Tuguegarao City – Umabot sa 14,579 na benepisyaryo ng Pantawid Pamilyang Pilipino Program (4Ps) mula sa apat na probinsiya ng lambak ng Cagayan ang tumanggap ng Covid-19 na bakuna sa ginanap na National Vaccination Day mula November 29 hanggang December 1, 2021.

 

Mula sa datos ng Department of Social Welfare and Development Field Office 02 (DSWD FO2), 10,550 sa mga ito ay mula sa adult population o nagkakaedad 18 na taon pataas samantalang 4,029 naman ay mula sa pediatric population o nagkakaedad 12 hanggang 17 na taon. Ang probinsya ng Cagayan ang nakapagtala ng pinakamataas na nabakunahan sa bilang na 5,984; pumapangalawa ang probinsiya ng Isabeka sa bilang na 3,628; at sumusunod ang Nueva Vizacaya sa bilang na 2,862 samantalang 2,105 naman sa probinsiya ng Quirino.

 

“Ang mga numerong ito ang nagpapatunay na naging matagumpay ang ahensiya sa pag-adbokasiya ng bakuna para sa mga 4Ps,” paliwanag ni Regional Director Cezario Joel C. Espejo sa kanyang pagbisita sa iba’t-ibang vaccination sites sa lungsod ng Tuguegarao. “Base sa isinagawang survey ng DSWD Central Office mula Marso hanggang Agosto, tumaas ng 20% ang kumpiyansa ng mga 4Ps sa bakuna simula nang ito ay ibukas sa publiko kung kaya’t inaasahan pa nating mas dadami ang makakapagpabakuna bago matapos ang taong ito,” dagdag pa ni Espejo.

 

Nagpasalamat naman ang Regional Director ng Department of Health (DOH) na si Dr. Rio Magpantay sa suporta ng lahat ng ahensiya ng gobyerno upang maisakatuparan ang tatlong espesyal na araw ng pagpapabakuna. Sa kanyang mesahe, inihayag ni Magpantay na ang lahat ay may tungkulin upang maisalba ang bawat isa sa kapahamakan sa pamamagitan ng pagpapbakuna.

 

“Birthday gift ko sa sarili ko ang magpabakuna at maging protektado,” inilahad ni Judilyn Urcia, isa sa mga monitored children ng programa mula sa Amulung, Cagayan na nagdiwang ng kaniyang ika-18 taong kaarawan noong Nobyembre 29. “Bilang isang opisyal sa paaralan at huwarang mag-aaral, dapat lamang na magsimula sa amin ang paghikayat sa mas nakababatang mag-aaral upang hindi sila matakot. Gusto nating bumalik na ang lahat sa normal at mangyayari lamang ito kung gagawin natin ang ating parte, magpabakuna po tayo,” dagdag pa niya.

Hindi rin nag-atubiling dumalo ang mag-inang sina Anita at Vimar ng Tuguegarao City sa pediatric vaccination site ng SM Tuguegarao City Downtown upang makuha ni Vimar ang kanyang unang dose. Para sa 17-taong gulang na si Vimar, “Hindi lang ako ang protektado kapag ako ay nabakunahan, pati rin ang pamilya ko at mga kaibigan kong nakakasalamuha ko araw-araw. Sa lahat ng kapya ko kabataan, inaanyayahan ko kayo, tara, resbakuna!”

 

Ang pagpapabakuna ng mga benepisyaryo ng 4Ps ay isinasagawa sa pamamagitan ng pakikipagtulungan ng DSWD sa DOH at mga Lokal na Pamahalaan ng bawat munisipyo.