“Never give up on what you really want to do. The person with big dreams is more powerful than with all the facts.”
-Albert Einstein
Lahat tayo ay may pangarap. At ang pagkakaroon natin ng pangarap ang siyang nagsisilbing sulo sa patuloy nating pagtahak sa landas ng ating buhay. Sa isang buhay na puno ng pagsubok, ang ating pangarap ang siyang magbibigay ng lakas at inspirasyon sa atin. At ako, bilang isang tao rin ay may mga mithiin sa buhay na nais kong makamit kaya lahat ng hamon ay patuloy kong sinusuong. Ako si Divina de Leon, mula sa bayan ng Roxas, Isabela, at ito ang aking kuwento.
Isa lang akong simpleng tao na mayroong payak na pamumuhay. Ako ay anak ng isang magsasaka. Ang aking ama na si Danilo de Leon ay nakikisaka lamang sa isang maliit na lupa. At ang aking ina na si Luisa de Leon ay isang simpleng may bahay lamang. Kami ay tatlong magkakapatid ngunit ang aking ate at kuya ay may sarili ng mga pamilya.
Lumaki ako at nasanay sa hirap ng buhay. Pumapasok ako sa paaralan kahit minsan ay wala ng maibigay na baon ang aking mga magulang. Maraming bagay ang nag-uudyok sa akin na magpatuloy sa pag-aaral. At dahil sa aming kalagayan, pinagbuti ko ang aking pag-aaral, kaya naman ako ay nagtapos bilang valedictorian nung elementarya.
Sa pagpasok ko ng sekondarya, maraming pag-aalinlangan ang sa mga magulang ko ay namutawi, baka raw ay hindi na ako makapgpatuloy pa sa pag-aaral. Parang pinagsakluban ako ng langit at lupa sa aking narinig at nagtanong kung bakit napakalupit ng kapalaran sa akin.
Ngunit sinabi ko sa aking isip na hindi ako dapat mawalan ng pag-asa. Lagi ko nalang sinasabi na mabait ang Diyos at gagawa siya ng paraan upang matulungan akong makapag-aral.
At tunay ngang mabait ang Diyos dahil dininig Niya ang aking dasal, at ito ay sa pamamagitan ng Pantawid Pamilyang Pilipino Program.
Nagsimulang maging benepisyaryo ng program ang aking pamilya ng ako ay nasa unang baitang sa hayskul. Ang aking ina ang tumatanggap sa cash grants at sinisikap naming makasunod sa mga kondisyon. Regular siyang dumadalo sa Family Development Sessions at ako naman ay hindi lumiliban sa klase. Malaki ang tulong ng cash grants upang ako ay makapag-aral, hindi ako nagpapahuli sa extra-curricular activities at sa iba pang aktibidades ng aming paaralan. Halos kumpleto rin ang mga gamit ko at meron na rin akong ‘daily allowance’.
Maraming pagsubok ang dumating sa akin bilang isang estudyante sa sekondarya. Nakita ko ang sakripisyo ng aking mga magulang para lamang matustusan ang aking mga pangangailangan, lalo na sa pagsali sa iba’t-ibang ‘extra-curricula activities’. Kung talagang wala kaming pangtustos, nangungutang sila. Ngunit lahat ay nag-iba buhat ng kami ay mapasama sa Pantawid Pamilya. Dahil rin sa programa, mas pinag-igihan ko ang aking pag-aaral kaya naman ipinagmamalaki kong ibahagi na simula 1st year hanggang 3rd year, ako ang nanguna sa aming klase.
Mas lalo ring nagsikap ang aking mga magulang. At ginawa ko rin ang aking parte bilang isang anak at estudyante. Nag-aral ako ng mabuti, nagsunog ng kilay kapag may mga pagsusulit, at higit sa lahat, patuloy na nanalig sa Dakilang Lumikha.
Lahat nga ng aking paghihirap ay nagbunga nang ako ay magtapos bilang ‘valedictorian’ ng Munoz National High School nung nakaraang taon. Maliban pa ditto, nagkamit din ako ng iba pang mga parangal at umabot sa tatlumpung medalya ang iginawad sa akin. Nung araw na iyon, walang anumunag salita ang makakapaglarawan sa tuwa na aking naramdaman, lalo na ng aking mga magulang.
Ang buhay ko ay parang isang puno ng kawayan. Pagdating ng bagyo, yumuyuko ito, subalit pagkatapos ng unos, muli itong tumatayo. Katulad ko, marami mang pagsubok ang dumating sa aking buhay, problema sa aking pag-aaral, ilang beses man akong umiyak at sumuko, muli ako ay tatayo at patuloy na lalaban.
Lahat tayo ay may kani-kaniyang pangarap sa buhay at nakasalalay sa ating mga kamay ang pagkamit dito. Patuloy na mangarap, magsikap, at higit sa lahat, manalig sa Kanya. Lagi ring isaisip na ang kahirapan ay kailanman hindi isang balakid sa pag-abot ng mga mithiing ito. At ako, si Divina de Leon, ang isa sa mga magpapatotoo nito. ### By: NiALLEGREA G. VALDEZ, Municipal Link – Roxas Isabela; Edited by: MARICEL B. ASEJO, Information Officer II, Pantawid Pamilya