ROXAS, Isabela – “Alam kong napaka-emosyonal ng araw na ito. Kahit kami ay nahihirapan sa pagsunod sa tungkulin ng gobyerno dahil meron kayo na maapektuhan. Pero hindi kami basta-basta mang-iiwan. Kami ay maghahatid ng tulong para sainyo.”
Ito ang pahayag ni Hon. Jonathan Jose C. Calderon, alkalde sa bayan ng Roxas, Isabela, sa isinagawang Assistance for Individuals in Crisis Situations (AICS) payout noong ika-28 ng Pebrero 2023.
Nagsilbing tulay ang Kagawaran ng Kagalingan at Pagpapaunlad Panlipunan Rehiyon Dos (DSWD FO2) sa paghahatid ng tulong sa dalawampu’t tatlong pamilyang apektado sa isinasagawang pagtatayo ng tulay sa nasabing bayan.
Taong 2018 nang nasira ng pagbaha, dulot ng bagyong Rosita, ang nasabing tulay. Ang pagtatayo naman nito ay sinimulan noong 2019, kung saan nagkaroon ng pagpapalawak ng daan. Sa kasamaang palad, hindi mapigilang masakop ang mga bahay ng mga benepisyaryo dahil ito ay nakatayo sa “Road Right-of-Way” ng gobyerno.
Bilang pagtulong sa mga apektado, namahagi ang ahensya ng P10,000 sa bawat pamilya. Namigay rin ang lokal na pamahalaan ng Roxas ng P5,000, at gayundin ang Advance Foundation Construction System Corporation.
Namahagi rin ng tulong legal ang Kagawaran ng mga Pagawain at Lansangang Bayan Rehiyon Dos (DPWH RO2) para sa mga apektadong pamilya.
“Walang ibang permanente sa ating buhay kundi ang pagbabago. Pero sa gitna ng mga pagbabagong ito, hindi kayo pab
abayaan ng gobyerno, lalong lalo na ang DSWD”, pahayag ni DSWD FO2 Regional Director
Lucia Suyu-Alan. Pinaalalahan din ni Dir. Alan na bukas ang ahensya sa pamimigay ng iba pang tulong sa mga apektado.
Ang AICS ay isa sa mga social welfare services na ibinabahagi ng ahensya. Layunin nito na tulungan ang mga mahihirap nating kababayan na sumasailalim sa krisis upang matugunan sa kanilang mga pangangailangan.