Ito ang palaging tugon ng mag-asawang Godofredo at Rosemarie sa kanilang mga anak. Sa murang edad ay minulat na nila ang mga bata na ang edukasyon ang katangi–tanging paraan na mag-aahon sa kanila mula sa kahirapan. Hindi madali para sa mag-asawa na itaguyod ang pag-aaral ng apat nilang anak, lalo na at na sunod-sunod silang pumasok sa eskwela. Hindi maipagkakaila na hirap ang pamilya sa limitadong kita mula sa pagsasaka, at pilit lang itong pinagkakasya sa pagitan ng pangangailangan sa eskwela at pang araw-araw na gastusin sa bahay.
Upang madagdagan ang kita ng pamilya, nagsimulang maglingkod bilang helpers ang mag-asawa sa barangay sa mga panahong tapos na ang trabaho nila sa bukid. Ngunit nagkukulang pa rin ang kanilang kinikita, kung kaya hindi maiwasang sila ay mangutang ng pera.
Utang doon at utang dito. Hindi kailanman inisip ng mag-asawa ang hiya, dahil hindi mapapa-aral o mapapakain ng hiya ang mga anak nila. Dahil dito, nakita ng mga anak nila kung gaano sila magpursigi na siyang nag udyok at lalo pang nagtulak sa kanilang mga anak na pagbutihin ang pag-aaral upang hindi masayang ang sakripisyo, pawis at pagod ng kanilang mga magulang.
Hindi naging bulag ang kanilang mga anak sa kinakaharap na suliranin ng pamilya kaya hindi sila dumagdag sa pasanin ng kanilang mga magulang, at kinailangan din nilang magsipag at dumiskarte upang matustusan ang iba nilang pangangailangan sa eskwelahan.
Aminado silang may kaunting inggit sa kanilang puso sa tuwing nakikita nila ang mga batang nakakabili ng mga pagkain at materyal na bagay na hindi pa nila kayang bilhin. Gayunpaman, ginagamit nila ang nararamdaman nilang inggit bilang inspirasyon at motibasyon na kung pagbubutihin nila ang pag-aaral ay mararanasan din nila ang pakiramdam na mabili ang ang mga nais para sa sarili at sa pamilya.
Si Jaysie at Jeric naman, pangatlo at pang-apat na anak, ang naiwan para tumulong sa kanilang magulang sa gawaing bukid. Sila’y kumukuha at tumatanggap noon ng trabahong pambukid para dagdag sa gastusin at sa kanilang allowance. Pilit din nilang pinagkakasya ang dalawampung pisong allowance kada pagpasok sa eskwela. Ang kinse pesos ay nilalaan sa pamasahe habang ang singko pesos na natira ay pambili ng ulam para sa pananghalian. At upang makadiskarte naman sa mga bayarin naman sa eskwelahan, nilalakad nila ang ilang kilometro patungo at pabalik galing sa eskwelahan at ang perang nakalaan para sa pamasahe ay pinambabayad sa mga projects.
Paglipas ng ilang taon, nakapagtapos na sa pag- aaral si Jake sa kolehiyo sa kursong BS Criminology at hindi naging madali sa kanya ang pumasa sa board exam sapagka’t pinagsasabay niya ang pagtatrabaho bilang Security Guard sa Manila at pag self –review. Samantalang si Juvie naman ay nagdire-diretso ang swerte nang makapasa sa Licensure Examination for Teachers (LET) nakakuha ng trabaho bilang Teacher I. At dahil sa tinamasa nyang tagumpay, si Juvie na ang tumayong breadwinner ng pamilya.
Ngunit sa kabila ng swerte ay nakaranas ang pamilya ng isang malaking dagok. Sa kasamaang palad ay na-istroke ang kanilang ama at dahil dito, nagbagong muli ang plano ng pamilya. Napilitang huminto sa pag aaral sa kolehiyo si Jaycie at pinili nitong magtrabaho bilang security guard sa Maynila upang makatulong ito na ipagpatuloy ang pag aaral ni Jeric.
Talaga namang pinagpapala ng Diyos ang pamilya Curibang sapagkat sila ay napabilang sa programang Pantawid Pamilyang Pilipino Program (4P’s) na nagbigay pag-asa sa tulad nilang kapos sa pera, pero desidido at pursigidong maiangat ang buhay sa pamamagitan ng pormal na edukasyon.
At nitong Pebrero lamang, matapos ang halos siyam na taong pagiging benepisyaryo ng programa, boluntaryo nang aalis sa programa ang pamilya nila Rosemarie pagkatapos masuri na nakamit na nila ang self-sufficient na antas ng pamumuhay.
Kung meron mang tanging sandata ang magkakapatid na ito kung bakit nila natamo ang kanilang mga ambisyon sa buhay na maging ganap na pulis at guro, ito ay ang kanilang pananalig sa Diyos at suporta ng kanilang mga magulang. Hindi nila ikinahiya ang estado ng kanilang buhay, bagkus nagtulungan at lubos na sinuportahan nila ang isa’t isa. Tunay ngang walang mahirap sa mga taong nagtutulungan at puspusang nananalig sa Diyos.
Isa ang pamilya Curibang sa patunay na ang tulong na natatanggap galing sa gobyerno ay dapat sinasamahan ng pangarap, sipag, pagpupursigi at dedikasyon para makawala sa kahirapan. Ang Pantawid Pamilyang Pilipino Program ay isang hakbang para sa pagpapabuti ng kalagayang pantao ng ating mga kababayan sa pamamagitan ng social assistance at social development. Base sa pinakabagong datos, nasa 107,523 pamilya mula sa rehiyon ng Lambak ng Cagayan ang nakakatanggap ng tulong pinansyal at nabibigyang prayoridad sa iba’t ibang programa ng gobyerno sa tulong ng 4Ps.