Cabarroguis, Quirino – Nagbahagi ng Family Food Packs ang Department of Social Welfare and Development Field Office 02 (DSWD FO2) sa mga residenteng nasalanta ng Bagyong Ompong sa Sitio Potia, Brgy. Dibibi.
Sakay ng isang dump truck, matagumpay na nakarating ang Municipal Action Team (MAT) ng Cabarroguis kasama ang ilang opisyal ng lokal na pamahalan sa Sitio Potia.
Ang naturang sitio ay isa sa mga itinuturing na Geographically Isolated and Disadvantaged Area (GIDA) na pinaninirahan ng mga Indigenous People (IP).
“Agyaman kami ti adu sir, madam ta uray rabiin ken madama bagyo ket niranta da kami nga inikkan ti relief goods. Ti ammuk mabisinan kami tatta rabii ta han kami nakasagana (Kami ay nagpapasalamat na sinadya ninyo kami dito para bigyang ng relief goods. Ang alam namin magugutom kami ngayong gabi dahil hindi kami nakapaghanda),” pahayag ni Marites F. Miguel, isa sa mga residente ng Sitio Potia.
Bagaman gabi na at malakas ang buhos ng ulan, hindi ito inalintana ng mga field staff ng DSWD upang mapuntahan at mahatiran ng tulong ang mga residenteng nasalanta ng bagyo.
“Matatawag itong serbisyong publiko kung isasantabi mo ang kapakanan ng iyong pamilya para sa ikakabuti ng mga mas nangangailangang mga tao. Sakripisyong hindi matatawaran sa mga ngiting naidudulot nito na sumisilay sa bawat taong naabutan ng mga tulong mo,” sabi ni Ruth L. Taccad, Social Welfare Assistant ng Pantawid Pamilyang Pilipino Program sa naturang lugar.
“Ang mga ngiti at pasasalamat mula sa ating mga benepisyaryo na napagsilbihan natin ay nagbibigay ng hindi maipaliwanag na kasiyahan na tanging mga lingkod bayan lamang ang makakaramdam,” dagdag pa nito.
Sa kabuuan, 800 Family Food Packs ang naibigay sa mga nasalanta ng Bagyong Ompong sa Cabarroguis, Quirino. ### By: Margaret G. Arao, Listahanan Information Officer