Masayang tinanggap ng Sustainable Livelihood Program (SLP) participants ang katibayan ng kanilang pagtatapos sa iba’t ibang vocational courses (NC II) sa TESDA-Isabela School of Arts and Trade (ISAT), City of Ilagan, Isabela noong Nobyembre 24, 2016.
Bukod sa kanilang sertipiko ng pagtatapos, ang 349 na mga nagsipag-tapos ay binigyan din ng tool kits ng DSWD sa pamamagitan ng SLP upang sila ay makapagsimula ng makapag-hanap buhay.
“Gamitin ninyong sandata ang inyong natutunan dito sa TESDA-ISAT upang kayo ay makaahon sa kahirapan, mapaunlad ang inyong mga sarili, makatulong sa pamilya at maging kapaki-pakinabang na mamamayan ng ating bansa,” mensahe ni DSWD Regional Director Ponciana P. Condoy.
Sa likod ng tagumpay ng mga nagsipag-tapos ay ang gabay ng Municipal Action Teams sa iba’t ibang bayan ng Isabela na binubuo ng Municipal Links at Project Development Officers at sa pangunguna din ng SLP Regional Program Coordinator na si Mr. Noel Domingo, SLP Isabela Provincial Coordinator, Ms. Maricel Balisi at Monitoring and Evaluation (M&E) Officer, Mr. Juan Zalun.
Kabilang sa mga programa/kursong natapos ng mga SLP participants ay ang Automotive Servicing NC II, Bread and Pastry Production NC II, Beauty Care (Nail Care) NC II, Computer Systems Servicing NC II, Cookery NC II, Dressmaking NC II, Driving NC II at marami pang iba.
Ang tema sa nasabing pagtatapos ay, “ISAT-Katuwang ng Manggagawang Pilipino para sa Kasanayan, Kabuhayan at Kaunlaran.” ### By; Gela Flor R. Perez, Regional Information Officer II