Hindi imposibleng maabot ang mga pangarap, ito ang naipamalas ni Emely Gerly Ballad, isang Agta Labin sa kanyang pagtatapos ng senior High School sa Baggao National Agricultural School SM Annex noong July 12, 2021. Ang Humanities and Social Sciences Strand (HUMMS 12) ang napiling daan ng estudyanteng tubong Sta. Margarita, Baggao, Cagayan.
Pangalawang anak ng mag-asawang Arthur at Aurelia Ballad, ang pamilya ay kabilang sa Pantawid Pamilyang Pilipino Program (4Ps) simula pa ng taong 2015. Aminado ang amang si Arthur na kapos ang kanyang kinikita sa agrikultura kung kaya’t malaki ang naitulong ng cash grants upang mapanatili ang mga anak sa paaralan.
Para naman kay Emely, hindi naging madali para sa kanya ang magpatuloy sa pag-aaral dulot ng pandemiya sapagkat kinakailangan pang ipakuha sa kanyang ama o nakatatandang kapatid ang mga modyul na kaniyang kailangang sagutan. Sa kanyang facebook account ipinarating ang mensahe sa magulang: “Salamat sayo tatay and kuya Javan iti kinaanus you nga agitulod module ko no uray adda iti ubraem ke kulkuliten ka tapno lng maipasak iti module ko…” (Salamat sa iyo tatay at kuya Javan sa pagpapasensiyang maghatid ng aking mga module kahit mayroon pa kayong trabaho dahil sa kakukulit kong magpasa ng mga module ko.”
Ipinagmamalaki ng mag-asawang Ballad ang ipinamalas na dedikasyon at determinasyon ng kanilang anak sa kanyang pag-aaral at kalaunang pagtatapos lalo’t higit na bihira itong nangyayari sa kanilang tribo.
Ang Pantawid Pamilyang Pilipino Program (4Ps) ay programa ng pamahalaan na naglalayong mai-angat ang antas ng kabuhayan ng pamilyang Pilipino, maisulong ang kalusugan at makapagtapos ng pag-aaral ang mga anak.