Mainit ang sikat ng araw, mangilan ngilan ang mga tao at sasakyan na dumadaan sa pagitan ng mabibigat na bakal ng pintuang-daan. Sa maliit na habong, naroroon si Dionicio Regalado, tahimik na nagmamatyag sa mga taong papasok at palabas sa tanggapan ng Technical Education and Skills Development Agency (TESDA).
“Nakasama ang pamilya ko sa mga napuntahan ng National Household Targeting System for Poverty Reduction (NHTS-PR),” Panimula ni Mang Dionicio, tubong Amulung East ng Cagayan. “Bago nagsimula ang Pantawid Pamilya Program, naidala ko ang aking mag-anak sa Maynila, kung saan ako nagta-trabaho bilang isang security guard.”
Naging masalimuot ang buhay nila sa Maynila sapagkat sa halos lahat ng pangangailangan nila ay may katapat na gastos. Lalung lalo na’t si Glenda, ang kanyang maybahay, ay naroroon lamang sa bahay at wala namang mapagkakakitaan dahil hanggang hayskul lamang ang natapos.
Napag-alaman nila, taong 2009, mula sa local na pamahalaan na sila ay napabilang sa programa, kaya naman nagmadali siyang pabalikin ng probinsiya ang kanyang mag-iina. Sa simula ay si Mang Dionisio na lamang ang nagtrabaho sa Maynila samantalang nasa probinsiya naman ang mga anak, kung saan sila nagpatuloy ng pag-aaral sa mababang paaralan ng Amulung.
“Taong 2011, naging Parent Leader si misis” masaya niyang pagbabalita. “ Nakita ko rin ang malaking pagbabago sa kanya. Hindi lamang siya natutong makihalubilo sa mga tao, nabigyan din siya ng pagkakataon upang mapa-angat ang kanyang karunungan sa tulong ng Family Development Sessions.”
Tatlo sa apat nilang mga anak ang naitataguyod ng programa sa pag-aaral. Samantala, ang maybahay naman na si Glenda ay patuloy ang pagiging aktibong benepisyaryo at Parent Leader. Sa katunayan, napili din ang maybahay upang dumalo sa pagsasanay ng paghahanda ng pagkain sa pakikipagtulungan ng TESDA at DSWD/SLP.
“Nagkaroon kami ng isang pagsubok noong 2016, natigil ako sa pag-guwardiya at umuwi. Hindi ako nakabalik kaagad dahil na rin sa kakulangan ng panggastos sa pagpapabago ng lisensiya sa paggwardiya.”
Masaya niyang ikinuwento kung papaano naman nakapag-bigay ng tulong ang programang Sustainable Livelihood Program upang siya ay makapag-paayos ng panibagong lisensiya imbis na sumailalim sa ibang pagsasanay sa TESDA.
Ipinagmamalaki niya ang maayos na pakikipagtulungan ng mga maggagawa ng ahensiya upang mabigyan sila ng karagdagang ayuda. “Pagkatapos kong nakakuha ng bagong lisencya, nabigyan ako ng assignment sa Alejandra Enterprises, kaso, nalugi ang kumpanya. Ilang buwan din akong nagkaroon ng “floating” na estado, nag-relyebo lamang kapag mayroong mga regular na manggagawa na absent.”
Ika-17 ng Abril nang mapag-alaman niyang nabigyan siya ng regular na posisyon sa TESDA, Carig. Hindi na lamang bilang taga-halili kundi bilang pangunahing empleyado ng ahensiya. Nabigyan pa siya ng sapat na panahon upang maka-uwi sa pamilya araw-araw at makatulong sa pagpapalaki ng kanilang mga anak.
“Hindi ko alam kung saan ko sisimulan ang laki ng pagpapasalamat ko sa lahat ng nagawa ng DSWD sa aming pamilya. Bihira ang mga ganitong oportunidad, kaya naman sisiguraduhin kong mapag-tatapos namin ang aming mga anak!” ang panghuling mensahe ni Mang Dionicio.
###Kwento nina Gina Tumanguil at Elma Ramel