Puno man ng takot at kaba, sakay ng maliit na eroplano, patuloy pa rin ang ilan sa mga kawani ng Kagawaran ng Kagalingan at Pagpapaunlad Panlipunan Rehiyon Dos sa paghahatid ng tulong at serbisyo sa mga residente ng Maconacon at Divilacan, Isabela noong ika-17 hanggang 19 ng Mayo, taong 2023.
“Noong nalaman kong pupunta ang DSWD sa amin, tinaas ko ang dalawang kamay ko sa tuwa. Nasabi ko sa sarili ko ay sa wakas, ito na ang tulong na hinihintay ko”, pahayag ni Lola Orbita Dela Cruz, 79 na taong gulang, mula sa Maconacon, na halos maluha-luha na sa labis na tuwa.
Sa tatlong araw na pamamalagi sa Maconacon at Divilacan, matagumpay na idinaos ng ahensya ang Pamaddayaw na Pannagradua na Pantawid Pamilya o ang ceremonial graduation ng mga benepisyaryo ng Pantawid Pamilyang Pilipino Program (4Ps). Ito rin ay malugod na pinuntahan ni 1st District of Isabela Representative, Cong. Antonio “Tonypet” Albano at isang representative ng Provincial Social Welfare and Development Office.
Naghatid din ang ahensya ng tulong pinansyal para sa mga estudyante ng munisipalidad, sa ilalim ng programang Assistance to Individuals in Crisis Situations (AICS). Dagdag pa nito ang tulong medikal na pinaabot ng ahensya, sa ilalim din ng nasabing programa.
Binisita rin ng ahensya ang ilan sa mga daycare centers sa nasabing lugar. Kasabay ng pagbisita ang pagsasagawa ng monitoring sa implementasyon ng Supplemental Feeding Program (SFP). Layunin nitong mabigyan ang mga kabataan ng wastong pagkain, upang masigurado na sila ay nakakatanggap ng tamang nutrisyon.
Kasunod nito ay ang pagbisita mga benepisyaryo ng Sustainable Livelihood Program (SLP). Dito, nabigyang pagkakataon ang mga benepisyaryo na ihayag ang kani-kanilang kwento ng tagumpay; mula sa pagsisimula sa kanilang munting negosyo hanggang sa paglago nito.
Nagkaroon din ng pagkakataon si Regional Director Lucia Suyu-Alan na magkaroon ng masinsinang pag-uusap, kasama ng dalawang alkalde ng nasabing mga munisipyo. Sa kanilang dayalogo, naiparating nina Hon. Rolly M. Quebral, alkalde ng Maconacon, at Hon. Venturito C. Bulan, alkalde ng Divilacan, ang ilan sa mga pangangailangan ng kanilang mga kababayan.
“Gayundin ang ating pasasalamat sa DSWD sa napakaraming tulong ng kanilang opisina, gaya ng social pension, medical at educational assistance, supplementary feeding, at iba pa. May we continue to work hand-in-hand towards a brighter future”, ani ni Hon. Quebral sa kanyang talumpati sa isinagawang graduation ceremony ng 4Ps.
Kabilang sa mga programang patuloy na hinahatid ng ahensya ay ang Unconditional Cash Transfer (UCT) Program para sa mga indigent senior citizens, Kapit-Bisig Laban sa Kahirapan-Comprehensive and Integrated Delivery of Social Services (KALAHI-CIDSS), at pamamahagi ng Food at Non-Food Items sa mga biktima ng sunod-sunod na lindol at bagyo sa lugar.
Ang unang naramdaman na kaba at takot ay tunay ngang napalitan ng tuwa at pananabik; pananabik sa nakaabang na magandang kinabukasan ng Maconacon at Divilacan. Tunay nga na sa DSWD, Bawat Buhay ay Mahalaga. Tunay nga rin na sa rehiyon dos, handa ang mga kawani ng ahensya na tawirin ang anumang bundok o dagat, maabot lamang ang mga nangangailangan.