Sa Barangay Busilac ng Bayombong, Nueva Vizcaya ang Sitio Pacpaco. Ito ay malayo sa kinalalagyan ng centro ng Bayombong, madalas nararating lamang sa paglalakad sapagkat naidurugtong lamang ng mga lubak na daan at makakapal na kakahuyan. Mayroong mga nakatirang katutubong Kalanguya sa komunidad. Natatangi ang kultura ngunit nananatili ang mababang antas ng pag-aaral.
Sa paglalayong mapukaw sa mga katutubo ang kahalagahan ng edukasyon, nagkaroon ng pagpupulong na pinangunahan ng Municipal Action Team (MAT) ng Bayombong sa pakikipagtulungan sa Alternative Learning System (ALS) Coordinator, ALS Teachers at lokal na pamahalaan ng Busilac. Inanyayahan ang mga kabataang napapabilang sa Pantawid Pamilyang Pilipino Program kasama ang kanilang mga magulang sa isang lugar sa sitio.
Naging paksa ng pulong ang kahalagahan ng edukasyon sa bawat batang Pilipino at paghihikayat sa mga kabataan upang manumbalik sa paaralan sa pamamagitan ng iba’t-ibang pamamaraan katulad ng sa ALS. Naroroon ang mga kawani ng DepEd na siyang nagpaliwanag sa programa ng ALS at kung papaano nito matutulungan ang mga batang nagka-edad na upang maipagpatuloy ang kanilang pag-aaral na hindi kailangang makapasok sa pormal na paaralan sakaling sila ay nahihiya na sa mga mas nakababatang kamag-aral.
Nabigyan rin ng pagkakataon ang mga magulang upang maihayag ang kanilang pag-aalinlangan sa pag-aaral at kagustuhang matuto ng “basic literacy” upang makasabay sa pagbabago ng komunidad at pagbukas ng iba pang oportunidad.
Buhat sa gawain, dalawampu’t- isa sa mga kabataan ang nagpakita ng interes sa pagpasok sa ALS, hindi rin nagpahuli ang walong mga magulang na nagnais makapasok sa ALS-Elementary samantalang anim sa ALS-Secondary. Masaya ding nagpahiwa tig ang siyam na mga magulang na nais sumailalim sa Basic Literacy Program ng ALS.
###Kwento ni Jane Buligon