Solano, Nueva Vizcaya – Tinatayang 603 na mag-aaral ng Expanded Students Grants-In-Aid Program for Poverty Alleviation (ESGP-PA) ang dumalo sa ginanap na Regional Grand Ceremonial Graduation upang tanggapin ang kanilang certificate of recognition noong July 12, 2018 sa PTL Resort Solano, Nueva Vizcaya.
Ang seremonya ay ginanap bilang paggunita sa mga estudyante ng ESGP-PA na nakapagtapos sa kolehiyo sa iba’t-ibang mataas na paaralan o State Universities and Colleges (SUCs) na matatagpuan sa buong rehiyon sa pangunguna ng Department of Social Welfare and Development (DSWD), Commission on Higher Education (CHED), at mga SUCs.
Sa mahigit na 600 na nagtapos, isa ang nakapagtapos ng Magna Cum Laude, 28 ay Cum Laude, may isang With Academic Distinction, lima ang With Merits at dalawang Leadership Awardees sa pagtatapos na may temang “Susi ng Kabataang 4Ps sa mas maunlad na Kinabukasan.”
Dinaluhan ang selebrasyon ng mga guest of honors na sina J. Prospero E. De Vera III, ang OIC-CHED Commissioner, Leonardo Reynoso, OIC-Assistant Secretary (ASEC) ng DSWD, at ang mga pangulo o kinatawan ng bawat SUCs sa rehiyon.
Naging malungkot man ang hindi inaasahang pagpanaw ng Regional Director ng CHED Region 2 na si Dir. Honorato Alzate, naging matagumpay pa rin ang pagganap ng pinakamalaking selebrasyon ng pagtatapos ng programa ng ESGP-PA mula nang ito’y naipatupad taong 2014.
Bunsod ng pagpapatupad ng Republic Act 10687 o ang Unified Financial Assistance System for Tertiary Education Act (UniFAST), naging mas malawak na ang saklaw ng pagbibigay ng mataas na antas ng pag-aaral ng libre para sa mga estudyanteng Pilipino.
Binati naman ni ASEC Reynoso ang mga magulang sa patuloy na pagsuporta nila sa kanilang mga anak upang masigurong sila ay makakapagtapos sa mataas na paaralan. Aniya, “Kinakailangang maibigay niyo rin ng kaparehong determinasyon at pagpupursige ang paghahanap ng trabaho katulad ng iginawad ninyo noong kayo ay nag-aaral, ito ang panibagong hamon sa inyo.”
“In times like this, we as public servants, feel validated and encouraged when we have better educated and highly employable young Filipinos who will continue in our goals to uplift the country… (Sa mga panahong katulad nito, kami na mga serbisyo publiko, nakikita namin ang kaganapan ng aming serbisyo at napapagaan ang aming loob sa tuwing nakikita namin ang mga nakapagtapos at makakapagtrabaho na mga kabataang Pilipino na siyang magtutuloy sa adhikain natin na maiangat ang antas ng kabuhayan sa bansa)” ay siyang nabanggit ni Commissioner De Vera.
Nabigyan din ng pagkakataong magbigay mensahe ang apat sa nga nagtapos ng Cum Laude na sina: Esperanza Labis ng Cagayan State University, Edleen Joy Pariñas ng Philippine Normal University-North Luzon, Maria Jessica Villantes ng Nueva Vizcaya State University, at May Ann Eugenio ng Isabela State University.