TUGUEGARAO CITY, Cagayan – Upang magampanan ang tungkuling makapagbahagi ng Maagap at Mapagkalingang Serbisyo sa komunidad, nakilahok ang Kagawaran ng Kagalingan at Pagpapaunlad Panlipunan Rehiyon Dos (DSWD FO2) sa isinagawang Libreng Laboratoryo, Konsulta at Gamot Para sa Lahat (LAB for ALL) caravan noong ika-27 ng Pebrero 2024.

Nasa 1,500 na benepisyaryo mula sa probinsya ng Cagayan ang nabigyan ng pagkakataon na sumailalim sa libreng pagsusuri ng mga doktor at iba pang serbisyong pang-medikal, tulad ng libreng x-ray.

Maliban dito, ang mga benepisyaryo rin ay nabigyan ng tulong pinansyal (P 2,000), sa pamamagitan ng Assistance to Individuals in Crisis Situations o AICS, upang pangtustos sa kanilang pangangailangang pang-medikal, at iba pa. Panghuli, ang DSWD FO2 ay namigay rin ng Family Food Packs upang mayroong pagkukuhanan ng pagkain ang mga benepisyaryo ngayong papalapit na ang panahon ng El Niño.

Bumisita rin si First Lady Marie Louise “Liza” Araneta-Marcos sa nasabing caravan, kung saan pinakita niya ang kanyang suporta sa nasabing programa.

Sa kanyang pahayag, “maraming salamat sa lahat ng ating kasamahan sa gobyerno at pribadong sektor. Sa tulong ng Lab for All, sama-sama tayong babangon muli sa bagong Pilipinas.”

Nagsagawa rin ng pamimigay ng cheke sa limang asosasyon sa ilalim ng Sustainable Livelihood Program. Ang mga asosasyon na ito ay makakatanggap ng tulong pinansyal upang matulungan silang mapalago ang kanilang mga napiling negosyo.

Ang “Lab for All” ay isang outreach program na naglalayong mapalapit ang pisikal at medikal na pagsusuri sa mga benepisyaryo.