ISABELA Province – Bitbit ang kanilang tungkod at saklay, nagpunta ang mga Indigent Senior Citizens sa isinagawang cash card distribution ng Department of Social Welfare and Developmet Field Office 02 (DSWD FO2) sa mga bayan ng Ramon at Cordon noong ika-30 ng Hulyo 2022.
Pinangunahan ni Regional Director Cezario Joel Espejo ang nasabing distribusyon na parte ng implementasyon ng Unconditional Cash Transfer (UCT) program, na may layuning magbigay ng mga cash grants sa mahihirap na sambahayan at indibidwal, na maaaring hindi makinabang mula sa mas mababang antas ng buwis sa kita ngunit maaaring maapektuhan ng pagtaas ng mga presyo.
Sa kanyang talumpati, sinabi ni Espejo na “alam nating malaki ang kontribusyon ng pandemya sa paghihirap ng buhay natin. Ngunit ang gobyerno ay andito upang iabot sainyo ang madalian at agarang tulong upang umangat ang inyong mga buhay.”
Dagdag pa niya, “hayaan niyo kaming magpatuloy sa aming mandato na tulungan kayo, lalo na ang mga senior citizens na lubos na nangangailangan ng mga serbisyo at programa ng kagawaran namin.”
Nasa 1,862 na benepisyaryo mula sa bayan ng Ramon at 3,031 sa bayan ng Cordon ang nakatanggap ng kanilang cash cards na naglalaman ng P 4,600.
Laking pasalamat ng mag-amang Buyayo at David Aliguyon, 100 at 60 taong gulang, dahil sa natanggap na tulong mula sa ahensya. Ani ni David, ang kaniyang ama pa raw ang nagpumilit na pumunta sa Ramon Gymnasium upang matanggap ang ayudang nakalaan para sa kanya.
“Nakakatulong itong ayuda na sa pagbili ng mga gamot at maintenance niya. Syempre, matanda na si tatay kaya dumami na rin ang kaniyang sakit pero sana ay mabuhay pa siya ng matagal. Sana patuloy din ang DSWD sa pagbibigay ng tulong sa amin, kasi ang laking bagay nito upang masustentuhan ang panggamot ni tatay,” daddag pa nya.
Katuwang din ng ahensya ang Land Bank of the Philippines Santiago at Lokal na Pamahalaan ng Ramon at Cordon Isabela sa nasabing distribusyon.
Bagama’t naantala ang pagsasagawa ng cash card distribusyon dahil sa pandemya, tinitiyak pa rin ng DSWD FO2 na matatanggap ng mga benepisyaryo ang nasabing tulong pinansyal ngayong taon.