Ako si Reymart Leaño Molave, labing siyam na taong gulang, anak ni Renato at Catalina Molave. Ako ay tubong Jones, Isabela. Bata pa lamang ako, sa edad na lima, ay naranasan ko na ang sakit ng mawalan ng mahal sa buhay nang mamatay ang aking ama. Paglalaba lamang ang pinagkukunan ng aking ina ng pangkabuhayan  kung kaya’t higit pang naging masalimuot ang aming sitwasyon nang mawala ang aking ama.

Hindi nagtagal ay nag-asawa muli ang aking ina at nagkaroon ako ng tatlong nakababatang kapatid. Nagpapasalamat akong nagkaroon siya ng katuwang sa buhay ngunit kinakailangan pa rin nila ang ibayong pagsikap upang lahat kaming magkakapatid ay manatili sa pag-aaral. Mabuti na lamang at katuwang ng aking mga magulang ang Pantawid Pamilyang Pilipino Program na siyang nakaagapay sa pinansiyal na pangangailangan ng aming pag-aaral.

 

Bilang isang maliksing bata, nakahiligan ko ang makipaghabulan sa aking mga kaibigan na siyang naging dahilan upang ako ay maanyayahang sumali sa isports sa aming paaralan. Mistula lamang laro para sa akin ang pakikilahok ko sa mga paligsaan noong ako ay nasa elementarya subalit nang ako ay nasa elementarya subalit lahat ito ay nagbago nang ako ay makatuntong sa hayskul.

 

Dahil sa hirap ng aming buhay, hindi ako umasang ako ay makakapag-aral pa ng kolehiyo ngunit nalaman ko na mayroon pa palang paraan upang ako ay makapagpatuloy. Ito ay sa pamamagitan ng pagiging atleta. Nagsanay ako ng maigi upang mahasa ang aking talent at ito naman ay nagbunga sa pamamagitan ng mga imbitasyon na lumahok sa iba’t-ibang paligsahan hindi lamang dito sa aming bayan kundi maging sa iba’t-ibang sulok ng bansa.

 

Nasubukan kong lumahok sa Palarong Pambansa, National Open, Philippine Athletics Track and Field Association (PATAFA) tournament at National Collegiate Athletic Association (NCAA). Ang mga tagumpay ko sa larangang ito ang nagbigay-daan upang ako ay mabigyan ng scholarship sa Jose Rizal University noong ako ay Senior Highschool. Higit pa roon, ako ay naanyayahang makapag-aral sa isa sa mga pinakamahusay na institusyon sa bansa, ang University of the Philippines.

 

Nasa unang taon pa lamang ako ng aking pag-aaral sa kursong Bachelor of Science in Education, Major in Human Kinetics. Batid kong marami pa akong pagdadaanang mga hamon na siyang susubok sa aking kakayahan ngunit walang puwang ang pag-aalinlangan sa aking puso sa aking karera sa pangarap.

###kwento mula kay Jam Angelica Garcia, isinulat ni Jeanet Antolin-Lozano