STA. MARIA, Isabela – Nagsagawa ng Cash Card Distribution ang Department of Social Welfare and Development Field Office 02 (DSWD FO2) sa mga benepisyaryo ng Unconditional Cash Transfer (UCT) – Social Pension Program sa probinsya ng Isabela noong Hulyo 9, 2022.
Pinangunahan ng National Household Targeting Section (NHTS) ang nasabing distribusyon sa humigit kumulang 1,400 na indigent senior citizens mula sa bayan ng Sta. Maria, Isabela.
Nagkakahalagang 3,600 pesos ang natanggap ng mga benepisyaryo ng nasabing programa.
Ang UCT ay ang pinakamalaking tax reform mitigation program sa ilalim ng Tax Reform for Acceleration and Inclusion (TRAIN) Law. Nilalayon nitong magbigay ng mga cash grants sa mahihirap na sambahayan at indibidwal na maaaring hindi makinabang mula sa mas mababang antas ng buwis sa kita ngunit maaaring maapektuhan ng pagtaas ng mga presyo ng bilihin.
Panayam ni DSWD FO2 Regional Director Cezario Joel Espejo, “Sa pamamaraan na ito, sana ay matugunan ang inyong mga pangangailangan tulad ng pagkain, at lalong lalo na mga gamot.” Giit pa niya, “Ilaan niyo ito para sa inyong mga pangangailangan at ingatan niyo rin itong Cash Card na binigay sainyo dahil ito na ang bagong pamamaraan sa pagtanggap natin ng ayuda.”
Patuloy pa rin ang pagsagawa ng Cash Card Distribution sa ilang mga bayan sa probinsya ng Isabela. Katuwang din ng ahensya ang Land Bank of the Philippines at Lokal na Pamahalaan ng Sta. Maria sa isinagawang Cash Card Distribution.