“Ang hirap ng buhay namin, madalas kulang pa ang kita ng tatay ko sa isang araw na pagbiyahe ng traysikel para sa pagkain, sa pag-aaral pa kaya namin?” ang sambit ni Ryan Pagalilauan, isang Pantawid Pamilyang Pilipino Program (4Ps) child beneficiary mula sa Tuguegarao City.
Ika-walo sa siyam na anak nina Dante at Dominga, nasaksihan niya ang pagsasakripisyo ng mga magulang upang sila ay maitaguyod at mapag-aral kung kaya naman ay pinagbuti niya ang kanyang pag-aaral hanggang sa ika-anim na baitang.
Sa kanyang pagtung-tong sa ika-pitong baitang, nagsimula siyang makapansin ng pagbabago sa kanyang sarili maging sa kanyang pananaw sa pag-aaral. Sa pagpasok niya ng sekondarya taong 2019, nagkaroon siya ng mga bagong kaibigan na kalauna’y naging barkada. Ang barkadang ito ang nag-udyok sa kanya upang subukan ang mga bagay bagay na noon ay hindi niya lubos maisip na magagawa.
Unti-unti, nagbago si Ryan. Maaga siyang umaalis ng kanilang bahay na nakasuot ng uniporme ngunit hindi naman siya pumapasok sa paaralan. Kasama ang kaniyang barkada, natuto siyang manigarilyo, lumiban sa klase upang maglaro ng online games at madalas ay ito pa ang dahilan upang mapaaway siya sa ibang kabataan.
“Ramdam ko naman noon na hindi na tama ang ginagawa ko pero hindi ko maintindihan kung bakit hindi ko pa rin maitatama iyon,” paliwanag ni Ryan. “Minsan pa nga, ayaw na akong tanggapin sa klase dahil sa tagal ng pag-absent ko,” dagdag ni Ryan.
Oktubre 2019 nang tuluyan na siyang hindi pumasok sanhi upang ipinagbigay-alam ng kanyang paaralan sa tanggapan ng 4Ps na siya ay nag drop-out. Sa pamamagitan ng Bata Balik Eskwela campaign, nagkaroon ng pagdadayalogo sa pagitan ng paaralan at mga magulang ni Ryan kung saan pinag-usapan ang mga suliraning kinaharap ni Ryan at kung ano pa ang maaaring magawa upang siya ay makabalik sa pag-aaral.
Sa huli, pinagbigyan siyang ipagpatuloy ang kanyang ika-7 taon sa ilalim na kondisyon na matapos niya ang mga gawaing kanyang napagpaliban. Hindi naman sila binigo ni Ryan at siya ay nakapasa ng kanyang mga asignatura at ihinanda para sa susunod na pasukan bilang Grade 8.
Muling nasubok ang determinasyon ni Ryan taong 2020 nang maisipan niyang magtrabaho muna sa Nueva Vizcaya upang makapag-ipon para sa pag-aaral. Napabilang siya sa mga Locally Stranded Individuals (LSIs) nang magpatupad ang pamahalaan ng Enhanced Community Quarantine upang mapigilan ang pagkalat ng sakit dulot ng Covid-19.
Hindi siya nakapasok sa klase ng ilang buwan dahilan upang siya ay hindi na pahihintulutang makabalik sa paaralan ngunit dahil sa patuloy na pagsasagawa ng dayalogo at kaakibat na pangakong pagsisikapan niyang matapos ang lahat ng modyul ng pag-aaral ay muli siyang pinayagang magpatuloy. Pinatunayan ni Ryan ang kanyang kagustuhang makapagtapos ng Grade 9 sa pamamagitan ng pagsunod sa lahat ng kondisyon ng paaralan.
“Pangarap kong maging isang pulis balang araw para matulungan ko ang aking mga magulang at pamilya pero hindi ko maaabot iyon kapag hindi ako makatapos ng pag-aaral. Nagpapasalamat ako sa mga magulang ko na hindi ako sinukuan at pati na rin sa 4Ps dahil lagi silang tumutulong sa amin upang maitama ang mga naging pagkukulang ko sa pag-aaral,” panghuling mensahe ni Ryan.
Ngayong taon, pinaghahandaan na niya ang muling pagpasok sa paaralan bilang isang Grade 10 ng Cagayan National High School. Para sa kanya, nalihis man siya ng landas ay muli naman niyang nahanap ang daang kanyang tatahakin.
###story by Jeanet Antolin-Lozano and CAT Tuguegarao