Lahat tayo ay nakararanas ng pangamba, suliranin at problema na kailangan nating malagpasan kung kaya’t araw-araw tayong lumalaban upang sa huli makamit natin ang ating pangarap na tagumpay. Ako si Willy Espartero, pangatlong anak ni Rolando at Juanita Espartero, ang pamilya ko ay napapabilang sa Pantawid Pamilyang Pilipino Program o 4Ps dito sa Santo Niño, Cagayan at ito ang kwento ng aming buhay.
Noon pa man ay hindi kami nabiyayaan ng masaganang pamumuhay, magarang bahay, masasarap na pagkain at salapi. Ang meron kami ay maliit na tahanang may pinagtagpi-tagping bubongan, ramdam ang mainit na sinag ng araw sa tanghali habang tanaw naman ang buwan at mga bituin sa pagitan ng mga butas sa bubong tuwing gabi.
Higit pang nagpapahirap sa amin ang tag-ulan sapagkat tumutulo ang tubig ulan sa mga butas na iyon. Kulang pa ang batya at timba upang saluhin ang lahat ng tubig na tumutulo kung kaya’t mistula palaisipan kung papaano kami makapuwesto sa papag upang hindi mabasa.
Namulat akong hikahos at hirap ang aking mga magulang upang maitawid ang aming panganagilangan sa araw-araw. Hirap sila sa pagkayod at paghanap-buhay ng maghapon sa bukirin subalit hindi pa rin sapat ang kanilang kinikita upang mapag-aral kaming limang magkakapatid ng sabay-sabay. Bilang pangatlo at nakatatandang lalaki, sa murang edad ay natuto na akong magbanat ng buto upang makatulong sa aking pamilya. Sumasama ako sa aking mga magulang at mga kapatid upang umani ng mais, palay, mani at iba pang trabahong pambukid upang kumita ng kaunting halaga pandagdag sa mga gastusin ko sa paaralan.
Napakahirap pagsabayin ang trabahong pambukid sa pag-aaral. Umabot ako sa punto na mas pipiliin ko pa ang magtrabaho sa bukid kaysa pumasok sa eskwela. Ang ideyang ito ay ipinarating ko sa aking mga magulang, sinabi kong titigil muna ako sa pag-aaral upang matustusan nila ang pag-aaral ng aking mga nakatatandang kapatid ngunit hindi ito sinang-ayunan ng aking ama.
Hindi ko pa noon naintindihan ang kahalagahan ng edukasyon kung kaya’t binuo ko ang pasya na hindi na papasok sa paaralan ngunit bago ko pa man ito maisakatuparan ay may isang pangyayaring nagpabago ng aking pananaw.
Isang araw, nagulantang ang aming pamilya nang kami ay mapagsabihan na lumikas na sa aming tahanan. Ayon sa nagsasabing may-ari, wala kaming pinanghahawakang karapatan sa kinatitirikang lupa ng aming bahay kung kaya’y hindi kami makakatanggi sa desisyong ito’y ipa-giba upang makapagpatayo sila ng ekstensiyon ng kanilang bahay. Pumayag naman sila na ipatayo ulit ang aming bahay sa malapit subalit tumanggi roon ang aking ama. Ayon sa kanya, mainam na lamang na kami ay maghanap ng malilipatan kaysa mag-alala na maaaring maulit pa ang pangyayari.
Bakas sa mukha ng aking ina ang pagkabalisa sa pagkawala ng aming bahay. Hindi ko malilimutan ang pagpatak ng kanyang luha habang inaalala kung saan kami titira. Ganito pala ang hindi nakapagtapos ng pag-aaral, kapos sa kaalaman kaya hindi maipaglalaban ang mga bagay na mahalaga.
Nakita ko namang desisido ang aming ama na ihanap kami ng ibang matitirhan. Mabuti na lamang at may nagmagandang loob, si Ginoong Jomar Respicio. Bukal sa kanyang kalooban na ipagamit ang kanyang lupa upang pagpatayuan ng aming bahay. Dahil sa pangyayaring ito ipinangako ko sa aking sarili na ako’y magpupursigi’t magtatapos ng pag-aaral upang sa hinaharap ay makabili ako ng sariling lupa na pagtatayuan ko ng aming bahay nang sa gayon ay hindi ko na ulit makita na luluha ang aking ina o sumama ang loob ng aking ama.
Iginapang ng aking pamilya ang pagpapa-aral sa akin. Pumasok bilang kasambahay ang aking ina habang ang ate ko naman ay tumigil sa pag-aaral upang mamasukan bilang yaya. Naramdaman ko ang pagtutulungan di lamang ng mga magulang ko, maging ang aking mga tiyuhin, tiyahin at mga pinsan ko upang matustusan ang mga gastusin ko sa paaralan kaya naman masasabi ko na naging produkto ako ng pagtututlungan ng aking mga kapamilya hanggang makatapos ako ng sekondarya.
Maliban sa grants ng 4Ps, mapalad din akong naging isa sa mga Congregatio Immaculati Cordis Mariee (CICM) scholars ng University of Saint Louis sa aking kurso na Bachelor of Secondary Education. Dahil sa scholarship na ito at sa tulong ng aking tiya Ayona Mendoza, nakapagtapos ako sa kolehiyo at nakapagpaagpatuloy pa ako sa pag-aaral hanggang matapos ko ang aking Master of Science in Teaching at Master of Arts in Education.
Sa kasalukuyan isa na akong ganap na guro sa Cagayan National High School-Senior High habang kumukuha ng Doctor of Philosophy o PhD. Nakakatulong na ako sa aking mga magulang upang mapag-aral ang aking mga nakababatang kapatid lalo na ngayon at may hypertension ang aking ama at emphysema naman sa aking ina. Hindi pa rin ito sapat upang masabi kong naka-angat na kami ng buhay ngunit masasabi kong nalagpasan namin ang isa sa pinakamahirap na yugto ng aming buhay.
Nagpapasalamat ako na mayroon kaming katuwang na 4Ps sa gastusin sa pangangailangan at pag-aaral ng aking mga nakababatang kapatid. Higit na nakakatulong din ang health grant upang maipagamot namin ng maayos ang aking mga magulang. Marami pa akong mga pangarap para sa pamilya ko, desidido akong maipagpatayo ko sila ng bahay balang araw. Tiyak kong matutupad rin ang pangarap na ito dahil katuwang namin ang Pantawid Pamilyang Pilipino Program!