“Akala ko punishment ang mapunta ako sa center, akala ko katapusan na ng buhay ko nung mahuli kami ng mga pulis, pero yun pala ang pagpunta ko sa center ay isang blessing na nagpabago ng buhay ko.”
Butil-butil na pawis ang namuo at bahagyang tumulo sa kanyang mukha kasabay ang malakas na kalabog ng kanyang dibdib. Hindi niya namalayang ang kasunod ng pangyayaring iyon ang magpapabago sa kanyang buhay. Naisama si Vince sa mga nahulihang mayhawak na ilang gramo ng ipinagbabawal na gamot sa buy bust operation na isinagawa ng Tumauini Isabela noon taong 2015.
Aminado syang sumubok siyang gumamit ng ipinagbabawal na gamot dahil na rin sa impluwensya ng kanyang mga kaibigan. Sa murang edad sinubukan ni Vince na galugarin ang buhay, hanggang sa halos lahat ng bisyo ng kanyang mga kaibigan ay kanya na ring kinasanayan.
Ilang araw bago ang insidente ipinatupad ang panuntunang nag-uutos na kinakailangan dalhin sa Cagayan Valley Regional Rehabilitation Center for Youth (CVRRCY) sa ilalim ng pamunuan ng Department of Social Welfare and Development (DSWD) ang mga Children in Conflict with the Law (CICL) gaya ni Vince.
Buong akala ni Vince na isang kaparusahan ang pagpasok niya sa center subalit sa kalaunan ay napagtanto niyang hindi pala ito ganoon. Noong una’y hindi pa niya matanggap ang kanyang kapalaran ngunit ng lumaon unti-unti nyang natanggap at nakilala ang mga tao sa loob ng center. Nakilala niya ang mga kapwa nyang kabataan na tulad niyang nalihis ng landas minsan sa kanilang buhay.
Pagkaraan ng ilang taon, siya ay nakalabas sa center upang makapiling ang pamilya at muling makihalubilo sa komunidad. Mababatid sa kanyang mukha ang kasiyahan habang ikinukwento ang yugtong ito at ang kanyang naging karanasan sa loob ng center. Sinabi niyang namimiss na niya ang kanyang mga kaibigan doon. Nagugunita nya ang mga pangarap nilang nabuo sa loob, ang mga hangaring mabago ang kanilang mga buhay pagkalabas nila ng center.
Habang nasa pangangalaga ng DSWD nahikayat si Vince na pumasok sa eskwelahan upang tapusin ang kanyang pag-aaral. Noong una’y nag-aalinlangan si Vince kung anong kurso ang nais niyang aralin, dahil na rin sa gusto nyang kumuha ng Criminology at maging pulis balang araw, ngunit mas umigting ang kagustuhan niyang tumulong sa kanyang kapwa lalo ng mga katulad nyang CICL.
Nagdesisyon si Vince na kumuha ng Social Work na kurso sa St. Paul University. Ayon sa kanya, naging malaki ang naitulong ng educational, transportation at food assitance na nanggaling sa DSWD upang maipagpatuloy niya ang kanyang pag-aaral.
Subalit ang pagbabagong ito ay hindi agad naisakatuparan, pagkalipas ang dalawang taon muling nalihis ang landas ni Vince. Marahil bunsod na rin ng katagalan ng paglutas ng kanyang kaso sa hukuman ay muling bumalik si Vince sa kanyang mga kaibigan upang makahanap ng karamay, at sa pangalawang pagkakataon naligaw siya ng landas.
Laking pasasalamat ni Vince sa mga manggagawa ng center na bagamat siya ay muling nagkamali ay tinanggap sa kanyang pangalawang tahanan nang walang paghusga. Sa pagkakataong iyon, pinangako niya sa kanyang sarili na hindi na niya sasayangin ang pagkakataong ito.
Natigil pansamantala si Vince sa pag-aaral dahil sa pangyayaring iyon kasabay ng nakakalungkot na balita ng pagpanaw ng kanyang ama. Nakaramdam siya ng bigat ng kalooban at lubos na kalungkutan ngunit pinilit ni Vince na isalba ang kanyang sarili. Muli siyang bumalik sa pag-aaral, sa pagkakataong ito ay desididong makapagtapos sa kursong kaniyang pinili. Lumipas ang tatlong taon ay natapos niya ang kursong Social Work kasabay ang muli niyang paglabas mula sa Center
Napagdesisyon si Vince na pumasok sa DSWD bilang empleyado. Pansamantala syang nagtrabaho sa DSWD Field Office bilang isang Administrative Assistant subalit kinailangang tumilig ng pagkalipas ng ilang buwang upang paghandaan ang Licensure Examination for Social Workers.
Taong 2020 sumubok si Vince na kumuha ng board exam at taong 2021 naman lumabas ang resulta. Hindi maipaliwanag ang kanyang kasiyahan nang malaman na siya ay isa nang ganap na Social Worker. Plano ni Vince na muling bumalik sa pangalawang tahanang nagpabago sa kanyang buhay, ang tahanang kahit ilang beses siyang nagkamali ay tinanggap parin siya nito. Nais niyang ibalik ang tulong na ibinigay sa kanya ng DSWD upang makatulong rin sa mga kabataan at kagaya niyang minsa’y naging CICL.
Ang kanyang mensahe para sa kabataang tulad niya, “Sa mga nalihis ng landas God is not yet done sa kanilang buhay, nanawagan ako sa lahat ng kabataan at CICL na minsang naligaw ng landas hindi tayo papabayaan ng Diyos, he is not yet done he is able to transform us, he is able to make us from nobody to somebody. Hindi habang buhay na malulugmok tayo sa sitwasyong kinakaharap natin sa kasalukuyan. Ang mga pagsubok na nagpahina sa atin minsan ay magiging dahilan ng muli nating pagbangon. Sa kabila ng kadiliman ay naghihintay ang liwanag ng kinabukasan. At sa muling pagsilip ng liwanag, doon tayo magsisimula ng panibagong yugto ng ating buhay.”
###isinulat ni Diana Vanessa Nolasco