“Ako si Roselyn C. Valdez, tubong Maddela, Qurino at pang-apat na anak nina Nenita at Rodrigo Valdez.
Bata pa lang ako namulat na ako sa kahirapan. Walang pagmamay-aring lupang sakahan ang aking mga magulang. Ang ama ko ay nagsisilbing bayarang labourer at hindi naman araw araw na may nakukuhang patrabaho. Isinasama ako ng nanay ko sa bukid para magtanim ng gulay para sa aming pangangailangan. Tuwing anihan ng mga mais sa aming barangay, kami ng aking mga kapatid ay pumupunta sa bukid para manguha ng mga tira tira na hindi naani ng may ari. Ito ang pinagkukunan namin ng makakain at pangkabuhayan.
May mga pagkakataon na nakikitinda ako ng mga gulay at ito ay inililibot ko sa aming barangay. Sinasabayan ko ang pagtinda ng gulay sa umaga sa paglalako ng ice candy sa hapon. Maliit man ang kita, ay nagagawan naman namin ng paraan upang matustusan ang mga gastusin sa bahay. Ganunpaman ang sitwasyon namin ay hindi ako nakitaan ng pagrereklamo ng aking mga magulang sapagkat saksi ako sa pagsusumikap nila upang mabuhay kaming limang magkakapatid.
Ang unang dagok sa aming buhay ay dumating noong ako ay nasa Grade 7, nang mamatay si nanay. Mas lalong nadagdagan ang aking responsibilidad sa loob ng bahay sapagkat ang panganay kong ate ay may mental disability. Hindi man handa, napilitan akong tumayong tagapangasiwa sa aming bahay sa tuwing nagtatrabaho sa bukid ang aking mga nakatatandang kapatid mula sa paggawa ng mga gawaing bahay pati na ang pangangalaga sa ate at nakababatang kapatid ko.
Napakahirap man para sa nakararaming ka-edad ko ngunit nakaya ko ito. Sandata ko ang pagmamahal sa aking pamilya at pangako sa aking ina na itutuloy ang mabubuting aral na kanyang iniwan sa amin. Tuwing bakasyon, nakikikita ko ang aking mga kaibigan at kapwa mag-aaral na namamasyal, ngunit hindi ko iyon kinainggitan. Determinado akong makatapos kaya ginagamit ko ang aking mga libreng oras upang manilbihan bilang helper sa palengke. Ang kita ko ay ibinibigay kong tulong sa pamilya namin kaysa ibili ko ng sarili kong mga gamit. Kuntento naman ako sa mga gamit na ipinapahingi ng mga kamag-anak at iba pang mga kaibigan. Nagpatuloy ito hanggang sa matapos ko ang Grade 10.
Pagpasok ko sa Grade 11, naging pagsubok sa akin ang mag-aral dahil malayo at nasa kabilang barangay ang paaralan na aking pinapasukan. Kinailangan naming kumuha ng boarding house sapagkat mas magastos ang mag-uwian ako araw araw. Ayaw ko namang bigyan ng dagdag pasanin ang aking pamilya kaya nanilbihan ako sa isang restaurant. Naroroon ako tuwing bakante ko sa tanghali upang malibre ang aking pagkain samantalang buong araw naman ako nagsisilbi tuwing wala akong pasok. Subalit masyado pa rin itong mabigat para sa pamilya ko. Naisipan ko na lamang manilbihan bilang kasambahay noong ako ay maging Grade 12 kasabay ng aking pag-aaral. Naging napakahirap ng aking pinagdaanan dahil madaling araw ako magsimulang magtrabaho at malalim na ng gabi kapag ako ay matapos. Hindi rin naging maganda ang pakikitungo sa akin ng mga amo ko kaya napag-pasyahan ko muling umalis.
Sa awa ng Diyos ay napakiusapan ko ang isa kong tiyahin na ako ay patirahin sa kanilang bahay upang manilbihan sa kanyang karinderya. Mabuti na lamang at nakakatanggap kami ng aming “Cash Grant” mula sa Pantawid Pamilya at napakalaki ng tulong nito upang hindi ko intindihin ang aking mga proyekto sa paaralan at iba pang mga bayarin. Napakahirap man ng pinagdaanan ko sa pag-aaral ng sekondarya, hindi ito naging hadlang sa akin upang magkamit ng gold medal sa asignaturang Matematika at bronze medal sa Siyensiya. Dumating ang araw ng aming pagtatapos sa senior high sa Science, Technology, Engineering and Mathematics track at ako ay tumanggap ng High Honors. Hindi pa rito nagtatapos ang aking mga pangarap. Nais ko pang makatungtong sa kolehiyo kaya naman sinusubukan ko ding mag-apply sa iba’t-ibang scholarships at isa na dito ang galing sa Department of Science and Technology kung saan napabalitang ako ay pumasa sa kanilang naunang screening. Nais kong makapagtapos sa kursong Civil Engineering kaya naman sandata ko sa tagumpay ang pagmamahal at suporta ng aking pamilya.
###Kwento ni Alma C. Matias