“Masasabi kong sa unang tingin, hindi mo maiisip na magiging isa ako sa mga taong ang adbokasiya ay maisulong ang karapatan at maayos na pagtrato sa mga kababaihan,” panimula ni Roberto Blen Balucas, 45 anyos na parent leader (PL) mula sa Sta. Ana, Cagayan. “Sa lahat ng dinanas ko sa buhay, huli na siguro sa isip ko ang kapakanan ng kapwa ko, palagi kong inuuna ang aking sariling interes.”

 

Lumaki si Roberto sa isang pamilyang hindi relihiyoso. Ayon sa kanya, sila ay nakakapasok lamang sa simbahan tuwing may Kasal-Binyag-Libing na katuwaan niyang tinatawag na “Kilusang KBL”. Naging maluwag sa pagdidisiplina ang kanyang mga magulang at hindi naging magandang ehemplo sa kanilang magkakapatid. Ang kanyang ama ay kilalang lasenggo, ang kinikita niyang dapat ay napupunta sa labin-isang anak ay napupunta lamang sa alak samantalang ang ina ay tikom lamang at nakalagi sa bahay.

 

Labing-apat na taon pa lamang siya nang masubukan na rin niya ang uminom ng alak hanggang malasing. Dahil din sa pagpapabaya ng mga magulang, sumubok siya ng iba’t-ibang bisyo, pagsusugal hanggang humantong siya sa paggamit ng illegal na droga.

 

Nakilala niya ang kanyang kabiyak sa Maynila at tumuloy sa Abra, nagtrabaho bilang bodyguard ng isang pulitiko at naipapasama sa iba’t-ibang hindi kanais nais na mga gawain. Pitung-taon muna sila nagsama sa iisang bubong bago ito nabasbasan ng kasal at sa loob ng mga panahong iyon, patuloy pa rin ang kanyang pagtugon sa tawag ng laman. Gayunpaman, hindi siya sinukuan ng kabiyak at patuloy pa rin ang pagsuporta at pagtanggap sa kanyang mga pagkakamali. Nabiyayaan sila ng dalawang anak.

 

Sa isang hindi inaasahang pagkakataon noong 2008, nagkaroon ng banta sa kanyang buhay kaya naisipan niyang ilipat ang kanyang pamilya sa Sta. Ana, Cagayan, tugon na rin sa imbitasyon ng kanyang kapatid. Dito, nakita niya ang tahimik at simpleng buhay ng komunidad sanhi upang magtayo siya ng permanenteng paninirahan.

Hindi naging mabilis ang pagbabago sa kanyang buhay, sa tuwing siya ay lalabas ng kanilang bahay, nakikita niyang lumuluha ang asawa dahil sa takot sa banta sa kanyang buhay. Nagkaroon siya ng pagkakataon na mapagmasdan ang paglaki ng kanyang mga anak at napaisin, “Kung may mangyayari sa akin, ano kaya ang mangyayari sa mga anak ko?” Ito ang simula ng kanyang pagbabago at dahil sa pagmamahal at dedikasyon ng kanyang kabiyak ay unti-unti niyang naramdaman ang importansiya ng kanyang pagiging mabuting ama sa kanyang pamilya na umaasa at nagtitiwala sa kanya.

 

Nagawa niyang talikuran ang dating mga gawain at ibinuhos ang panahon sa pag-aalaga ng mga hayop katulad ng kambing, manok at pagtatanim. Nagsimula din siyang magtanim ng gulay upang mayroon silang pagkukunan ng makakain sa pang-araw araw, ngunit hindi ito naging sapat lalo na sa pangangailangan ng mga anak sa pag-aaral at hindi regular ang kaniyang trabaho. Sa pagdating ng Pantawid Pamilyang Pilipino Program taong 2009 sa kanilang komunidad, nabigyan sila ng pagkakataon upang maipadala ang kanilang anak sa paaralan na hindi kinakapos sa panggastos sa kanilang tahanan.

 

Naging malaking dagok sa buhay ni Roberto ng magkasakit ang kanyang asawa. Naitakbo pa siya sa Cagayan Valley Medical Center (CVMC) ngunit sa kasamaang palad, ay binawian din ng buhay noong ika-lima ng Nobyembre ng taong 2017. Naramdaman ni Roberto ang bilis ng pagbabago sa kanyang buhay, mula sa paghahanap-buhay hanggang sa mga gawaing bahay at ngayon, bilang isang parent leader sa kanilang lugar. Ang kawalan ng kaniyang kabiyak ang sumubok sa kanyang tatag, lakas ng loob at sa unang pagkakataon ang pagtitiwala sa Diyos na pasasaan man ay maitataguyod pa rin niya ang kanyang pamilya.

 

Gayunpaman, nagsisilbing lakas niya ang mga munting tagumpay sa buhay. Ang 15 anyos na panganay ay miyembro ng Swim Team ng Sta. Ana at nakalahok na sa iba’t-ibang palaro sa kanilang lugar maging sa buong rehiyon. Ang pangalawa naman ay patuloy pa rin sa pag-aaral.

 

Bilang isang kalahok ng Empowerment and Reaffirmation of Paternal Authority Training o ERPAT, lalo siyang nahimok na magpursige upang magampanan ang mga responsibilidad hindi lamang bilang isang ama kundi maging isang ina sa kanyang mga anak.

 

“Sa mga nakaraang araw ng training, madami akong bagong natutunan patungkol sa Gender at Sex at kung paano respetuhin ang pananaw ng bawat indibidwal,” may lungkot sa kanyang pananalita. “Ngunit, hindi ko maiwasan at mapigilan ang mapaluha noong pinag-uusapan ang magandang pagsasama ng mag-asawa. Naiisip ko, hindi ko man lang masubukan ito sa babaing bukod tangi ang naging pagmamahal sa akin. Hindi ko na maiparamdam sa kanya kung gaano kalaki ang pagkakasangkapan sa kanya ng Diyos upang mabago ako. Gayunpaman, ipinapangako ko sa sarili ko na hindi ko man ito maiparamdam sa kanya, sisiguraduhin ko naman na magagawa ito ng mga anak namin pagdating ng araw.”