Tuguegarao City – 97,243 na pamilyang kasapi sa Pantawid Pamilyang Pilipino Program (Pantawid) ng Department of Social Welfare and Development Field Office 02 (DSWD – FO2) ang makakatanggap ng Unconditional Cash Transfer simula Marso 12, 2018.
Ang Unconditional Cash Transfer Program ay nabuo bunsod ng Tax Reform for Acceleration and Inclusion (TRAIN) Law na ipinatupad simula ngayong taon. Ito ay naglalayong matulungan ang mahihirap na pamilyang Pilipino upang maibsan ang epekto ng pagpapatupad ng TRAIN Law sa pamamagitan ng pagbibigay ng halagang 200.00 piso bawat buwan o 2,400.00 piso sa isang taon.
Ayon sa Financial Analyst ng DSWD – FO2 na si Mervin Mercado, mauunang mabibigyan ng halagang 2,400.00 piso ang nasa 49,204 aktibong benepisyaryo ng Pantawid na gumagamit ng Cash Card o ang Automated Teller Machine Card sapagkat mas mabilis ang paglipat ng pera sa mga may ATM.
Samantala, ang natitirang 48,039 naman na gumagamit ng offsite o over-the-counter (OTC) cash payout ay mabibigyan na rin simula nitong March 19 ng taon.
Naniniwala si Officer-In-Charge Lucia S. Alan ng DSWD – FO2 na maihahatid rin sa iba pang benepisyaryo maliban sa mga miyembro ng Pantawid Pamilya, katulad ng mga Social Pensioners at napabilang sa mahihirap na pamilya ng Listahanan, ang UCT sa lalong madaling panahon.