PEÑABLANCA, Cagayan – Hindi alintana sa mga kawani ng Department of Social Welfare and Development Field Office 02 (DSWD FO2) ang mahigit pitong oras na byahe sakay ng lampitaw papunta sa Baguio Point, Peñablanca, Cagayan, upang mamahagi ng cash cards sa mga benepisyaryo ng Unconditional Cash Transfer (UCT) Program – Social Pension noong Hulyo 27, 2022.
Sa pakikipagtulungan ng Land Bank of the Philippines at local na pamahalaan, 13 na indigent senior citizens mula sa nasabing barangay ang nakatanggap ng kanilang mga cash cards na naglalaman ng P 3,600 na ayuda.
Laking pasalamat ni Kikoy Vicente, 69 taong gulang, nung siya ay nakatanggap ng nasabing ayuda. Aniya, naglakbay pa raw ito ng higit dalawang oras mula sa kanilang bahay patungo sa sentro ng Baguio Point upang makuha ang kaniyang cash card.
“Ako ay naluluha sa tuwa dahil may kahihinatnan ang aking pagod. Hindi bale ang dalawang oras na paglalakad dahil malaking tulong itong ayuda sa pagbili ko ng mga pagkain at inumin,” dagdag ni Vicente.
Layunin ng UCT na magbigay ng mga cash grants sa mahihirap na sambahayan at indibidwal na maaaring hindi makinabang mula sa mas mababang antas ng buwis sa kita ngunit maaaring maapektuhan ng pagtaas ng mga presyo.
Maaalala na ang implementasyon ng UCT ay mula 2019 hanggang 2021 lamang. Ngunit dahil sa pagkaantala ng paggawa ng cash cards, ngayong 2022 pa lamang makukuha ng mga benepisyaryo ang nasabing ayuda.
Subalit, tinitiyak ng ahensya na matatanggap ng mga benepisyaryo, saan mang sulok ng rehiyon, ang nasabing tulong pinansyal ngayong taon.