Ako si Angelica T. Lactao, isang CHED- ESGPPA grantee sa Isabela State University (ISU)-Roxas Campus.Kasalukuyang nag- aaral ng kursong Bachelor of Science Education major in Mathematics at nasa ikatlong taon na ako sa kolehiyo.
Sa kagustuhang maiahon sa kahirapan ang aking pamilya, muli akong nangarap at sumubok na makapag-aral ng kolehiyo. Hindi ako nabigo sapagkat sa tulong ng aming Scholarship Coordinator, napabilang ako na isa sa mga scholar ng ESGP-PA.
Lumaki ako sa simple at masayang pamilya na kahit na gaano man kahirap ang buhay, sama-sama kaming nagtutulungan. Galing ako sa pamilya Lactao sa Mallig, Isabela. Pangalawa ako sa apat na anak ni Ruben B. Lactao at ni Imelda S. Taguinod. Ang aking mga kapatid ay sina Rochelle, Carla Mae at Alvin. Sa ngayon ay nadagdagan kami sa pamilya, ang aking pamangkin na si Erylle Jake, anak siya ng panganay kong kapatid.
Hindi madali ang buhay kabataan ko sapagkat bata pa lang ay naranasan ko ng ma-bully ng mga kakilala ko dahil sa mababang estado ng aming buhay. Nagpatuloy ito maging sa pagtungtong ko sa sekondarya sa kadahilanang hindi ako makasabay sa mga gawain lalo na kung may kalakip na gastos. Kinimkim ko ito sa aking sarili, natatakot na baka kapag ito ay nasabi ko sa aking mga magulang ay masasaktan sila. Hindi kaila sa akin ang kanilang pagpupusirge makapag-aral lamang kami kung kaya’t hindi ko nanaisin pang madagdagan ang kanilang aaalalahanin.
Nagtapos ako ng elementarya sa Manano Elementary School-Annex bilang Valedictorian sa aming klase. Sobrang galak ng aking pamilya noon, lalung-lalo na ang aking mga magulang dahil hindi nila akalain na gaano man kasalat ang aming pinagkukunan ay nagawa ko pa ring maiuwi ang pinakamataas na karangalan.
Nagbago ang lahat nang ako ay tumuntong sa Villa Cacho Integrated School, nakakalungkot man ngunit wala akong naging honor noon dahil na rin sa nahuli ako sa klase at sa mga aralin. Madalas akong magkasakit noon at nahuhuli sa mga asignatura.
Matapos akong makapagtapos ng high school, hindi ako agad nagtuloy ng kolehiyo dahil nahuli ako sa pagkuha ng mga requirements ko na kailangan sa pag-enroll kaya naman huminto ako ng isang taon. Nanirahan muna ako ng kalahating taon sa Pangasinan kasama ang pinsan kong nakapangasawa doon. Taga-alaga ako noon ng kanilang anak kapalit ng paninirahan ko doon. Doon nakasanayan ko ang hindi maging pala-asa sa aking mga magulang bunsod ng paninilbihan ko at pagiging malayo sa aking pamilya.
Taong 2015 ay nakapasok ako sa ISU ng kursong Bachelor of Secondary Education. Hindi ito ang kursong nais kong mapasukan ngunit dahil ito ay ginusto ng aking mga magulang at sa kagustuhan ko na ring makapag-aral muli ay pumayag ako. Naging masaya din ako sa kalaunan at natutunan kong mahalin ang kursong ito. Nagkaroon ako ng mga kaibigan na hindi tumitingin sa estado ng pamumuhay at mga gurong nagbibigay ng pagkakataon sa mga panahong hindi pa ako nakakabayad ng matrikula.
Taong 2017, ikalawang semestre ng aking ikalawang taon sa kolehiyo, tumakbo ako bilang Ingat-Yaman o Treasurer sa pinakamataas na organisasyon ng paaralan ang Supreme Student Council at nanalo ako sa tulong ng aking mga co-grantees at sa mga kaklase ko. Sa pagkapanalo kong iyon, madaming natuwa ngunit hindi rin maikakaila na may mga negatibong nagkomento. Sa mga naririnig at nalalaman kong mga sinasabi nila tungkol sa akin, naging motibasyon ko iyon upang ipagpatuloy ang buhay ko bilang estudyante at isang lider ng aming paaralan. Paminsan-minsan ay napapaluha na lamang ako sa aking naririnig ngunit napapatibay ko naman ang loob ko sa tulong ng suporta at pagmamahal ng aking pamilya at pananalig ko sa Panginoon.
Ngayon, nasa ikatlong baitang na ako ng aking pag-aaral. Napapabalitang hindi na magpapatuloy ang programang ESGP-PA. Nakakalungkot at nakakabahala, ngunit ang balitang may iba pang programa ang gobyerno na aalalay sa amin ang siyang nagpapatibay sa aking loob at nagbibigay pag-asa.
Pangako kong makakapagtapos ako ng pag-aaral, makakahanap ng matinong trabaho at matutulungan ang mga magulang at kapatid ko. Nagpapasalamat ako sa mga programa ng ating pamahalaan sa pangangalaga at pagbibigay ng oportunidad sa aming mga salat sa buhay. Maiksi man ang aking biyaheng ESGP-PA, napakalaki naman ang kapalit na aral nito.