Tuguegarao City – Tatlong pamilya mula sa Lambak ng Cagayan ang lumahok sa ginanap na Pambansang Linggo ng Pamilyang Pilipino para sa Pantawid Pamilyang Pilipino Program (4Ps) ng Department of Social Welfare and Development (DSWD) noong Setyembre 30, 2021.

 

Ang selebrasyon na may temang “Pamilyang 4Ps: Abot-kamay ang Pangarap, Basta’t Sama-sama” ay dinaluhan ng mga piling 4Ps na pamilya mula sa iba’t-ibang sulok ng bansa sa pamamagitan ng Zoom Meeting at Facebook Livestreaming sa opisyal na Facebook account ng ahensiya.

 

Ang pamilya Atal mula sa Enrile and naging kinatawan ng probinsiya ng Cagayan, pamilya Sibal mula sa City of Ilagan ang kinatawan ng Isabela samantalang ang pamilya Discaya mula sa Dupax Del Norte naman ang naging kinatawan ng probinsiya ng Nueva Vizcaya sa virtual event na ginanap sa Quezon City.

 

Ayon sa kalihim ng ahensiya na si Secretary Rolando Joselito Bautista, “Ang selebrasyong ito ay naglalayong dagdagan ang kamalayan ng publiko sa iba’t-ibang mga isyu patungkol sa pamilya upang mas mahusay na maisakatuparan ang mga programa para sa pagpapatibay ng pundasyon ng bawat pamilya at mas palakasin ang ugnayan ng ating lokal at pambansang pamahalaan at ng iba’t-ibang organisasyon katuwang sa pagpapabuti ng kalagayan ng pamilyang Pilipino.”

 

Nagkaroon ng iba’t-ibang palaro para sa pamilya na dumalo sa gawaing ito na dinaluhan din ng ilang kilalang pagkatao sa showbiz. Naging makabuluhan ang talk show segment kung saan tatlong pamilya mula sa National Capital Region (NCR) at Central Visayas ang nagbahagi ng kanilang kwento bilang pamilyang 4Ps.

 

Samantala, ang pamilya Atal naman ay nagkaroon ng mahalagang papel sa pagtatapos ng programa bilang isa isa tatlong pamilya na naging patnugot sa pagbasa ng Panunumpa ng Pamilyang 4Ps. Ito ay panunumpa ng pamilyang 4Ps na magpapatuloy sa pagsunod ng mga kondisyon ng programa at magiging katuwang ng programa sa pagpapalaganap  ng magandang hangarin ng programa sa publiko.

“Napakahirap ng buhay namin noon, wala kaming matatawag na sariling tahanan, nahihirapan kami sa pang-araw araw naming makakain at umabot kami sa puntong patitigilin na sana namin ang aming anak sa pag-aaral, ngunit sabi nila, kahit kanin na lang daw ang baunin nila araw-araw ay matitiis nila ito, basta lamang sila ay makapag-aral,” kwento ni Julie Atal tungkol sa kanilang naging karanasan bago napabilang sa programa. “Mabuti na lamang at may mga programa ang pamahalaan na tumutulong sa aming mahihirap. Nagpapasalamat ako sa oportunidad na mapabilang dito, lalung lalo na ang programa ng 4Ps.” Dagdag pa niya.

 

Ang national family week ay idinadaos tuwing ika-huling linggo ng Setyembre ayon sa Presidential Proclamation 60 na ipinalabas noong September 28, 1992 sa ilalim ng administrasyon ni Fidel V. Ramos.