Salaysay ni Inay
Ako si Julie Atal, limangput isang taong gulang mula sa Magalalag East, Enrile, Cagayan. Mula ako sa mahirap na magsasakang pamilya ni Urbano at Adrea Bucayu. Walo kaming magkakapatid at ako ang panganay. Bilang isang panganay, pasan ko ang responsibilidad bilang pangalawang magulang sa aking mga kapatid lalo na kapag nasa bukid ang aking mga magulang.
Napangasawa ko ang aking kababata na si Lamberto at pareho naming pinangarap na mabuo ang aming pamilya sa Maynila. Namasukan ako bilang manikurista habang siya naman ay nagtrabaho bilang drayber ng jeepney. Sa simula pa lamang ay nahirapan na kami dahil sa bigat ng gastos sa mga pangangailangan namin. Taong 2003, napagpasyahan naming bumalik na lamang ng Cagayan.
Nang kami ay makabalik sa Cagayan, ipinagpatuloy kong maging isang manikurista. Nagbahay-bahay ako hindi lamang sa aming barangay kundi maging sa mga karatig na barangay. Unti-unti ay nagkaroon ako ng regular na mga kostumer at naging madali ang bumuo ng iskedyul para sa kanila. Ang asawa ko naman ay nagtiyaga bilang isang construction worker habang siya ay nagsasaka.
Abala man kaming mag-asawa sa paghahanap-buhay, hindi pa rin napabayaan ang aming sampung anak. Araw-araw ay sinisigurado kong nakahanda na ang kanilang mga pangangailangan sa maghapon habang ang mas nakatatanda ay pumapasok
Kung ilalarawan kami ng ibang tao sa aming komunidad, ang pamilya namin ay malaki, maligalig at masayahin. Napakahirap itaguyod ang malaking pamilya ngunit ang kapalit naman ay kagalakan ng masiglang mga anak. Maraming mga kamay na nagtutulungan upang mabilis na matapos ang mga gawain kasabay ng maraming mga tiyang kailangang busugin.
Labis na lamang ang aking pagpapasalamat sa pamahalaan sa pagbuo ng programang katulad ng Pantawid Pamilyang Pilipino Program (4Ps) ng Department of Social Welfare and Development. Malaki ang naitutulong ng mga cash grants upang madagdagan ang aming panggastos sa pagkain at pag-aaral ng mga bata. Mayroon pa kaming dinadaluhang Family Development Sessions (FDS) na nagtuturo sa aming mga magulang ng mga praktikal na kaalaman sa pang-araw araw naming gawain. Nagustuhan ko ang tinalakay nilang financial management lalo na’t madalas ay nahihirapan akong magbadyet sa laki ng aming pamilya.
Hindi ako nagdalawang-isip na isabuhay ang aking natutunan sa FDS. Naging mas masinop ako sa paggamit ng aming kita hanggang sa makapagsimula ako ng maliit na talipapa. Ang mga anak ko naman ay responsable at matulungin sa akin lalo na kapag wala silang pasok at ako naman ay may kailangang serbisyuhan ng paglilinis.
Pagdating naman sa mga gawain sa 4Ps, aktibo akong sumasama at tumutulong sa gawain ng aming barangay. Nahirang akong parent leader ng aming grupo kung kaya’t alam kong kinakailangan akong maging modelo sa kapwa ko benepisyaryo. May sarili akong garden at ito ang pinagkukunan ko ng aking binebenta. Kasama ng aming Municipal Link nagtayo kami ng communal 4Ps garden na sinalihan ng iba ko pang kasama sa programa.
Dahil sa aking talipapa, naging kwalipikado ako na mapabilang sa Sustainable Livelihood Program ng DSWD na kung saan nakatanggap ako ng pondo na pangdadag sa aking talipapa upang hindi na lamang gulay ang tinitinda ko kundi nakakapagdagdag na rin ng iba pang kailangan sa kusina. Dahil sa aking karamdaman na highblood pressure, hindi na ako nagtuloy sa aking talipapa kundi sinubukan na rin namin ang online selling.
Pagdating naman sa pag-aaral ng aking mga anak, nabigyan din sila ng oportunidad na makatungtong sa kolehiyo sa pamamagitan ng mga iskolarship. Ang panganay kong si Mary Jane ay isa nang ganap na pulis. Ang aking pangalawang anak na si John Clester ay mayroong Magdalo Scholarship at ngayon ay isa na siyang ganap na Business Administration graduate samantalang ang pangatlo na si Angelica ay natapos sa kursong Caregiver at nagtatrabaho ngayon sa Taiwan. Ang aking pang-apat na anak naman na si John Reynold ay full scholar ng ESGPPA, nakapagtapos ng kolehiyo at sa kalaunan ay sumabak sa Hukbong Dagat. Isa na siyang ganap na sundalo. ang pang lima ko namang anak na si Kimberly ay PES scholar, at ang pang anim kong anak ay na si Kristal Joy ay isa pang Magdalo Scholar.
Mayroon pa kaming mga pagsubok na dinaanan, napag-alaman namin na ang madalas na pagkakasakit ng aking pang pitong anak na si Ma. Elisa ay dahil may kahinaan ang kanyang puso. Dahil sa pagiging miyembro namin sa Philhealth ay naoperahan siya sa puso ng libre. Malaki din ang naitulong ng Assistance to Individuals in Crisis Situation (AICS) sa panggastos namin sa pagpapagamot sa kanya. Isa na siyang masiglang dalaga na patuloy pa rin ang pag-aaral.
Wala man kaming gaanong ari-arian, mayaman naman kami sa pagmamahal at determinasyon upang marating ang aming mga pangarap. Ang palaging pangaral naming mag-asawa sa aming mga anak ay ang pagpapatuloy nila sa pag-aaral hanggang sa sila ay makapagtapos. Nariyan man ang gobyerno na umaalalay sa amin, hindi naman maisasakatuparan ang lahat ng ambisyon namin kung kami mismo ay hindi kikilos upang maabot ito. Ang edukasyon makakapagdala sa kanila sa ruruok ng tagumpay.
Tunay ngang walang imposible kapag nanaising mong palakihin ng maayos at matiwasay ay iyong mga anak. Dahil sa hangarin kong bigyan sila ng magandang buhay, kami ng asawa ko ay nagtrabaho ng mas higit pa sa kinakailangan. Hindi lamang ang materyal na bagay ang tumutulong sa amin upang makamtam ang mga hangarin sa buhay. Ang mas lalo pa dapat paigtingin ng mga tulad kong kapos sa buhay ay ang pananalig sa may kapal, kasabay ng determinasyon ant pagsusumikap sa buhay.
Sa aming pananalig sa maykapal at pagmamahalan sa isa’t isa, kami ay mas patuloy pang pinatatag kahit anong hamong ang hinarap at haharapin naming sa buhay—kami ay patuloy na lalaban at mas mapupursigi, sa ngalan ng aming pamilya.
Kwento ni Itay
Ako si Lamberto A. Atal, limampu’t-dalawang taong gulang, at tubong Magalalag East, Enrile, Cagayan. Ang aking kabiyak ay ang kababata kong si Julie. Nagpasya kaming mag-asawa na agad bumukod kung kaya’t naisipan naming makipagsapalaran sa Maynila. Namasukan ako bilang isang jeepney driver habang ang asawa ko naman ay isang manikurista.
Nagpagtanto naming mahirap pala ang buhay sa Maynila, bukod sa magastos ang nangungupa lamang, maliit din ang kita sa maghapon naming pagta-trabaho. Muli kaming nagpasiya na bumalik sa Cagayan at doon na lamang magsimula at bumuo ng pamilya. Namasukan ako bilang isang construction worker kasabay ng pakikisaka ko sa mga palayan sa aming bayan.
Hindi gaano kadalas ang nakukuha kong trabaho sa construction samantalang mababa rin ang kinikita ko sa pagsasaka. Napakamahal ng mga kagamitan, binhi at iba pang materyales samantalang napakababa naman ang pagbili ng bodega sa aming palay. Higit pa rito ang madalas na pagdalaw ng sakuna tulad ng tagtuyot at bagyo na sumisira sa aking mga pananim.
Sampu ang aming mga anak, napakalaki ng aking pamilya para sa kakarampot na aking kinikita. Masinop na maybahay si Julie at maalaga sa aming mga anak. Sumusubok rin siya ng iba’t-ibang pamamaraan upang makadagdag sa aming kinikita katulad ng ilang gawaing pambukid.
Malaki ang naitulong ng Pantawid Pamilyang Pilipino Program (4Ps) sa aming mag-asawa upang maitaguyod ang panganagilangan ng aking mag-anak. Dahil sa tinatanggap naming grants, patuloy pa rin silang nakakapag-aral nang hindi namin inaalala ang gastusin nila sa paaralan.
Taong 2013 hanggang 2017, ako ay nahalal na isang Barangay Kagawad ng Magalalag East. Ramdam ko ang respeto at tiwala ng aking mga kabarangay sa aking kakayahan at pamumuno kung kaya’t desidido ako noon na ibigay ang aking buong serbisyo. Kasabay ng aking pagkahalal ang pagpasok ng aking pang-apat, si John Reynold, sa kolehiyo, mas higit na magastos kaysa sa mababang paaralan. Mabuti na lamang at napabilang siya sa Expanded Students Grants-In-Aid Program for Poverty Reduction (ESGP-PA) ng CHED sa pakikipagtulungan ng 4Ps. Ang kanyang tinatanggap doon ay higit pa pa sa pangangailangan niya sa paaralan at kung minsan ay nagagawa niya pang magbigay sa amin ng pandagdag gastos para sa kanyang mga kapatid.
Samantala, ang aking pangalawang anak na si John Clester ay mayroong Magdalo Scholarship, ang pang lima ko namang anak na si Kimberly ay PES scholar, at ang pang anim kong anak ay na si Kristal Joy ay isa namang Magdalo scholar. Unti-unti, sila ay nakakapagtapos sa pag-aaral, sa katunayan ay isa nang hukbong dagat si John Reynold.
Maliban pa don, kami ay napasama sa Sustainable Livelihood Program ng DSWD na kung saan nakatanggap ako ng pondo upang mapalaki ang nasimulang talipapa ng aking asawa. Hindi man ganoon kalaki ang aming kinikita, ipinaglalaanan pa rin namin ang edukasyon ng aming mga anak sapagkat ito lamang ang maipapamana ko sa kanila kapag ako ay wala na sa mundo.
Wala man akong ari-arian na maiiwan sa aking mga anak, maipagmamalaki ko naman na sila ay itinaguyod ko sa sarili kong dugo at pawis. Hinubog namin sila na may takot sa Diyos at may pagmamahal sa kanilang bayan. Para sa akin, ang tunay na kayaman ay ang maibabahagi mo sa iyong maiiwang pamilya pang habang buhay, ang pagmamahal na hindi natitinag o napapagod.
Sa mata ng batang 4Ps
Ako si John Reynold Atal, dalawampu’t-apat na taong gulang, ipinanganak sa Bayan ng Enrile. Ako ang ika-apat sa aming sampung magkakapatid. Ako ay nakapagtapos sa kursong Bachelor of Science in Mathematics noong taong 2017 sa Cagayan State University.
Bilang isa sa mga nakatatanda sa aming sampung mga magkakapatid, ramdam ko ang responsibilidad na tumulong sa pangkabuhayan ng aming pamilya. Noong bata pa ako, namulat na ako sa kahirapan ng buhay. Ang aking magulang ay nakikisaka lamang upang buhayin ang aming pamilya ngunit gayunpaman ang kalagayan namin, nagagawa pa rin nilang maitawid ang aming pamilya sa pang araw-araw na gastusin lalo na’t napaka laki ng aming pamilya. Ni minsan ay di ko sila nakitaan ng panghihina ng loob, bagkus ang ngiti na namumutawi sa kanilang mga labi sa tuwing kami ay magkakasama bilang isang pamilya ang mas higit na namamayani. Tunay na nakakamangha ang determinasyon at sakripisyo na ipinapakita n gaming mga magulang sa aming magkakapatid.
Noon pa man, lubos kong pinapapahalagahan ang pag-aaral dahil ito lamang ang alam kong tanging paraan upang maka-ahon kami sa kahirapan. Ito rin ang pa-ulit ulit na pangangaral ng aming mga magulang. Sabi ni tatay, “Anak, mag aral kayo ng mabuti, sapagkat ito lamang ang tangi naming maipapamana sa inyo at magtatawid sa atin sa kahirapan”. Itong mga katagang ito ng aking magulang ang nag-udyok sa akin upang mag pursigi sa aking pag-aaral.
Malaki ang ginampanang papel ng Pantawid Pamilyang Pilipino Program (4Ps) upang matulungan ang aming pamilya na maitawid ang aming pang-araw araw na pangangailangan. Tumatanggap kami ng educational grant na siyang binabadyet ni nanay sa panggastos sa aming pag-aaral smantalang ang health grant naman ay iniipon niya upang may magamit kung kami ay magkakasakit. Ang rice subsidy naman ay pandagdag pambili namin ng makakain.
Lagi silang dumadalo sa mga Family Development Sessions at kung minsan ay naiku-kwento pa sa amin ni nana yang kanyang bagong natutunan. Isa sa mga hindi ko malilimutan ang natutunan niya sa paghahanda sa panahon ng sakuna. Ilang beses kami dinaanan ng malalakas na bagyo at tanda ko pa ang hirap na dinanas ng aming pamilya higit na sa suplay ng pagkain at malinis na tubig. Ngayon, alam na namin kung paano paghandaan ang mga pangyayaring ito.
Sa aking pag-aaral sa kolehiyo, muli kaming natulungan ng 4Ps dahil napasama ako sa scholarship ng Expanded Students’ Grants-in-Aid Program for Poverty Alleviation (ESGP-PA) ng Commission on Higher Education (CHED) sa kadahilanang mga anak mula sa 4Ps ang pangunahing benepisyaryo ng programang ito. Napakalaking tulong nito sa amin sapagkat ang tinatanggap ko namang subsidiya rito ay higit pa para sa mga gastusin ko sa kusrong Bachelor of Science in Mathematics. At dahil hindi na mabigat ang pasanin ng aking mga magulang sa aking pag-aaral, tuluy-tuloy din ang pag-aaral ng aking mga nakababatang kapatid. Lubos kong pinahalagahan ang aking pag-aaral kung kaya’t nakapagtapos din ako agad ng taong 2017.
Sa kagustuhan kong makapagsilbi sa aking bayan, ako ay nag-enlist sa Hukbong Dagat (Philippine Navy) pagkatapos ng aking graduation. Habang hinihintay ko ang kanilang pagtanggap ay namasukan ako bilang isang manggagawa sa isang botika sa Maynila. Puno ako ng pangarap para sa aking pamilya ngunit alam kong ang pagpasok ko sa hukbo ay higit na naimpluwensiyahan ng kagustuhan kong maibalik sa pamamaraan ng serbisyo ang tulong na tinanggap ng aming pamilya.
Sa kalaunan ay natanggap ko rin ang impormasyon na ako’y makakapagsimula nang magtraining. Mahirap, kalaban ko noon ang pisikal na pagod at pangungulila sa aking mga magulang at mga kapatid subalit hindi ako sumuko. Noong Mayo, ako ay naging isang ganap na sundalo ng hukbo at nagsusumikap pa lalo upang magampanan ang mas malaking responsibilidad na naka atang sa aking mga balikat, ang pagsilbi sa aking bayan.
Hindi man perpekto ang aming pamilya gaya ng iba, ako naman ay lubos na nagpapasalamat sa biyaya ng pagmamahal na meron kami sa isa’t isa. Itong pagmamahal na ito ang nagbubuklod sa aming pamilya upang maging matatag. Itong pag mamahal na ito ang siyang nagbibigay ng lakas ng loob sa aming bawat isa upang maging matagumpay pa lalo sa aming mga hangarin sa buhay. At higit sa lahat, ang pagmamahal naming sa pamilya ay siyang nagging susi upang malampasan namin lalo ang hirap na dumaan sa aming buhay.
Aking napagtanto, na hindi lang pala material na bagay ang nakakapag pasaya sa isang tao, bagkus mas masaya ang nadarama sa pamilyang sama-sama at nagmamahalan.
Malayo pa man ang aking lalakbayin sa buhay na ito, isa lamang ang masisiguro ko, na ang paglalakbay tungo sa layunin mo sa buhay ay di magiging matagumpay kapag wala ang pamilyamong sumusuporta sayo at umaagapay.