Ni Mary Ann Gonzaga

Sa di kalayuang bayan ng Sta. Ana,

Sitio Dumasag ng Barangay Casambalangan,

Doon ang aming mga paa’y dinala,

Nang si Ompong ay sumalanta;

 

Doo’y nasilayan ng aming mga mata,

Hagupit ng kalikasan at dalang sakuna,

Kalunos lunos na lagay ng kababayang Agta,

Mula sa mga paslit hanggang sa matatanda;

 

Dala’y mga pagkain at aming kalinga,

Maibsan lamang ang kumakalam nilang sikmura,

Pagod at hirap hindi alintana,

Masilayan lamang muli ang kanilang ngiti at pag-asa.