Si Janet Hamon ng Barangay Cordon, Kasibu, Nueva Vizcaya ay benepisyaryo ng Pantawid Pamilyang Pilipino Program simula pa noong 2011. Nakatira sila ng kanyang limang anak sa isang maliit na bahay na gawa sa tabla. Tanging sa pagtatrabaho sa bukid lamang niya kinukuha ang pantustos ng pangangailangan ng kanyang pamilya sapagkat elementarya lamang ang kanyang natapos.

 

Mula taong 2015 ay nakakaranas na siya ng karahasan sa kamay ng kanyang asawa subalit siya ay nagsawalang-kibo lamang dito. Marahil na rin sa takot na baka maibaling sa mga anak ang karahasan, ito ay kanyang tiniis at itinago sa pamilya at mga kakilala.

 

Sa patuloy na pagdalo niya sa mga Family Development Sessions, nalaman niya ang kanyang mga karapatan bilang babae na siyang nagpalakas ng kanyang loob upang sumangguni sa kinauukulan. Sa pamamagitan naman ng Municipal Action Team ng Kasibu, naiparating ang kanyang kalagayan sa tanggapan ng Municipal Social Welfare and Development Office at Philippine National Police.

 

Marso 1, 2018 ang huling pagkakataon na siya ay napagbuhatan ng kamay. Mabilis na rumisponde ang kapulisan upang mailayo ang kanyang asawa sa kanila ng kanyang mga anak. Makalipas ang ilang taon, nakitaan ang kanyang asawa ng malaking pagbabago sanhi upang ito ay mapalaya mula sa pagkakabilanggo.

 

Matapos mangako ng pagbabagong-buhay at mabuting pagtrato sa asawa, sila ay nagpakatawaran at muling nagsamang isang buong pamilya.

 

Sa kabilang banda, kasalukuyan ang pagpapatupad ng Pabahay ng Pulis Alay sa Iyo (PNP ASI) ng PNP, isang proyektong tumutulong sa pamamagitan ng pabahay sa mga higit na nangangailangang pamilya sa bayan ng Kasibu. Ang pamilya ni Janet ang napiling mabigyan ng tulong upang makapag simulang muli.

Sa pamamagitan ng kooperasyon ng PNP at mga opisyal sa kanilang barangay, nasimulan ang pagpapagawa ng konkretong bahay nina Janet. Tinatakdang ito ay matatapos sa ilang buwan upang matuluyan ng pamilya bago magsimula ang tag-ulan.

 

Malaki ang pagpapasalamat ni Janet sa mga programa ng pamahalaan na patuloy na tumutulong sa kanilang kapos sa buhay. Para naman sa kapwa niya kababaihan na nakaranas ng karahasan, ito ang kaniyang mensahe: “Sa lahat ng kababaihan na nakaranas ng pang-aabuso, huwag ninyong hayaang takot ang pumigil upang kayo ay magkaroon ng mas mapayapang pamumuhay. Buksan ang mga labi at magsuplong sa kinauukulan. Sa kapwa ko 4Ps, bukas ang tanggapan ng DSWD upang makinig at igiya tayo sa tamang ahensiya.”

###story by Daisy Gannaban, written by Jeanet Antolin-Lozano