Tuguegarao City – Nagsimula na ang distribusyon ng ayuda para sa mga nasalanta ng Bagyong Ompong na may totally-damaged houses sa mga probinsya ng Cagayan at Isabela noong Disyembre 19, 2018.
Ayon sa pinakahuling datos ng Department of Social Welfare and Development Field Office 02 (DSWD FO2) ng Enero 4, 2019, 6,496 na mga benepisyaryo na mula sa 14 na munisipalidad ng probinsya ng Cagayan at 8 na munisipalidad mula sa probinsya ng Isabela ang nabigyan na ng ayuda na may kabuuang halaga na PHP 194, 880,000.00.
Ang mga benepisyaryong kabilang sa mga totally-damaged houses ay makakatanggap ng halagang tatlumpung-libong piso o Php 30,000.00 bilang Emergency Shelter Assistance (ESA).
Ang ESA ay ayudang ipinapamahagi ng DSWD alinsunod sa mandato ng Pamahalaang Nasyonal upang matulungan ang mga nasiraan ng tirahan sa pagsalanta ng mga kalamidad tulad ng bagyo.
Ang makakatanggap ng naturang ayuda ay ang mga benepisyaryo sa buong rehiyon na sumailalim sa household assessment nitong huling bahagi ng taon na nakapasok sa batayan ng ahensya para sa ESA.
Magbibigay din ang ahensya ng Cash-For-Work (CFW) na nagkakahalagang Php 62,762,300.00 na naglalayong hikayatin ang mga naapektuhan ng bagyo na ayusin ang mga pasilidad at mga common structures sa kani-kanilang mga lugar upang ito ay maisaayos muli at magamit kapalit ang ayudang CFW.
Sa naging pahayag ni DSWD FO2 Assistant Regional Director for Operations (ARDO) Lucia S. Alan, kanyang ipinaalala sa mga tumanggap ng ESA na gamitin ang halagang ito upang maipatayo o maiayos muli ng mas matibay ang kanilang mga tahanan para sa kanilang pamilya at maging ligtas ang mga mahal sa buhay sa pagdating ng sakuna.
Ipinapaalala rin ng ahensiya na mananatili itong apolitical sa pagdadala ng Maagap at Mapagkalingang Serbisyo sa mga napapabilang sa mababang sector ng lipunan.
Tinatayang nasa Php 637,973,400.00 ang kabuuang ayuda na ibibigay ng ahensya para sa mga nasalanta ng bagyong Ompong sa rehiyon. ### Social Marketing Unit, DSWD Field Office 02