuha sa mga pasyente ng ospital. Gayunpaman, hindi nila hinayaang ang mga pangambang ito ay mamuno sa kanilang isip, bagkus ay lalo pa silang nag-pursige.

 

Ang kanilang ipinamalas na katatagan at pagmamahal ang naging panggatong ng aking mga pangarap. Bata pa lamang ako ay nakahiligan ko na ang mga hayop, sa katunayan halos ayaw kong makakita ng hayop na namamatay. Nakikinood pa ako sa telebisyon ng aming kapitbahay lalo na kapag ang palabas ay Matanglawin, National Geographic o Discovery Channel. Sa murang edad kong iyon ay namuo ang aking pagnais na maging manggagamot ng mga hayop.

 

Bilang pang-apat na anak, batid kong hindi magiging madali para sa aking mga magulang ang mapag-aral ako sa aking kagustuhang kurso na Veterinary Medicine. Wala kaming gaanong malaking halagang naitabi para sa pangmatrikula, lalo’t higit sa mga kagamitan na kakailanganin sa aking kurso. Limitado lamang ang halagang natatanggap namin sa 4Ps at iyon ang pinagkakasya namin sa pag-aaral ng higit na nakababata kong mga kapatid.

Dahil dito, naghanap ako ng iba’t-ibang paraan upang mapanatili ang aking pag-aaral katulad ng pag-apply sa iba’t-ibang mga scholarship. Sa tulong ng aking paaralan at aking mga guro sa Isabela State University, isa ako sa mga naging Academic Scholar samantalang sa tulong naman ng Municipal Social Welfare and Development Office ng aming lingsod ay nabigyan ako ng City Scholarship sa loob ng apat na taon.

 

Mapalad din ako dahil sa panahon ng aking pag-aaral ay napabilang ako sa Expanded Students Grants-In-Aid Program for Poverty Alleviation (ESGP-PA) mula sa pinagsamang programa ng Commission on Higher Education (CHED) at Department of Social Welfare and Development (DSWD).

Maliban pa roon, tuwing bakasyon naman ay pumapasok ako bilang crew ng mga kainan katulad ng Jollibee o Mang Inasal. Kapag sabado at linggo naman, at sa katunayan ay ito pa ang nahiligan kong gawin, ay humahalili ako sa aking mga magulang sa pagbantay ng palikuran habang ako ay nag-aaral ng aking mga leksiyon. Ang ibang katulad kong mag-aaral ay naghihintay lamang ng allowance mula sa kanilang mga magulang samantalang ako ay naglilinis at nagbabantay ng banyo upang may pambili ng mga gamit at libro subalit kailanma’y hindi ko naramdamang magalit o sisihin ang aking mga magulang.

 

Nakikita ng aking mga mata ang kanilang walang pagod na paghahanap-buhay upang kami ay mayroong makakain sa araw-araw at gaano man kahirap ang aming buhay, hindi nila kailanman inisip na patigilin kami sa pag-aaral. Ayon pa sa aking ina, natutunan niya sa Family Development Sessions ang kahalagahan ng pagpapanatili sa amin sa paaralan at paggabay sa aming buong mag-anak upang unti-unti ay mai-angat namin ang estado ng aming buhay.

 

Marami ring indibidwal ang sumuporta sa aking pag-aaral, higit na nakatulong ang Isabela Eye Specialist. Tuwing sabado ay pumapasok ako sa kanilang klinika at tumutulong sa pag-istima ng mga kliyente, kapalit nito ang allowance ko sa pagpasok. Nagpapasalamat ako sa kanilang CEO na si Dr. Leandro Jose Domalanta sa kanyang pagtiwala sa akin at pagtulong pinansiyal upang matustusan ang aking thesis.

 

Nakapagtapos ako sa kursong Doctor of Veterinary Medicine sa gitna ng pandemiya ng taong 2020. Wala kaming sapat na pera upang makapag-enroll ako sa review center kung kaya’t nag self-study na lamang ako. Ang tangi ko lamang panalangin noon ay makapasa ako sa board exam ng Pebrero 2021.

 

Mas higit pa pala roon ang magiging kapalit ng aking dasal dahil pumasa ako bilang National 8th placer sa Licensure Exam for Veterinary Medicine. Ako man ay hindi pa rin makapaniwala na ang anak ng elevator operator at magbabantay ng banyo ay makakapagtapos bilang isang doctor subalit narito ako ngayon, nagsisilbing patotoo na hindi pala ito imposible.

Sa ngayon ay nagtatrabaho ako sa Faith Petclinic ng City of Santiago, Isabela bilang empleyado at manggagawa ngunit sa pagpasok ng buwan ng Oktubre ngayong taon ay magiging companion animal practitioner na ako sa Mt. Sinai Veterinary Practice sa Taguig City.

 

Sa pagtatapos ng aking kwento, nais kong mag-iwan ng mensahe sa kapwa kong mga mag-aaral: Huwag kayong susuko sa inyong mga pangarap sapagkat walang imposible sa taong naniniwala sa sarili at nagsusumikap upang maabot ito. Walang instant sa mundo, lahat ay dapat pinaghihirapan. Kinaya ko ang maging doktor sa kabila ng estado namin sa buhay kung kaya’t naniniwala ako na kakayanin din ninyong maabot ang inyong mga pangarap. Sa bawat baryang kumakalansing sa ating bulsa, ay piraso na bubuo ng ating mga pangarap.

###isinulat ni Jeanet Antolin-Lozano mula sa salaysay ni John Christian Canceran