Salaysay ni Inay
“For I know the plans I have for you, declare the Lord, plans to prosper you and not to harm you. Plans to give you hope,” – Jeremiah 29:11
Ang mga katagang ito ang naging sandalan ko sa anumang pagsubok na naranasan naming mag-iina sa buhay. Naging gabay namin ito upang mapagtagumpayan ang mga unos na dumating, at darating pa sa aming buhay. Ako si Jasmin Llavore Sibal, 44 taong gulang, taga Brgy. San Ignacio, City of Ilagan Isabela. Ito ang kwento ng buhay ko.
Ako ay tubong Negros Occidental, ipinanganak noong Sept. 17, 1978, bunso ako sa anim na mga anak ng aking mga magulang na sina Ginoong Alfredo Llavore-isang technician at Ginang Julieta Llavore-tumatayong time keeper sa mga trabahador ng isang haciendang pagmamayari ng Pamilya Aguilar.
Malawak at maraming trabahador ang hacienda kung kayat mayroon itong sariling paaralan, na kung saan dito ko natapos ang aking Elementarya at Secondarya. Noong akoy nag aaral, katulong na ako ng aking mga magulang sa pagsisilbi sa mga Aguilar. Kapalit nito ay ang pagbibigay nila ng aking allowance sa school. Naging aktibo rin ako sa pagsali sa mga sports o anumang aktibidades na inilulunsad sa aming bayan, at diko rin talaga nakakalimutan na sumama sa aking mga magulang sa pagsimba tuwing lingo. Ako nga ay nagpatuloy sa pag aaral sa kolehiyo, kumuha ako ng kursong Bachelor of Science in Fisheries.
Habang ako ay nag aaral, ipinagpatuloy ko ang paglilingkod sa aming parokya. Isa ako sa mga katekista at nagtuturo rin ako sa mga bata sa simbahan tuwing ako ay may bakante. Dahil sa kagustuhan kong magturo sa mga bata, kumuha ako ng units ko sa Edukasyun after na noong ako ay grumaduate sa BSF. Masasabi kong hindi ko ramdam ang hirap ng buhay noon sa hacienda dahil masaya kaming buong pamilya. Lumaki ako sa pamilyang mapag alaga at mapag mahal.
Lumipas ang mga ilang buwan noong natapos ko na ang earning units ko sa edukasyon, inutusan ako ng aking mga magulang na lumuwas ng Maynila upang ihatid lamang ang aking pamangkin at pagdating ko nga sa manila pinag stay muna ako ng aking kapatid doon sa kanilang bahay upang magbantay pansamantala sa aking pamangkin. Naisip ko noon na maghanap nalang ako ng trabaho doon sa lugar nila ate ko kayat nagpatulong ako sa kanila na maghanap ng trabaho. Hanggang sa ako ay nakakuha na ng trabaho bilang isang Day Care worker doon din sa barangay na aking tinitirhan.
Hindi ko inaakala na sa barangay na yun ko matatagpuan ang magiging kabiyak ng aking puso. Dumating ang araw na nagkakilala na kami ng aking asawa, si John Ortiz Sibal. Hindi ko alam pero na love at first sight nga yata talaga ako sa kanya. Nakatira rin siya sa kanyang ate na ang bahay nila ay mismong katapat lamang ng bahay rin ng ate ko na tinitirhan namin. Isa na akong ganap na Daycare worker noon at isa rin naman siyang helper sa isang container truck. Hindi na nga naming pinatagal ang aming pag iibigan, ikinasal kami noong Mayo 2002 at tumira muna kami sa bahay ng ate ko hanggang sa kami ay nagkaroon na ng anak na babae.
Masaya naman ang aming pagsasama at nagpatuloy parin kami sa aming mga trabaho. Ngunit isang araw, habang kami ay nakabakasyun sa probinsiya ng aking asawa sa Brgy. San Ignacio, Ilagan, Isabela, nabalitaan namin na nagkaroon ng sunog sa Maynila at nasunog nga ang bahay na tinitirhan namin. Walang natira sa lahat ng gamit. Hindi ko rin alam na ang sunog nayun ang magiging simula ng mas kalbaryong pamumuhay naming mag asawa.
Nagbalik parin kami sa Maynila dahil nandun nga yung trabaho namin, pero palipat lipat na kami ng tirahan. Una, tumira kami sa Valenzuela sa mga pinsan ng aking asawa pero hindi rin kami nagtagal doon hanggang sa kami ay nabigyan ng relokasyon sa Cavite. Nagpatuloy parin ako sa aking trabaho bilang isang Daycare worker at dahil nawalan ng trabaho ang aking asawa siya naman ang tagabantay sa aming anak. Araw araw akong bumibyahe mula sa Cavite patungo sa Intramuros, nakakapagod pero tinitiis ko ang lahat ng yun para my magamit kaming pang gastos ng aking pamilya. Ngunit isang gabi nagkaroon ng holdup sa aking sinasakyan at mapalad parin ako dahil walang nasaktan sa amin ngunit sobrang katakot takot ang aking naranasan na yun. Simula nun nag desisyun nalang kami na bumalik na lamang dito sa lugar ng aking asawa kasama ng aming mga anak ng taong 2006.
Sadyang napakailap parin ng panahon sa amin, napakahirap ang buhay dito sa probinsiya. Dito ko naranasan ang mga trabahong mabibigat na hindi ko naranasan noong ako ay dalaga pa. Kinakaya ko parin dahil sa pagmamahal ko sa aking Pamilya. Hanggang sa isang araw ay tumawag ang aking pamilya sa Negros Occidental na gusto daw nilang makasama ang aking mga anak. Nagdesisyun kaming mag asawa na lumipat muna doon sa aming lugar dahil na rin sa kahirapan din ng aming buhay sa probinsiya.
Nagpadala ng pera ang aking mga magulang para sa pamasahe namin. Pagkarating namin sa Negros Occidental, nakapagbakasyon kami ngunit kinakailangan ko paring bumalik ng manila para ipagpatuloy ang aking trabaho at nakitira parin ako sa bahay ng aking ate dahil nakapagpatayo na silang muli ng bagong bahay. Naiwan naman sa Negros Occidental ang aking asawa at mga anak. Habang ako ay naghahanap buhay sa maynila ang aking asawa naman ay sumasama sa aking mga kapatid na magtrabaho sa hacienda ngunit pagkalipas ng tatlong buwan bumalik ang aking asawa sa Manila.
Nagtrabaho nga siyang muli bilang isang construction worker kasama ng kanyang mga pinsan sa bayan ng Valenzuela at ipinagpatuloy naman ng aking mga anak ang kanilang pag aaral sa aming lugar. Naging aktibo parin sa pag aaral ang aking mga anak kahit na malayo kami ng aking asawa sa kanila. Noong una masaya naman kami ng aking asawa na nagsasama pero pagkalipas ng ilang buwan my nahahalata na akong kakaiba sa kanyang kinikilos, naging matamlay na ang kanyang pakikisama sa akin, naging madalang nalang ang kanyang pagtawag at pag uwi kasabay pa ng pagiging bugnutin niya tuwing siya ay umuuwi sa aking tinitirhan.
Tuwing tinatangka ko naman na kausapin siya para tanungin kong meron ba kaming problema mas lalo siyang nagagalit sa akin kaya ipinagsawalang bahala ko nalamang ito dahil kasalukuyan kong ipinagbubuntis ang pang apat naming anak. Nagpatuloy na naging ganun ang relasyun naming mag asawa hanggang sa ipinanganak ko na ang aming pang apat noong taong 2007. Yung taon na rin na yun ang pagtiggil ko sa aking pagtuturo dahil kailangan kong alagaan ang anak ko. Usap usapan na rin noong mga panahon nayun na meron nga daw kinakasama na ibang babae ang aking asawa.
Napag desisyunan kong umalis na lamang ng maynila at umuwi nalang sa bahay ng aking byenan dito sa Isabela upang magpatulong sa aming sitwasyun ng aking asawa. Nagbakasakali ako nabaka sa pamamagitan ng paghingi ng tulong sa kanila ay maayos ang aming relasyun ngunit lumipas na ang dalawang taon pero wala paring pinagbago ang aking asawa, halos dina nagpapadala sa amin ng anak ko dito sa Isabela at sa mga anak ko na nasa Negros Occidental. Sumasama nalang ako sa mga biyenan ko nun sa mga trabahong bukid para lang may pang gastos kami ng anak ko at dahil sa sobrang hirap ng pamumuhay namin ng anak ko sa probinsiya nagpatulong ako sa aking mga magulang na umuwi na lamang sa Negros Occidental para makasama ko ang aking mga anak at sila ay maalagaan.
Sa kagustuhan kong mabuo ang aking pamilya, lumuwas na akong muli sa manila kasama ng aking bunsong anak at para makausap ng mabuti ang aking asawa. Pilit kong kinakausap ang aking asawa pero giit parin niya na walang katotohanan ang mga balitang aking natatanggap. Ginawa ko parin ang lahat para maayos ang relasyun naming mag asawa ngunit patuloy parin siya sa maling gawain. Pilit kong tinatanggap ang lahat at hindi sinasabi sa aking mga anak dahil ayaw kong magkaroon ng sama ng loob ang aking mga anak sa kanilang ama.
Isang gabi habang hinihintay namin ng aking anak na bunso ang kanyang papa sa labas ng aming tinitirhan my biglang barilan na nangyari sa aming harap at kitang kita yun mismo ng aking anak. Sa kabutihang palad wala namang nasaktan sa amin ng anak ko. Ngunit kasabay ng baril nayun ang bigla kong pagkagulantang sa sarili at nasabi kong hindi ganito ang pamilya na pinangarap ko at gusto ko. Hindi ang ganitong klaseng pamilya ang dapat na makagisnan ng mga anak ko. Naisip kong muli na umuwi na lamang kami sa kanilang probinsiya at muling magpatulong sa kanyang mga magulang. Dahil sa hindi naman na nagpapadala na sa amin ang aking asawa, dito ko muling nasubukan ang mga trabahong magtanim ng mais, magpitas ng mais at yung tinatawag nilang kasuco o pag tatabas ng mga tubo.
Dahil meron naman akong natapos nagpatulong ako sa aming Barangay Captain kung meron ba akong pwedeng pag aplayan na maayos na trabaho. At sinabi naman ng aming Punong Barangay na subukan kong mag apply sa LGU ng Ilagan. Sa kabutihang palad ako naman ay natanggap bilang isang Day Care worker noong taong 2013. Noong taon rin nayun nung nalaman namin na ang aming pamilya ay nakasali na rin sa Pantawid Pamilya Pilipino Program. Sinikap kong maiuwi ang aking mga anak dito sa probinsiya ng aking asawa dahil naisip kong muli na baka sakaling magbago ang isip ng aking asawa at muling mabuo ang aming pamilya.
Noong mga panahong yun ay itinago ko parin sa aking mga anak ang problema namin na mag asawa. Pinagtakpan ko siya sa kadahilanang ayaw kong mawala ang respeto nila sa kanya. Naiuwi ko na nga ang aking mga anak dito sa San Ignacio at pinagpatuloy nila ang kanilang pag aaral. Isang araw umuwi ang aking asawa at nagbalik sa amin. Sinabi niya sa akin na hiniwalayan na daw niya ang kanyang babae. Sobrang saya ko nung mga panahong yun dahil sabi ko sa sarili ko na sa wakas magiging maayos na rin ang aming pamilya.
Kitang kita sa mga mata ng aking mga anak ang kanilang tuwa na kami ay magkakasama na. Namasukan ang aking asawa bilang laborer sa bukid at kung anong meron na pwedeng pagtrabahuan. Subalit mailap parin ang panahon dahil limitado lamang ang pwedeng pasukan sa probinsiya. Nagdesisyun ulit ang aking asawa na bumalik sa maynila upang magtrabahong muli. Hindi ako pumayag noon dahil nag aalinlangan ako na baka mangyaring muli ang kanyang pangbabae. Kaya lang wala na akong nagawa dahil pinagpilitan na niya ito at parati niya akong inaaway tuwing hindi ako pumapayag.
Kagaya parin nung dati sa mga unang buwan maayos ang kanyang pagpapadala halos weekly at madalas parin ang aming pag uusap, hanggang sa lumipas lang na naman ang mga ilang buwan ay nagsimula na naman ang madalang niyang pagtawag pati na rin ang kanyang pagpapadala. Ang rason niya noon ay may natatanggap naman daw ang aming pamilya sa pantawid program kaya okey lang kahit dina daw siya magpadala. Bumalik na naman yung mga ala ala ko sa nakaraan at muli na naman akong nagduda sa asawa ko na baka nagkabalikan na naman sila ng kanyang kinakasama. At hindi nga ako nagkamali.
Sinabi ko na sa mga anak ko ang sitwasyun naming yun, nagkaroon ng galit sa puso ang mga anak ko sa kanilang ama, pero patuloy ko parin na pinapaliwanag sa kanila na anuman ang mangyari papa parin nila at kailangan parin nila itong respetuhin. Kahit kasali na kami sa programa noon ay sobra parin ang kahirapan ng buhay namin dahil wala ngang suporta galling sa aking asawa at halos tatlong beses pa kami na palipat lipat ng bahay dahil wala naman kaming sariling bahay. Nakikitira lamang kami sa kung kani kanino. Nagrebelde ang anak kong lalake, hindi na siya pumapasok sa kanyang school, hindi ko pa yun malalaman kung hindi ako ipinatawag ng kanyang guro.
Tinutukan ko ang pag-aaral ng lalake kong anak, hinahatid at sinusundo ko siya sa kanilang eskwelahan upang subaybayan na siya ay talagang nag aaral. Gusto na ng anak ko noon na tumigil nalang sa kanyang pag aaral para tulungan daw akong magtrabaho at para magkapera kami ngunit hindi ako pumayag.
Nagpatuloy sa pag aaral ang aking anak na lalake. Pero dahil sa kahirapan nga, nasubukan rin ng aking mga anak ang magtrabaho sa mga gawaing bukid. Tinutulungan nila ako para magkaroon kami ng kaunting allowance. Maraming naitulong ang pag aatend ko ng Family Development Session dahil isa yun sa mga naging gabay ko kung paano ko itaguyod ng mabuti ang aking mga anak lalo na sa pagdidisiplina sa kanila at pag ba budget ng konti kong kita at natatanggap namin sa pantawid program.
Lagi kong sinasabi sa aking mga anak na ang pag aaral nila ng mabuti ang tangi kong maibibigay na lamang na regalo sa kanila. Na dapat silang mag aral ng mabuti para magkaroon sila ng maayos na kinabukasan. Kung ano man ang nagawa ng kanilang ama ay kanila ng patawarin dahil ama parin nila ito. Natuto rin ang mga anak ko sa mga gawaing bahay, sila ay may kanya kanyang gawain. Pero madalas nagtutulungan parin. Kahit ang lalake kong anak ay marunong rin maglaba, magluto at maglinis sa loob ng bahay.
Ang aking mga anak ay unti unti rin nilang natanggal ang sakit sa kanilang puso, kinakausap parin nila ang kanilang ama tuwing my panahon na tumatawag ito. Hindi man madalas kayat namimis parin nila ang kanilang ama. Ginawang inspirasyun ng aking mga anak ang aming sitwasyun, lahat sila ay naging aktibo sa kanilang pag aaral, sumasali sa mga kompetisyun mapa skwelahan, barangay at sumasali rin sa mga aktibidades ng aming simbahan. Ang panganay kong anak ay marami na rin siyang nasalihan na mga sports competition. Ito ang kanyang paraan upang malibang ang sarili.
Ako naman kahit ganun ang sitwasyun namin ng aking asawa ipinagpatuloy ko parin ang pagtataguyod sa aking pamilya. Hindi ako sumuko bagkus nagpapakatatag pa ako para malampasan ang mga pait ng nakaraan. Pagmamahal at pagpapatawad ang naging puhunan ko para makayanan ang lahat at ito rin ang ipinaramdam ko sa aking mga anak para mangibabaw rin ito sa kanilang puso at matanggap at maintindihan ng buong buo ang pamilyang meron kami.
Dito naman sa 4Ps, naging aktibo akong Parent Leader sa aming barangay pati na rin sa Parent-Teacher Association sa eskwelahan. Di nagtagal, ako ay natanggap bilang isang empleyado na Job Order ng Agriculture Office sa lungsod ng Ilagan. Sa pamamagitan ng trabahong ito, nabigyan ako ng kaalaman at kasanayan sa agrikultura na nagagamit ko rin sa pansariling pagpapa-unlad. Laking pasasalamat ko sa panginoon dahil kahit hindi ako tubong Isabelino ay marami paring tulong ang natanggap ng aming pamilya mula sa barangay, sa local na pamahalaan at lalong lalo na sa programa ng Pantawid Pamilyang Pilipino Program ng DSWD. Hanggang ngayun isa parin sa nagiging sandalan ko ang programang ito.
Ang barangay captain naman namin ay nagbigay ng libreng lote para sa pagpapatayuan namin ng aming sariling bahay. Ito ang kanyang sukli sa mga serbisyo na naitutulong ko sa aming barangay. Lumago rin ang aking maliit na negosyo dahil sa tulong ng Sustainable Livelihood Program (SLP) ng DSWD at Bureau of Fisheries and Aquatic Resources sa pandagdag puhunan. Nasa kolehiyo na ang aking panganay na anak at lahat sila ay patuloy parin na pinagbubuti ang kanilang pag aaral. Nakapag simula na rin kami ng kaunti sa pagpapatayo ng sarili naming bahay. Ang aking asawa naman ay nagpapadala na rin paminsan minsan para sa aming mga anak. Masasabi ko na unti unti ay nakakamit ko na ang tagumpay at pag-unlad na aking inaasam.
Sa Mata ng Batang 4Ps
“Papa hindi pa ba kami Sapat?, hindi mona ba kami mahal?, wala na ba kaming puwang sa puso mo?” ito ang mga katagang paulit ulit na sinasambit ng aking umiiyak na puso noong nalaman kong mayroong na palang ibang pamilya ang aking ama.
Musmos pa lamang kami ng aking mga kapatid ay hindi na namin nakakasama ang aming mga magulang sapagkat sila ay naghahanapbuhay sa Maynila samantalang kami naman ay iniwan sa pangangalaga ng aming lolo at lola sa Negros Occidental. Sa bawat araw na lumilipas ay ramdam ko ang sabik na sabik sila ay makita at mayakap.
Syempre dahil bata pa ako noon hindi ko pa lubos na maintindihan kung bakit kailangan naming mawalay pansamantala sa subalit gayunpaman, kami ay nagsusumikap sa aming pag-aaral upang masuklian naming magkakapatid yung sakripisyo nila mama at papa sa pamamagitan ng pag aaral namin ng mabuti.
Ngunit hindi mo pa rin talaga maiaalis yung kalungkutan na nadadarama namin dahil sa pangungulila namin sa aming mga magulang. Lagi kong pinapangarap na sana magkakasama na kami at mabuo na kami. Halos ilang pasko at bagong taon na hindi namin sila kasama. Sobrang lungkot at nakakalungkot talaga ang mga panahong iyon. Mapapaluha nalang ako habang pinagmamasdan ung mga kapitbahay namin na buo at masaya sila.
Bilang isang panganay nilalaan ko nalang yung pagkamiss ko sa aking mga magulang sa pag aalaga sa aking mga kapatid. Lumipas nga ang halos anim na taon na aming pamamalagi sa Negros Occidental, dumating na ang araw na aking pinakahihintay, sinalubong akong nakangiti ng aking tita, natatandaan ko pa noon ang mga katagang lumabas sa kaniyag mga labi, “anak magbihis na kayo, ihahatid ko na kayo kila mama at papa niyo makakasama niyo na sila.”
Sa mga oras na iyon ay hindi ko maipaliwanag ang saya na aking naramdaman. Noong pagsakay ko pa nga lang ng barko patungong Maynila ay parang gusto ko nang umandar kaagad kahit hindi pa puno upang mas mabilis kaming makarating sa aming destinasyon. Habang padaong na ang aming barko, mabilis akong nagligpit at nag ayos kasi gusto ko maging kaaya aya akong haharap kila mama at papa at ayun nga paglabas namin at nung nakita na namin sila mama at papa sobra kaming yumakap sa kanila.
Akala ko noon mabubuo nan g tuluyan ang aming pamilya, subalit hindi pala iyon mangyayari. Umuwi kami sa probinsiya ng aking papa dito sa Brgy. San Ignacio, City of Ilagan Isabela kaso kami lang nila mama at ang aking mga kapatid, hindi namin kasama si papa. Ipinaliwanag sa amin ni mama na dahil nga nandun sa Manila ang trabaho ni papa kaya kailangan niyang maiwan doon.
Pagdating namin sa San Ignacio kinupkup muna kami ng aming lolo at lola (mga magulang ni papa). Hindi rin ganun kasagana ang pamumuhay ng aming lolo at lola kaya si mama kahit anong uri na ng marangal na trabaho noon na pwede ay kanyang pinapasukan. Magtanim ng mais, Magpitas, mag kasuko (ito po yung sa tanim na tubo) maglabandera at iba pa. Naririnig ko rin kay mama na hindi ganun kasapat ung padala ni papa para sa aming gastusin kaya naman bilang isang panganay gusto ko ring tumulong sa aking mga magulang.
Sumama ako kina mama sa pagtatanim o kaya naman sa panahon ng pagpipitas ng mais. Kahit ayaw pumayag ni mama pinipilit ko paring sumama kaya wala ring nagagawa si mama sa hindi niya pagpayag. Dito namin naranasan ang mas higit na mahirap na pamumuhay. Dito kami namulat sa katotohanang kailangan mong magbanat ng buto kung gusto mong may makakain sa araw araw. Ganun pa man ang hirap ng buhay, masaya parin sa pakiramdam na nakakatulong ako ng konti sa aking mga magulang kahit sa maliit na paraan.
. Palipat lipat kami ng tirahan kasi wala naman sariling bahay at lupa sila mama at papa. Si mama ang kawawa na umaasikaso sa amin.Kung kani kanino kami nakikitira, pero ganun pa man nagpatuloy parin kami sa aming pamumuhay, nag aaral kaming mabuti, tumulong kay mama sa mga gawaing bahay at kung my pagkakataon sumasama kami sa gawaing bukid.
Nagpatuloy ang aming pamumuhay na hindi parin kasama si papa. Kahit naman papaano naitataguyod naman kami ni mama lalo na sa aming pag aaral. Hanggang sa napasali pala ang aming pamilya bilang isang Pantawid Pamilya Pilipino Program beneficiary
Isang araw nakita ko si mama na may kausap sa kanyang cellphone, galit at umiiyak. Napansin kong madalas na siyang umiiyak ngunit wala lang akong lakas ng loob para tanungin siya. Minabuti ko pa ring alamin ang dahilan ng kanyang pag-iyak at nanlumo ako sa kaniyang sinabi, “Mayroong ibang babae na kinakasama ang iyong papa.” Doon lamang unti-unti kong pinagtagpi-tagpi ang mga pangyayari sa aming buhay, ang pagkahiwa-hiwalay naming mag-anak, ang madalang na pagdalaw ng aming papa at higit na ang paghihirap ng loob ng aking mama.
Napakaraming kong katanungan kay papa ngunit hindi niya ito masasagot. Nangibabaw ang aking pagkadismaya at poot sa kanya ng ilang taon, maging ang ilan kong mga kapatid ngunit hanggang sa huli ay si mama pa rin ang nagpa-intindi sa amin ng kanyang kalagayan at ang kahalagahan ng pagpapatawad sa kanya.
Sa kauna-unahang pagkakataon, namulat ako sa katatagan ni mama at kalaki ng kanyang pusong nagmamahal. Marahil ay malaki ang naitulong ng mga Family Development Sessions sa kanya at suporta ng kanyang kapwa 4Ps na parent leader kung kaya nagkaroon ng panibagong lakas at kumpiyansa si mama upang harapin ang mga pagsubok na ito. Ang aking paghanga sa kanya ay pumukaw ng panibagong determinasyon sa akin upang ipagpatuloy ko ang aking pag-aaral upang balang araw ay katuwang niya ako sa pagpapa-unlad ng aming pamilya.
Bilang kapalit sa sakripisyo at pagmamahal ni mama sa amin ay nag aral kami ng mabuti, sumasali sa mga iba’t-ibang paligsahan at isports sa school. Sa katunayan ay, marami rin akong mga awards na natanggap academics man or extra-curricular activities. My konting kita rin ako tuwing ako ay nanalo sa mga sports na sinasalihan ko, at yung konting kita nayun ay ibinibigay ko sa aking mama bilang tulong sa mga gastusin namin sa bahay. Ganun din ang aking mga kapatid, hindi man kami ganun katalino pero alam namin na proud na proud sa amin si mama sa amin. Ginamit naming sandata o inspirasyun ang dagok na dumating sa buhay namin.
Madalas nangangarap ako na baka sakaling umuwi si papa dahil proud na proud siya sa akin at silang dalawa ni mama ang magsasabit ng aking medalya. Nakakaingit kasing makita ung iba kong classmate na kumpleto sila tuwing dumadating ung graduation ceremony, meron yung mama at papa nila na sobrang saya nila. Pero dahil nasaksihan naman namin kung gaano kabuti ang aming mama, nangako ako sa sarili ko na balang araw masusuklian ko rin ung paghihirap at sakripisyo niya sa amin. Kung ang pangarap ko noon ay magkaroon ng isang masaya at buo na pamilya, ngayun naman ang aking pangarap ay magkaroon ng maayos at magandang kinabukasan para sa aking mama.
Balang araw ako naman ang mag aalaga sa kanya at mapagaan na ang paghihirap na kanyang dinadala. Nagbabakasakali parin kami na balang araw ay babalik siya sa amin at pagsisihan yung ginawa niya sa amin. Masakit man po ang kanyang ginawa pero alam namin na napatawad na namin siya at handa kaming tanggapin siya ng buong buo kung dumating man yung time na babalik siya sa amin. Ganito kami inalagan at pinalaki ni mama. Siguro kaya ganito nalang kami magmahal ay dahil hindi nagkulang si mama sa pagpaparamdam ng kanyang pagmamahal.
Ako si Janine L. Sibal, 18 years old, panganay na anak nila Jhon O. Sibal at Jasmine L. Sibal, at ito po ang kwento ng mapait namin na karanasan sa buhay, pait na balang araw ay mapapalitan ng tamis ng tagumpay!