“Grade 3 ako noong una kong nakita ang aking guro na mag-bake ng keyk. Napakaganda at napakasarap nito kaya’t ipinangako ko noon sa sarili ko na balang araw ay makakagawa rin ako nito,” ito ang nasambit ni Marjorie Alangwawe, benepisyaryo ng Pantawid Pamilyang Pilipino Program (4Ps) ng barangay Casat, Bayombong, Nueva Vizcaya.

 

Mula sa mahirap na pamilya si Marjorie, ang kanyang mga magulang ay pawang manggagawa lamang sa kanilang bayan. Sapat lamang ang kinikita sa pang-araw araw na pangangailangan kung kaya’t wala silang kakayahan upang suportahan ang pagbili ng mga kagamitang kakailanganin sa paggawa ng keyk.

 

Upang magpatuloy sa pangarap, pinag-igihan ni Marjorie ang pag-aaral hanggang makapagtapos siya sa sekondarya subalit pansamantala itong natigil nang siya ay nabuntis sa murang edad at nagkapamilya.

 

Naging prayoridad sa kanya ang pangunahing pangangailangan ng kanyang pamilya kung kaya’t hindi muna niya pinag-tustusan ang mga kagamitang kakailanganin ng isang baker. Gayunpaman, ipinangako niyang pag-iipunan niya ito kung kaya’t naisipan niyang magtrabaho sa Malaysia at magtabi ng kaunting halaga mula sa kanyang buwanang kita.

Nakabalik siya sa bansa noong Enero at sa gitna ng pandemya ay naisipan niyang simulang mabuo muli ang naudlot na pangarap. Gamit ang kanyang ipon, bumili siya ng mga kagamitan at muling inaral ang iba’t-ibang pamamaraan ng pag hurno ng tinapay at keyk.

 

“Ilang beses din akong nabigo dahil hindi ko makuha ng tama ang timpla o pagluluto. Pinagsasaluhan namin  ng mga kapitbahay ang mga gawa ko upang makapagbigay sila sa akin   ng kanilang opinion at suhestiyon hanggang sa makuha ko ng tama ang timpla,” kwento ni Marjorie ng kanyang pinagdaanan upang mapabuti ang kasanayan sa pag hurno. Ang kanyang nagagawang keyk ay may presyong 400 hanggang 600 na piso depende sa laki at istilo, samantalang 1,500 na piso naman para sa keyk pangkasal.

Sa ngayon, siya na ay tumatanggap ng mga order ng paggawa ng keyk sa pamamagitan ng kanyang facebook page at personal na numero sa telepono. Ang kanyang mensahe para sa kapwa niya 4Ps upang sila ay mahikayat na abutin ang mga pangarap, “Never stop trying. Magkaroon tayo ng kumpiyansa sa sarili dahil mangyayari ang lahat ng plano natin kung tayo mismo ay determinadong magawa ito.”