Kadalasan ang straw na nagagamit tuwing umiiom ng soft drinks o juice ay naitatapon sa basurahan at nakakadagdag pa sa polusyon subalit para kay Armalita Barroga, isang benepisyaryo ng Pantawid Pamilyang Pilipino Program (4Ps) mula sa barangay Mambabanga Luna Isabela, “Sa straw may pera”.

 

Taong 2013 nang una nyang nakitang gumawa ng mga handy craft mula sa straw ang kanyang kapitbahay. Nabighani siya sa ganda at tibay ng mga produktong gawa sa material na ito kung kaya’t naisipan rin niyang matutunan at magpakabihasa sa paggawa. Nagsimula siya sa maliliit na bagay lamang hanggang sa naisipan niyang makabuo ng banig.

 

“Ang una kong gawang banig ay inabot ng anim na buwan, pero natutunan ko din ang technique kung papaano ito mapabilis at mapatibay kaya ngayon nakakagawa na ako ng banig sa loob lamang ng isang linggo” kwento ni Armalita habang ipinapakita ang 75 x 90 na pulgada ng banig na kanyang gawa.

Ang mga banig ay ibinebenta niya sa halagang 600 pesos kada piraso, habang ang ibang mas maliliit katulad ng placemat ay sa mas mababang halaga. “Nais kong maituro ang kakayahang ito sa aking kapwa benepisyaryo upang tulad ko ay maaari pa ring maging produktibo sa gitna ng pandemya. Ang tanging puhunan para dito ay tiyaga at oras kung kaya’t hindi na dapat tayo magsawalang-kibo at umasa palagi sa tulong ng ating gobyerno,” dagdag ni Armalita.

###isinulat ni Jeanet Antolin-Lozano, kwento ni Kathleen Saliganan-Acosta