Tuguegarao City – 87 na benepisyaryo ng Pantawid Pamilyang Pilipino Program (Pantawid) sa Rehiyon ang sumailalim sa Empowerment and Reaffirmation of Parental Authority Training o ERPAT sa tatlong magkakaibang sesyon na ginanap sa buong buwan ng Pebrero, 2018.
Naglalayong maisulong ang adbokasiyang pagpapahalaga ng kalalakihan sa kanilang mga kabiyak, mga anak at komunidad ang pagsasanay na dinaluhan ng 87 na kataong binubuo ng mga amang parent leader at benepisyaryo ng programa.
Ang ERPAT ay binubuo ng iba’t-ibang aralin kung saan tinatalakay ang mga basehan sa batas, sikolohikal na pagpapaunlad, emosyonal na pakikipagkapwa at praktikal na kaalaman sa pagpapamilya. Ito ay naisasagawa sa pamamagitan ng talakayan, laro, pagguhit at iba pang pamamaraan ng pagpalitan ng mga kuro kuro.
Ang sagot ni Roel Bataller ng San Mariano, Isabela sa katanungan kung ano ang ibig sabihin ng pagiging isang ama, ito ang kaniyang naging sagot: “Ang ibig sabihin ng pagiging tatay ay ang pananatiling matatag maging sa oras ng kagipitan. Sila ang sandalan, pinagkukunan ng lakas, tagapag-taguyod atang pundasyon ng matibay na pagsasama ng mag-asawa kasama ang kanilang mga anak.” Nagbitiw din siya ng isang hamon sa sarili, “Bilang isang ama, sisikapin kong maging isang tunay na ehemplo ng katuwiran, sa aking mga anak at ang pag-adbokasiya ng karapatan ng mga kababaihan sa kapwa ko kalalakihan.”
“Ngayon ko lamang tunay na naintindihan ang kahalagahan ng pagkakaroon ng bukas na komunikasyon sa aking kabiyak,” ang reaksiyon naman ni Roberto Blen Balucas ng Sta. Ana, Cagayan sa nadaluhang gawain.”Nalulungkot ako dahil hindi ko magagamit ang mga bago kong natutunan sa aking misis na pumanaw kamakailan lang, ngunit maipapasa ko naman ang kaalamang ito sa mga anak kong lalaki” aniya.