Ako si Florence Discaya, residente ng barangay Lamo, Dupax del Norte, Nueva Vizcaya. Ako ay may asawa at kami ay nabibiyaan ng dalawang anak. Taong 2011, hindi ko inaasahan na mapabilang ang aking pangalan sa listahan ng mga benepisaryo ng Pantawid Pamilyang Pilipino Program (4Ps). Lubos ang pasasalamat ko at ng aking pamilya sapagkat sa mga panahong iyon ay hikahos kami at kailangan namin ng tulong pinansyal. Sa mga panahong iyon ay wala akong magandang trabaho at ang aking asawa nama’y wala ring permanenteng trabaho.

 

Dahil ako ay may pangarap para sa aking pamilya lalo na sa aking mga anak, minabuti kong gamitin ang mga ipon mula sa cash grants sa 4Ps kasama at maliit na kita ng aking asawa upang magsimula ng maliit na negosyo. Nagsimula kami sa pag-angkat ng puto at kutsinta para ibenta sa umaga samantalang sa hapon naman ay balut ang aming itinitinda. Hindi nagtagal ay inaral ko kung paano magluto at gumawa na lamang ng sarili naming produkto upang mapalago ang aming kita na naging epektibo naman sa aming negosyo.

 

Bilang miyembro ng 4Ps, isa sa mga natutunan ko at tumatak sa akin mula sa mga Family Development Session (FDS) ay kung paano maging responsableng magulang. Isinasabuhay ko ang mga natututunan ko kasama ang aking asawa kaya kami ay laging nagtutulungan para mas lalong mapa-angat pa namin ang kalagayan ng aming pamilya. Ginagamit ko ang mga istratehiyang naituro sa akin para magpatuloy ang magandang relasyon naming magkakapamilya.

 

Lagi naming isinasaalang-alang ang pag-unlad ng aming pamilya kaya noong nagkaroon ng programa ang DPWH na trabahong lansangan ay hindi pinalagpas ng aking asawa ang pagkakataong iyon upang tanggapin ang trabaho. Sa anim na buwan na nagtatrabaho ang aking asawa sa nasabing programa ay nakitaan siya ng magandang pagganap sa kanyang mga obligasyon, nagustuhan siya ng ahensiya kaya kinuha siya bilang empleyado nila. Taong 2015 ang siyang pagkakaroon ng trabaho ng aking asawa, maituturing kong iyon ang taon ng aming pamilya sapagkat sa parehong taon na iyon ay ang pagkaka-employ ko din bilang daycare worker o children development worker na kung saan masaya kong ginagampanan ang tungkulin ko dahil nakakatulong ako sa mga kabataan sa aming lugar.

 

Bagaman paunti-unti na nakakaraos ang aking pamilya ay hindi pa rin kami huminto ng aking aswa dahil hangad naming mapaunlad at makatawid o maiangat ang aming pamilya. Hanagrin naming mag-asawa na hindi lang kami aasa sa tulong pinansyal bagkus magkaroon pa kami ng ipon para sa kinabukasan ng aming pamilya.

 

Kaya gamit muli ang mga ipon sa cash grants ko mula sa 4Ps at maliit na ipon naming mag-asawa mula sa aming trabaho ay nagtayo kami ng sari-sari store na siyang pinagtutulungan naming palaguin kasama ang mga masisipag kong anak at hindi lang iyon, pinasok ko na rin ang online selling sa tulong ng aking asawa. Kamakailan lamang ay nagdagdag na rin ako ng frozen foods at seafood products sa mga paninda namin para mas marami kaming maihandog sa mga mamimili.

 

Sa kabila ng pagiging abala ko at ng aking asawa sa paghahanapbuhay ay hindi pa rin namin napapabayaan ang aming mga anak. Lagi kong sinisigurong hindi nagpapabaya ang aking mga anak sa kanilang pag-aaral, bilang patunay nabigyan ng parangal ang aking mga anak bilang parehong with honors.

 

Masasabi kong masalimuot man ang naging takbo ng buhay ng aking pamilya ay hindi kami nagpapaapekto dito sapagkat pinanghawakan naming ang paniniwala at pananalig naming sa panginoon. Ang sabi nga nila “pana-panahon lang ang buhay”, mararanasan natin ang hirap ngunit may panahon din na tayo ay aangat. Kung gusto natin na makamit ang ating pangarap para sa kinabukasan ng ating pamilya ay dapat magtulungan,magpursige at magsumikap tayo kasamaang ating asawa at kapamilya. Huwag po nating ituring na hadlang ang kahirapan kundi ito sana ang magsilbing inspirasyon at hamon sa atin upang mas lalo pa tayong magpursige para sa hangarin natin sa ating pamilya.

 

Sa sangay po ng Department of Social Welfare Development (DSWD) lalong-lalo na sa 4Ps, mula sa aking pamilya ay lubos kaming nagpapasalamat sa pinansyal na tulong at sa mga turo ninyo sa bawat FDS na nagsilbing gabay sa pag-unlad ng aking pamilya. Hinding-hindi ko malilimutan ang inyong napakalaking tuolng na nagbigay ng kaginhawaan sa aking pamilya. Sana marami pa kayong matutulungan na kagaya naming noon ay naghihikahos. Hangad ko ang patuloy na pagsesrbisyo ng programang 4Ps.