Tuguegarao City – Walumpung Parent Leaders (PLs) ng programang Pantawid Pamilya Pilipino Program (Pantawid) ang sumailalim sa pagsasanay sa Crown Pavilion ng lungsod ng Tuguegarao sa dalawang magkahiwalay na iskedyul ng Agosto 9-11 at Agosto 14-16.
Ang mga kasapi sa pagsasanay ay mga Parent Leaders na galing pa sa iba’t-ibang munisipyo ng apat na probinsiyang sakop ng programang Pantawid sa rehiyon.
Pinamagatang “Capability-Building for Parent Leaders” ang para sa mga unang lebel o nagsisimula pa lamang na mga PLs ang unang session. Tinalakay dito ang mga kaalaman at mga pagbabagong napapaloob sa programa ng Pantawid, ang mga responsibilidad ng isang parent leader at ang iba’t ibang pamamaraan ng pakikipagkomunikasyon.
“Skills Enhancement Training for Parent Leaders as Program Advocates” naman ang pamagat sa mga nasa pangalawang lebel na mga PLs. Tinatalakay rito ang mga istratehiya ng pagiging isang epektibong lider at ang pagkakaroon ng adbokasiya sa pagpapaunlad ng programa.
Ayon sa mensahe ni Assistant Regional Director for Operations, Lucia S. Alan, “Sa pamamagitan ng pagsasanay na ito, nais naming iparating ang pagkilala ng ahensiya sa anking kagalingan at katalinuhan ninyong mga parent leader at ang pag-asang kayo ang magiging katuwang namin sa adbokasiya ng programa.”