Sa kanyang pagtratrabaho bilang isang empleyado ng ahensya, masayang nagbabalik-tanaw si Bryan sa kanyang nakaraan; isang nakaraan na tila ba’y humubog sa kung ano siya ngayon. Nagsimula ang kanyang kwento sa munting barangay ng Macanaya, Aparri, Cagayan. Bata pa lamang si Bryan ay mulat na ang kanyang kaisipan sa kung ano ang Kagawaran ng Kagalingan at Pagpapaunlad Panlipunan, o DSWD.
Isa ang pamilya ni Bryan sa mga mapalad na napili bilang benepisyaryo ng Pantawid Pamilyang Pilipino Program (4Ps). Dito, umusbong sa kanyang puso ang pangarap na makapagtrabaho sa DSWD. Sa isip niya’y gusto niyang maibalik sa sambayanan ang tulong na inihatid ng ahensya. Hindi rin nagtagal at nakapagtapos si Bryan ng kolehiyo sa Cagayan State University – Aparri Campus, sa kursong Bachelor of Science in Accounting Technology. Ang kanyang tagumpay sa paaralan ay resulta ng financial assistance at iba pang mga aral sa buhay na hatid ng 4Ps.
Ngunit, kahit siya ay nakapagtapos, hindi naging madali ang kanyang paghahanap ng trabaho. Ang dating pangarap niyang maging empleyado ng DSWD ay tila ba lumalayo sa kaniyang paningin. Dulot ng hirap ng buhay, si Bryan ay nakipagsapalaran. Upang makapagbigay ng tulong sa kanyang pamilya, minabuti niyang gamitin ang kanyang talento sa sining. Siya ay nagtrabaho bilang dance choreographer, freelance make-up artist, at event host. Maliban diyan, minabuti din niyang tulungan ang kabataan sa kanilang pag-aaral, sa pamamagitan ng pagtu-tutor.
Malabo mang matupad ang kanyang pangarap, hindi pa rin sumuko si Bryan. Sa patuloy niyang paghahangad, nakita niya ang post ng bakanteng trabaho sa opisyal na Facebook page ng DSWD Field Office 02. Sinubukan niya ang kanyang kapalaran at dali-dali siyang nagsumite ng kanyang mga requirements. Dahil sa kanyang patuloy na pagtitiwala, si Bryan ay mapalad na nakuha bilang isang Project Development Officer II ng Sustainable Livelihood Program (SLP) ng ahensya.
Dahil dito, mas natutulungan ni Bryan ang kaniyang pamilya. Ani niya, “malaki ang tulong na bibigay ng trabaho ko sa DSWD. Una, nagkaroon ako ng stable na trabaho dahil dati ay umaasa lamang ako sa mga events at nag-eextra lamang. Pangalawa, natutulungan ko ang aking pamilya upang maibigay ang pang araw-araw na gastusin lalo pa at walang trabaho ang aking nanay at tatay. Maging ang mga kapatid ko at pamangkin ay natutulungan ko sa pagbibigay ng allowance sa kanilang pag-aaral.”
Sa kasalukuyan, limang buwan na siyang naninilbihan sa mga benepisyaryo ng SLP, sa Naguilian, Isabela. Sa limang buwan na ito, tila ay maraming aral ang tumatak sa kanyang puso at isipan. Ayon kay Bryan, “ang aral na natutunan ko sa aking trabaho ay ang pagkakaroon ng, pag-unawa at empatiya. Natuto akong maging handa na makinig sa mga iba’t-ibang istorya at karanasan ng kapwa. Dahil dito, napapalalim ang aking kakayahan sa pagbibigay ng maagap at mapagkalingang serbisyo. Lalo ko ring nauunawan ang hinaing at damdamin ng mga nasa laylayan.”
Maliban dito, natutunan din ni Bryan ang pakikipag tulungan at pakikipagdamayan sa anumang oras at sitwasyon. Naniniwala siya na ang pagdamay sa kapwa ay isang mahalagang aspeto upang magkaraoon ng matibay na samahan at pagkakabuklod-buklod.
Ngayon, patuloy ang pagbibigay ni Bryan ng serbisyong may puso at malasakit sa kanyang kapwa. Siya ang nagsisilbing tagahatid ng impormasyon sa mga residente ng Naguilian, Isabela, na walang akses sa balita. Dagdag pa rito, patuloy rin siyang tumutulong sa kanyang trabaho sa SLP. Panghuli, si Bryan din ay aktibong tumutulong sa komunidad tuwing panahon ng bagyo at kalamidad.
Isa si Bryan sa libo-libong Angels in Red Vests sa buong Pilipinas. Habang tinatahak ang mga kalsada ng Naguilian, Isabela, taas noong bitbit ang kanyang Red Vest, hindi mapigilan ni Bryan na makaramdam ng galak sa kanyang puso. Hindi alintana ang mainit na araw at mahaba-habang lakarin upang magsilbi ng may extra love at extra care.