Tuguegarao city – Ipinatupad ngayon ng Department of Social Welfare and Development Field Office 2 (DSWD FO2) ang Memorandum Circular 38 o Guidelines on the Commission of Prohibited Acts by Pantawid Pamilyang Pilipino Program (4Ps) Beneficiaries during State Calamity or National Emergency kung saan nakasaad ang mas mahigpit na polisiya sa mga paglabag ng alituntunin ng 4Ps ng mga benepisyaryo ng programa. Ito ay matapos makatanggap ng reklamo ang ahensiya ukol sa mga maling paggamit ng 4Ps ng kanilang tinanggap na ayuda mula sa Social Amelioration Program (SAP).
Ang paghayag ng public health emergency sa bansa bunsod ng Covid-19 ang nagbigay daan upang tumanggap ang 18 milyong mahihirap na pamilya ng ayuda bilang mandato ng Bayanihan to Heal As One Act. Kasama rito ang mahigit na isandaang libong 4Ps na pamilya sa Cagayan Valley.
Sa ipinalabas na pahayag ng DSWD Central Office, layon ng polisiya na maintindihan ng mga 4Ps ang kahalagahan ng tinatanggap na ayuda mula sa pamahalaan. Iginigiit ng ahensiya na hindi ito parusa o pahirap sa mga miyembro bagkus ay paalala na ang pagtanggap nito ay may kaakibat na obligasyong gamitin sa nararapat na bagay imbis na mga ilegal na gawain.
Dagdag ng ahensiya, ito ay ipapatupad lamang habang ang bansa o lokalidad ay napapasailalim ng state of calamity, national emergency o iba pang katulad na sitwasyon. Ang sinumang miyembro ng kabahayan na mapatunayang nakikibahagi sa anu mang ipinagbabawal na gawain ayon sa circular ay sasailalim sa case management kasabay ng agarang suspensiyon ng pagtanggap ng kanilang grants sa naturang pay period. Muli naman silang makakatanggap o reinstated matapos ang obserbasyon at pag-ayon ng case worker sa kanilang pagbabago.
Ilan sa mahigpit na ipinagbabawal ng programa ang pagsusugal; pagbili o paggamit ng ipinagbabawal na gamot at nakalalasing na inumin; higit na isang beses na pagtanggap ng cash grant sa isang pay period; at paglabag ng lokal na ordinansa at mga umiiral na batas sa bansa.
Ang 4Ps na naisabatas noong Abril 2019 ay ang pangtunahing programa ng pamahalaan na naglalayong makatugon sa kahirapan sa bansa. Namumuhunan ang programa sa pagpapanatili ng kasulusugan at edukasyon ng mga bata kasabay sa pagpapa-unlad sikolohikal at sosyal ng mga magulang sa pamamagitan ng Family Development Sessions.
###Isinulat ni Jeanet Antolin-Lozano